Encore | Macolet AU

BINI (Philippines Band)
F/F
G
Encore | Macolet AU
Summary
Sabi nila sa una lang daw masaya. Sa una lang daw parang panaginip. Na parang kayo lang ang tao sa mundo.Na ang pagpili sa isa't isa ay sing dali ng paghinga.Pero pano kapag mahirap na? Kapag ang lahat ng bagay ay responsibilidad na imbis na kusa?Kaya mo pa bang kumapit?
Note
Thank you po for reading! :)
All Chapters Forward

Kaya pa ba?

Mas pinili kong ngumiti nang mahina. "Okay lang, Mikha. Huwag kang mag-alala."

 

Alam kong hindi siya kumbinsido. Lalo na’t kahit hindi ko sabihin, ramdam ng lahat na may bumabagabag sa akin. Pero paano ko ba ipapaliwanag? Paano ko ipapaalam sa kanila na sa kabila ng saya at success ng career namin, unti-unti akong kinakain ng pagod, ng pressure, ng pagkakulong sa isang imahe na hindi ko na sigurado kung akin pa rin?

 

Napatingin ako kay Maloi, pero hindi siya nakatingin sa akin. Kausap niya si Gwen at Sheena, halatang abala sa pakikipagkwentuhan. Dapat ba akong makaramdam ng kaunting kirot? Siguro. Pero wala na akong lakas para harapin pa iyon ngayon.

 

Tahimik akong bumuntong-hininga bago bumalik program na binigay ni Direk kanina.

 

Friday.

 

Tatlong araw na lang.

 

At least doon, wala akong kailangang gawing fan service. Wala akong kailangang itago. Ako lang. Sa wakas, kahit saglit lang—ako lang ulit.

 

 

 

Tahimik ang buong studio, ang klase ng katahimikang bihira kong maranasan. Walang fans na nag-aabang, walang camera, walang script, walang kailangang ipakita o patunayan. Ako lang.

 

Hinawakan ko ang gitara ko at dahan-dahang tumipa ng ilang chords, sinasanay ang mga daliri sa matagal nang hindi nagalaw na instrumentong ito. Binuksan ko ang notebook na dala ko—punong-puno ng sulat-kamay kong liriko, mga kwentong hindi ko kayang sabihin nang malakas, mga damdaming hindi ko maaaring ipakita sa harap ng maraming tao.

 

Hindi ko na maalala kung kailan ko huling naramdaman ang ganitong kalayaan.

 

Huminga ako nang malalim bago sinimulang awitin ang isa sa mga kantang isinulat ko noon pa—isang kantang nasa Bisaya, ang wikang kinalakihan ko. Ang wikang walang kahit anong filter, walang kahit anong peke.

 

"Nganong sakit man ning gugma..."

 

Napapikit ako habang patuloy sa pagkanta. Ramdam ko ang bigat sa bawat linya, ang mga salitang nanggaling mismo sa puso ko.

 

Pero kahit anong gawin ko, kahit anong pilit, may kulang.

 

Parang may isang bahagi ng kanta na hindi buo.

 

Napatingin ako sa tabi ko, sa espasyong dati’y inuupuan ni Maloi.

 

Dati, siya ang unang nakakarinig ng bawat kanta ko. Siya ang unang tumutugtog kasabay ko, ang unang sumasabay sa kanta ko kahit minsan wala pang tamang tono. Siya ang unang pumapalakpak kahit hindi ko alam kung maganda ba talaga ‘yung naisulat ko o hindi. Siya ang laging nag-uudyok sa akin na ipagpatuloy ang pagsusulat, na huwag matakot ilabas kung ano ang nasa puso ko.

 

Pero ngayon, wala siya dito.

 

At kahit ilang beses ko nang sinubukang tanggapin ‘yon, parang ang hirap pa rin.

 

Napatigil ako, inilapag ang gitara sa tabi at ipinatong ang noo sa tuhod.

 

Gusto ko lang naman kumanta.

 

Gusto ko lang maging ako.

 

Pero kahit ngayon, kahit dito, kahit sa studio na ito kung saan ako lang dapat ang nandito—hindi ko maalis ang pakiramdam na may isang bagay na wala.

 

Parang may isang pirasong nawala sa akin.

 

Bumuntong-hininga ako at kinuha ang phone ko. Alam kong hindi ko ito maipapakita sa iba, pero kailangan ko lang marinig ang sarili kong awitin ito, kahit isang beses lang. Inumpisahan ko ulit ang kanta, at sa pagkakataong ito, nirecord ko na.

 

Pagkatapos, pinakinggan ko ulit ang buong kanta.

 

Hindi ko alam kung bakit, pero parang lalo lang akong nalungkot.

 

Dumadagundong ang tibok ng puso ko sa dibdib, pero wala akong magawa kundi yakapin ang sarili ko.

 

Hanggang sa biglang tumunog ang phone ko.

 

Isang message mula kay Jho.

 

"Ate Colet, nasaan ka? Samahan mo ko, punta lang ako ng mall saglit. Sunduin kita dyan."

 

Nagdalawang-isip ako. Kung tutuusin, gusto ko na lang manatili rito, magkulong buong araw, magpatugtog hanggang sa lumipas ang bigat na nararamdaman ko.

 

Pero alam kong kahit ilang oras akong manatili dito, hindi naman mawawala ‘to.

 

Ayokong mag-isa.

 

"Sige. Wag mo na ko sunduin. Magkita tayo sa parking ng mall. Kita kits."

 

Mabilis kong inayos ang gamit ko, tinignan ang studio sa huling pagkakataon bago lumabas.

 

Para saan ba ‘tong kantang ‘to?

 

Para kanino ba talaga?

 

Hindi ko alam.

 

Pero ang sigurado ako, kailangan kong huminga.

 

Kahit saglit lang.

 

 

 

Sa isang tahimik na sulok ng restaurant, nakaupo kami ni Jho. May mga tao sa paligid, may nagtatawanan, may nagkukuwentuhan, pero parang hindi ko marinig ang ingay nila. Kanina may mangilan-ngilang fans ang nakakilala sa amin. May ibang nagpapicture, yung iba nagvideo. Pero dahil nasa medyo mamahaling mall kami, kaunti lang ang nangulit sa aming fans.

 

Tahimik lang akong kumakain, pinipilit nguyain ang pagkain kahit pakiramdam ko wala naman akong lasa na nalalasahan.

 

Napansin kong napatingin sa akin si Jho, kita ko ang pag-aalalang bumakas sa mukha niya bago siya nagsalita.

 

"Ate Colet, okay ka lang ba?"

 

Saglit akong tumigil, tumingin sa kanya, at pilit na ngumiti.

 

"Oo naman. Ayos lang ako," sagot ko nang mahina bago muling ibinalik ang tingin sa plato ko.

 

Alam kong hindi siya naniniwala.

 

"Napapansin ko kasi… hindi na kayo nag-uusap ni Ate Maloi masyado. Okay lang ba kayo?"

 

Napalunok ako.

 

Ilang segundo akong hindi nakasagot, pero alam kong hindi ako pwedeng manatiling tahimik.

 

"Okay lang kami. Pagod lang siguro," sagot ko, pilit na pinapakalma ang boses ko para hindi mahalata ni Jho ang bigat na dinadala ko.

 

Tumango siya, pero ramdam ko ang duda sa tingin niya.

 

Hindi ko na siya tinignan pa.

 

Alam kong sa grupo, si Jho ang pinakamasayang kasama, pero siya rin ang isa sa pinakamapagmatsyag. Hindi niya laging pinapakita, pero alam niyang basahin ang mga taong mahalaga sa kanya.

 

At ngayon, alam kong hindi siya naniniwala sa sagot ko.

 

Pero hinayaan niya akong manahimik.

 

Natapos ang dinner namin sa mga kwentong siya lang halos ang nagdadala. Sinubukan niyang buhayin ang usapan, pero hindi ko na naitago ang kawalan ko sa sarili. Ang bigat sa dibdib ko na hindi ko alam kung paano ilalabas.

 

Matapos kumain, hinatid ako ni Jho sa condo.

 

Tahimik lang ako sa loob ng sasakyan habang binabaybay namin ang daan pauwi. Hindi niya na rin ako pinilit pang magsalita, pero alam kong ramdam niya ang lungkot na hindi ko kayang itago.

 

Pagdating namin sa harap ng building, bumuntong-hininga siya bago ako tinignan.

 

"Ate Colet," tawag niya sa akin.

 

Lumingon ako, nag-aabang sa sasabihin niya.

 

"Nag-aalala na ako sa inyo ni Ate Maloi."

 

Ramdam ko ang pag-aalalang bumalot sa tinig niya.

 

"Alam kong hindi lang pagod ‘yan. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa inyo, pero gusto ko lang ipaalam sa’yo na nandito lang ako. Kung may kailangan kang kausap… kung gusto mong may makinig sa’yo… nandito lang ako, okay?"

 

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.

 

Gusto kong sabihin na ayos lang ako. Gusto kong sabihin na wala lang ‘to, na matatapos din.

 

Pero ramdam ko na kung magsisinungaling pa ako, baka tuluyan na akong mabasag.

 

Hindi ko siya tiningnan, nag-ayos lang ako ng bag ko at pilit na ngumiti.

 

"Salamat, Jho. Ingat ka pauwi."

 

Saka ako bumaba ng kotse, hindi na hinintay ang sagot niya.

 

Habang papasok ako ng condo, pakiramdam ko parang may mabigat na bagay na bumabara sa lalamunan ko.

 

Naglalakad ako papunta sa unit ko, pero bago ako makarating sa pintuan, biglang tumunog ang phone ko.

 

Isang notification mula sa group chat namin.

 

Si Maloi, nag-send ng random meme.

 

Nagreply ang iba, nagtawanan sila sa GC.

 

Tinitigan ko lang ang screen.

 

Nandito siya.

 

Pero bakit parang ang layo-layo niya?

 

 

 

Pagkapasok ni Colet sa kwarto, agad siyang napabuntong-hininga. Sa wakas, mag-isa na lang siya. Wala nang camera, walang fans, walang kahit sino. Pero kahit wala na ang ingay ng mundo sa labas, parang mas malakas ang gulo sa loob niya.

 

Dahan-dahan siyang bumagsak sa kama, nakatingin sa kisame habang nilalabanan ang bigat sa dibdib niya.

 

Mali ba ‘to?

 

Mali bang mapagod?

 

Kinuha niya ang phone niya, ini-scroll ang social media.

 

Timeline niya, puro edits nila ni Maloi. Mga video na nagpapakitang sweet sila sa stage, sa interviews, sa mga BTS clips. Puro comments na:

 

"Sana sila na talaga sa totoong buhay!"

"Macolet is the best ship ever!"

"Please, wag kayong magbago. Kayo ang comfort ko."

 

Napakagat-labi siya.

 

Nasanay na siya sa ganito. Ilang taon na. Noong una, ang saya lang. Natural naman kasi talaga ang connection nila ni Maloi. Hindi sila kailangang magpanggap, kasi mahal naman niya si Maloi. Pero habang lumalaki ang pangalan nila, habang mas lumalawak ang fandom, mas dumadami rin ang expectations.

 

Dapat laging sweet.

Dapat laging may kilig moments.

Dapat laging perfect.

 

Pero paano kung hindi niya na kayang ibigay ‘yon?

 

Paano kung gusto lang niyang maging Colet, hindi yung Colet na kalahati ng isang sikat na ship?

 

Kahit gustuhin niyang lumapit kay Maloi, hindi niya magawa. Kasi sa tuwing tinitingnan niya si Maloi, hindi lang yung taong mahal niya ang nakikita niya. Kasama doon ang pressure, ang bigat ng pagiging "Macolet." At hindi niya alam kung paano lalabanan ‘yon.

 

Hinawakan niya ang phone niya, tinype ang pangalan ni Maloi sa messages.

 

Ilang minuto siyang nakatingin lang sa blankong chat box.

 

Kamusta ka?

Miss na kita.

Patawad.

 

Ang daming gustong sabihin ni Colet, pero sa huli, wala siyang pinindot.

 

Bumagsak lang ang kamay niya sa tabi at pinilit ipikit ang mga mata.

 

Pero kahit anong pilit niyang matulog, alam niyang hindi niya matatakasan ang bigat sa puso niya.

 

 

Dumaan ang mga araw na parang wala lang.

 

Balik sa dati.

 

Trainings, rehearsals, brand engagements—paulit-ulit, parang walang nabago. Sa harap ng camera, sa harap ng fans, kailangan nilang ipakita ang parehong saya, parehong energy. Lalo na siya. Colet ng BINI. Isa sa pinaka-inaabangang presensya sa stage. Kailangan niyang magpakatatag.

 

Pero kahit anong pilit niyang ngumiti, anong pilit niyang sumabay sa halakhak ng iba—ramdam niya ang bigat sa dibdib. At ramdam din niya ang agwat sa pagitan nila ni Maloi.

 

Minsan, nahuhuli niyang nakatingin sa kanya si Maloi—pero sa sandaling magtama ang mga mata nila, agad itong iiwas. At siya rin, hindi kayang manatili sa tingin nito nang matagal. Dahil kapag masyado siyang tumitig, baka hindi niya mapigilan ang luhang matagal na niyang pinipigil.

 

Nakakapagod.

 

Minsan, iniisip niya kung kailan pa naging ganito kahirap ang lahat. Dati, kahit pagod, kahit sabay silang bumagsak sa kama matapos ang isang buong araw na rehearsals, sapat na ang yakap ni Maloi para maalis ang bigat sa katawan niya. Dati, kahit anong pagod, kahit anong sakit, sa isang "Uyab, kaya mo ‘yan," parang may recharge na siya.

 

Pero ngayon, wala na.

 

Isang beses, habang nagpapahinga sila sa gilid ng practice room, narinig niyang may pabulong na usapan sa likod niya.

 

Si Sheena at Gwen.

 

"Napansin mo bebe?" mahinang tanong ni Sheena.

 

"Oo," sagot ni Gwen, halos pabulong. "Parang may iba kay Ate Maloi at Ate Colet."

 

Parang sinuntok si Colet sa sikmura.

 

Alam niyang siya ang pinaguusapan.

 

Alam niyang nararamdaman na rin nila ang pagbabago.

 

Hindi na tulad ng dati.

 

Noong una, pinilit niyang huwag pansinin. Pinilit niyang isipin na baka iniisip niya lang. Baka overthinking lang.

 

Pero ngayon, hindi na lang siya ang nakakapansin.

 

Ramdam na ng lahat.

 

At doon niya naisip—gaano pa kaya katagal niya kayang itago ito?

 

Paulit-ulit.

 

Hindi nila magawa ng maayos.

 

Mali ang timing. Mali ang blocking. Wala ang chemistry.

 

"Take five, take five muna," sabi ni Coach, pilit na tinatago ang frustration.

 

Pinunasan ni Colet ang pawis sa noo, pilit na pinapakalma ang sarili. Pero kahit anong pilit niyang huminga nang malalim, hindi niya maalis ang bigat sa loob niya.

 

Narinig niyang bumuntong-hininga si Maloi sa tabi niya. Hindi rin ito masaya sa nangyayari.

 

Alam niyang hindi lang ito pagod.

 

Alam niyang hindi lang ito simpleng hindi nila makuha ang tamang timpla sa performance.

 

Alam niyang sila ang problema.

 

Tahimik sila ni Maloi habang ang ibang girls ay nag-unat, uminom ng tubig, at nagbirohan para maibsan ang tension. Pero ramdam ni Colet na hindi lang siya ang hindi makangiti ng totoo.

 

Biglang lumapit si Jho.

 

"Ate Colet, samahan mo ako sa labas. Bili lang tayo ng snacks."

 

Nag-aalangan siyang tumingin kay Jho, pero tumango rin siya sa huli. Alam niyang hindi lang snacks ang dahilan kung bakit siya nito tinatawag.

 

Lumabas sila ng practice room at naglakad papunta sa malapit na vending machine. Tahimik lang si Colet, pero alam niyang hindi rin mananatiling tahimik si Jho.

 

At hindi nga.

 

"Ate Colet, ayusin niyo na ‘to ni Maloi."

 

Napakurap siya, hindi inaasahan na diretsahan siyang kakausapin ni Jho.

 

"Apektado na ang grupo. Apektado na ang trabaho natin."

 

Napayuko si Colet, mahigpit na hinahawakan ang hawak na bottled water.

 

Alam niya.

 

Alam niyang totoo ang sinasabi ni Jho.

 

"Sabi mo sa akin dati, kahit anong mangyari, kahit anong dumaan, kayo ni Maloi, professional kayo. Pero ngayon? Kita naman, hindi ba?"

 

Huminga ng malalim si Colet bago nagsalita, pero mahina lang. "Ginagawa ko naman ang best ko."

 

"Ate Colet..." Bumuntong-hininga si Jho, kita sa mukha nito ang pag-aalala at konting frustration. "Alam kong hindi lang ito tungkol sa performance. Alam kong hindi lang ito dahil sa pressure ng event na ‘to. Kayo ni Maloi ‘to."

 

Wala siyang masagot.

 

Kasi totoo.

 

"Kaya mo ba? Kaya mo bang ipakita ulit ang dati?" Tanong ni Jho, puno ng pag-aalalang hindi kayang itago.

 

Nakapako lang ang tingin ni Colet sa hawak niyang bottled water. Nararamdaman niya ang bigat ng tingin ni Jho, naghihintay ng sagot—isang sagot na hindi niya kayang ibigay.

 

"Hindi ko alam," ulit niya, mas mahina, halos di na marinig.

 

Ramdam niya ang pagsinghot ni Jho, parang pinipigilan nitong mapabuntong-hininga. Alam niyang gusto siya nitong intindihin, pero hindi rin nito maiwasang ma-frustrate.

 

"Ate Colet, hindi kita pinipilit. Pero kelangan mo sigurong pag-isipan kung ano ba talaga gusto mong gawin."

 

Tumingin siya kay Jho, kita niya ang pag-aalalang nakapinta sa mukha nito.

 

"Hindi ako galit," dagdag ni Jho, mahina pero klaro. "Nag-aalala lang ako. Sa inyong dalawa. Sa ating lahat."

 

Napakurap si Colet, biglang nakaramdam ng matinding kirot sa dibdib.

 

Napansin na nila.

 

Hindi na lang si Sheena at Gwen ang bumubulong sa gilid. Hindi na lang si Maloi ang tahimik na nagdurusa. Pati ang buong grupo, damay na.

 

At hindi niya alam kung paano ito aayusin.

 

Alam niyang hindi pwedeng habang buhay silang ganito. Hindi pwedeng habang buhay siyang tatakasan ang bawat eksenang kasama si Maloi. Hindi pwedeng habang buhay siyang magpapanggap na walang mali—dahil alam ng lahat na meron.

 

At ang mas masakit pa, hindi niya rin alam kung paano ipapaliwanag ang nararamdaman niya.

 

Gusto ba niyang lumayo?

Gusto ba niyang bumalik?

Gusto ba niyang pilitin ang sarili kahit hindi na niya kaya?

 

Naramdaman niyang mahigpit na hinawakan ni Jho ang kanyang balikat, isang tahimik na pagsuporta.

 

"Ate Colet, kung pagod ka, sabihin mo. Kung hindi mo na kaya, sabihin mo rin. Pero kung kaya mo pa, ayusin mo na ‘to bago mahuli ang lahat."

 

Gusto niyang sabihin na kaya pa niya.

 

Pero sa totoo lang…

 

Hindi rin siya sigurado.

 

 

 

Nakatitig lang si Colet sa kisame, pilit na inaaninag ang mga anino na dulot ng ilaw sa kanyang kwarto. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang mga sinabi ni Jho kanina.

 

"Kung hindi mo na kaya, sabihin mo rin. Pero kung kaya mo pa, ayusin mo na ‘to bago mahuli ang laha

 

Huminga siya nang malalim, pilit na pinapakalma ang sarili. Alam niyang hindi na pwedeng ganito. Alam niyang hindi pwedeng ipagpatuloy ang tahimik na paglayo, ang patuloy na pag-iwas kay Maloi. Pero hindi rin niya alam kung paano siya magsisimula.

 

Dahan-dahan niyang kinuha ang phone niya mula sa bedside table. Ilang beses niyang inunlock at ni-lock ulit ang screen, tinititigan lang ang reflection niya sa itim na display. Sa huli, napapikit siya at dahan-dahang pinindot ang call.

 

Tatlong beses lang itong nag-ring bago sumagot ang nasa kabilang linya.

 

"Ate Colet?"

 

Rinig ni Jho ang panginginig ng boses ni Colet sa kabilang linya, ang basag nitong iyak na pilit tinatago sa pagitan ng mga hikbi.

 

"Jho… hindi ko na kaya… sobrang sakit na… hindi ko na alam ang gagawin ko."

 

Hindi na nagdalawang-isip si Jho. Agad niyang kinuha ang susi ng kotse at mabilis na lumabas ng unit niya. Habang nagmamadaling nagmamaneho papunta sa condo ni Colet, patuloy niyang naririnig ang mahihinang hikbi nito sa phone, pilit pinipigilan pero ramdam ang bigat.

 

"Ate Colet, sandali na lang. Huwag mong ibaba, nandiyan na ako."

 

Pero hindi na sumagot si Colet. Tanging paghikbi na lang ang naririnig ni Jho.

 

Pagdating sa condo, hindi na siya kumatok. Agad na niyang binuksan ang pinto.

 

At doon niya nakita si Colet.

 

Nakasiksik ito sa sulok ng higaan, yakap ang sarili, nakayuko at nanginginig habang patuloy na tumutulo ang luha. Ang tahimik at matapang na Colet na lagi nilang sinasandalan—ngayon, wasak sa harapan niya.

 

Mabilis lumapit si Jho at agad siyang niyakap. Walang tanong, walang kahit anong salita—yakap lang. Dahil alam niyang kahit anong sabihin niya ngayon, walang makakapagpawala sa sakit na dinadala ni Colet.

 

Matagal silang nanatili sa ganung posisyon. Hanggang sa unti-unting lumuwag ang pagkakayakap ni Colet, hanggang sa naramdaman ni Jho na bumibigat ang balikat nito sa kanya, na parang unti-unti na siyang bumibigay.

 

"Jho… hindi ko na alam kung ano ang totoo." Mahina, basag, pero puno ng sakit.

 

"Hindi ko na alam kung ginagawa ko ‘to dahil mahal ko pa siya… o dahil natatakot lang akong madisappoint ang lahat."

 

Doon tuluyang bumagsak si Colet.

 

"No'ng una, masaya naman kami. Masaya ako. Pero habang tumatagal, habang dumadami ang mata na nakatingin sa amin, habang patuloy kaming pinupush ng fans, ng management—hindi ko na alam kung sino pa ako." Humikbi siya nang malakas, halos hindi na makahinga.

 

"Gusto ko siya. Mahal ko siya. Pero bakit parang hindi na sapat? Bakit parang hindi ko na makita ang sarili ko? Bakit parang hindi ko na alam kung sino si Colet nang walang Maloi?"

 

Hindi sumagot si Jho. Hinayaan lang niyang ilabas ni Colet ang sakit.

 

At doon lang niya narealize—hindi lang pagod ang dahilan ng pagbabago ni Colet. Hindi lang pressure, hindi lang demands ng fans.

 

Si Colet mismo ang nawawala.

 

At ang pinakamasakit sa lahat? Hindi niya alam kung paano hanapin ang sarili niya muli.

 

Pinagmasdan ni Jho ang mahimbing na tulog ni Colet. Pero kahit nakapikit ito, kita pa rin ang bakas ng luha sa pisngi, ang maga sa ilalim ng mata, at ang tensyon sa mga kilay nito. Para bang kahit sa panaginip, hindi siya mapakali. Napahigpit ang hawak ni Jho sa kumot.

 

Bakit umabot sa ganito?

 

Si Colet na kilala nilang matibay. Si Colet na laging may sagot sa problema ng lahat. Si Colet na tahimik lang pero hindi kailanman pinabayaang may mahulog sa kanila. Pero ngayon, siya ang bumagsak. At ang mas masakit—walang nakapansin.

 

Hinayaan nilang maging Colet ng BINI si Colet. Hinayaan nilang siya ang mag-alaga sa kanilang lahat, na parang natural lang iyon, na parang hindi siya napapagod, na parang hindi siya isang tao rin na may sariling emosyon. Pero hanggang kailan ba kakayanin ni Colet na maging Colet para sa iba, kung hindi na niya makita kung sino siya para sa sarili niya?

 

"Hindi ko na alam kung sino ako nang walang Maloi." Paulit-ulit iyong tumutunog sa isip ni Jho, parang sirang plaka.

 

Hindi lang ito tungkol kay Maloi.

Hindi lang ito tungkol sa breakup.

Ito ay tungkol kay Colet—ang Colet na tuluyang nawala sa gitna ng pangarap na tinupad nila.

 

Mahal niya si Maloi. Alam niya iyon. Kita naman sa kanilang dalawa. Pero kailan naging sapat ang pagmamahal kung ang kapalit nito ay ang sarili mong pagkakakilanlan? Kailan naging tama na ipagpatuloy ang isang bagay dahil takot kang mawala, kahit na unti-unti mo nang sinasakal ang sarili mo?

 

Niyakap ni Jho ang sarili habang nakaupo sa gilid ng kama. Hindi niya alam kung paano ibabalik si Colet. Pero isa lang ang sigurado niya—hindi niya hahayaang tuluyan itong mawala. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay harapin ang katotohanang hindi na magiging katulad ng dati ang BINI na nakasanayan nila.

 

 

Nanatili si Jho sa tabi ni Colet, tahimik na nagbabantay habang ang ate Colet nilang matapang sa harap ng lahat ay ngayo’y mukhang wasak na wasak. Hindi pa rin mapakali si Jho. Hindi niya kayang ipikit ang mga mata. Para bang kung matutulog siya, baka pagdilat niya ay tuluyan nang mawala si Colet sa kanila—sa kanya.

 

Kahit mahimbing ang tulog nito, ramdam niya ang bigat sa bawat buntong-hininga ni Colet, parang kahit sa panaginip ay hindi ito malaya. Paulit-ulit nitong kinakapos ng hininga, waring hinahabol pa rin ng sakit na matagal nang kinikimkim.

 

Napahawak si Jho sa phone niya at mabilis na nag-type ng mensahe kay Coach.

 

Jho:Coach, si ate Colet hindi po makakapasok bukas. Masama pakiramdam niya. Kailangan niyang magpahinga.

 

Wala pang isang minuto, nag-reply si Coach.

 

Coach:Okay, noted. Pakamustahin mo na lang siya sa amin. Sabihin mong magpahinga muna siya nang maayos.

 

Magpahinga nang maayos. Parang ang dali sabihin, pero paano ba magpapahinga ang isang taong matagal nang napagod?

 

Napatingin ulit si Jho kay Colet. Kahit sa dilim ng kwarto, kita niya ang bakas ng pagod sa mukha nito—ang mga matang namamaga sa kaiiyak, ang nanginginig nitong mga kamay kahit sa mahimbing na tulog.

 

Hindi niya mapigilan ang sarili. Kinuha niya ulit ang phone niya at gumawa ng bagong group chat.

"Open Forum. No Colet, No Maloi."

 

Alam niyang hindi na ito puwedeng ipagpaliban. Hindi lang si Colet ang bumibitaw—pati si Maloi, unti-unting nawawala rin sa kanila. Kung hindi sila kikilos ngayon, baka isang araw magising na lang silang wala na ang Macolet.

 

Isa-isang nag-pop up ang pangalan ng grupo.

 

Jho:Meeting bukas after practice. Sa condo nila Staku. Kailangan natin mag-usap. Wala dapat makahalata, lalo na si Maloi at Colet.

Mikha:Hala, ano 'to? May chismis ba? 🤨

Aiah:Bakit secret?

Gwen:May kinalaman ba ‘to sa kanila?

Stacey:Seryoso ba 'to, Jho? Para saan?

 

Napakagat-labi si Jho. Huminga siya nang malalim bago muling nag-type.

 

Jho:Matagal na nating hindi ginagawa ‘to. Yung open forum natin. Lahat tayo pagod, lahat tayo pressured. Pero may mas nahihirapan sa atin ngayon. Kailangan natin ayusin ‘to. Kailangan natin sila tulungan.

 

Tahimik ang group chat.

 

Ramdam niyang iniisip ng iba kung sino ang tinutukoy niya. Ramdam niyang hindi lang siya ang nakakakita ng lamat na unti-unting lumalawak. Alam nilang lahat.

 

Matagal nang may pader sa pagitan nina Maloi at Colet—hindi lang dahil sa personal nilang isyu, kundi dahil sa kung ano sila sa mata ng fans, sa management, sa buong mundo. At ngayon, hindi na lang ito simpleng tampuhan. Ito na yung punto kung saan ang sakit ay hindi na kayang itago ng mga ngiti. Kung saan ang lamat ay hindi na kayang takpan ng scripted na lambingan sa harap ng camera.

 

Ito na yung punto kung saan kailangan na nilang mamili—pipiliin pa ba nilang panatilihin ang ilusyon ng Macolet, o pipiliin nilang iligtas ang dalawa nilang kasama bago sila tuluyang mawala?

 

At ang pinaka-masakit sa lahat? Hindi niya alam kung alin ang tamang sagot.

 

 

Dahan-dahang dumilat si Colet, pero agad niyang naramdaman ang kirot sa kanyang ulo. Para siyang binagsakan ng mundo. Ang bigat ng katawan niya, parang kahit isang galaw lang ay napakalaking effort na. Nanuyo ang lalamunan niya—hindi niya maalala kung kailan siya huling uminom ng tubig.

 

Napatingin siya sa paligid ng kwarto niya. Tahimik. Walang ibang tao.

 

"Si Jho."

 

Agad siyang bumangon, pero halos matumba siya sa bigat ng pakiramdam niya. Hindi pa siya man lang nakakalayo sa kama pero pakiramdam niya pagod na pagod na ulit siya.

 

Kinuha niya ang phone niya at doon niya lang napansin ang message ni Jho.

 

Jho:Ate Colet, hindi kita pinapasok today. Magpahinga ka. May iniwan akong food sa fridge. Text mo lang ako if you need anything.

 

Dahan-dahan niyang binaba ang phone niya. Napapikit siya, pilit inaalala ang lahat ng nangyari kagabi.

 

Ang pagtawag niya kay Jho. Ang iyak niya. Ang pag-amin niya.

 

At ang sakit na sa wakas, hindi na niya naitago.

 

Malalim ang buntong-hiningang pinakawalan ni Colet, pero kahit anong gawin niya, hindi niya maalis yung bigat na bumabalot sa kanya. Pinilit niyang tumayo at lumabas ng kwarto.

 

Nakatitig pa rin siya sa salamin, pero parang hindi niya nakikita ang sarili niya. Parang may ibang taong nakatingin pabalik sa kanya—isang taong hindi niya kilala.

 

Ilang taon na rin silang BINI. Ilang taon na siyang Colet—ang tahimik pero matatag, ang disiplinado, ang laging professional, ang laging nandiyan para sa grupo. Ang Colet na mahal ng fans, ang Colet na kasama sa isa sa pinakamalakas na ship sa grupo.

 

Pero sino ba ang Colet na hindi nakikita ng mga tao?

 

Pinakiramdaman niya ang sarili niya.

 

Wala na siyang maramdaman.

 

Wala na yung excitement, yung passion, yung kilig na dati niyang nadarama tuwing kasama si Maloi. Ang natira na lang ay bigat, pagod, at takot.

 

Takot na hindi na niya alam kung ano ang totoo. Takot na baka matagal na siyang wala, at hindi niya lang napansin.

 

Pinunasan niya ang pisngi niyang basa pa rin ng luha. Kahit wala na siyang iniiyak, parang tuloy-tuloy pa rin ang pagpatak ng sakit mula sa loob niya.

 

Gusto niyang bumalik sa kama. Gusto niyang matulog ulit at sana, pagdilat niya, bumalik na sa dati ang lahat. Sana, wala na ang bigat. Sana, hindi na niya kailangang harapin ang sakit. Pero alam niyang kahit ilang beses siyang matulog, pag gising niya, ito pa rin ang realidad niya.

 

Dahan-dahan niyang nilingon ang phone niya.

 

Walang kahit anong message mula kay Maloi.

 

Alam niyang wala siyang karapatang maghanap, pero bakit parang sa lahat ng taong dapat nandiyan para sa kanya, siya pa yung pinaka-malayo?

 

Paano sila umabot dito?

 

Dati, kahit pagod na pagod sila sa training, palaging may sandalan. Kahit tahimik, kahit walang salita, palaging may kasiguraduhan na nandiyan lang yung isa para sa kanya. Pero ngayon, kahit magkatabi sila, parang hindi na nila maabot ang isa't isa. Nakangiti sila sa harap ng camera. Pinapakilig nila ang fans, binibigay ang hinahanap ng tao. Pero pag wala nang nakatingin, pag wala nang ilaw ng stage, anong natitira?

 

Dalawang taong hindi na sigurado kung bakit pa nila ginagawa ‘to.

 

Dalawang taong hindi na makitang bumabalik pa sila sa kung sino sila dati.

 

Alam niyang hindi ito basta simpleng pagod lang. Hindi lang ito stress. Hindi lang ito momentary weakness. Ito yung moment na narealize niyang nawala na siya.

 

At ang mas masakit? Walang kahit sino ang may alam. Walang nakakaalam kung gaano siya kabigat ngayon. Walang nakakaalam na unti-unti siyang nawawala.

 

Except for Jho.

 

Napatingin siya sa lamesa kung saan nakapatong ang pagkain na iniwan nito. Walang masyadong gana si Colet, pero pinilit niyang kunin ang isang cup ng tubig at ininom ito.

 

Alam niyang mali na itago pa ‘to. Alam niyang hindi na niya kayang dalhin ‘to mag-isa. Pero paano mo aaminin na hindi mo na alam kung sino ka? Paano mo aaminin na hindi mo na alam kung sino ka sa isang relasyon na matagal mong inakalang ikaw ang may control? At paano mo aaminin na hindi mo na alam kung sino ka bilang Colet ng BINI—ang taong dapat laging matatag?

 

Napaupo siya sa kama, mahigpit na hinawakan ang sarili niyang dibdib, parang sinusubukang pigilan ang patuloy na pagkakabasag ng sarili niya.

 

"Ano na ang gagawin ko?"

 

 

Isang linggo na. Isang linggo nang hindi pumapasok si Colet. Sabi ng lahat, may sakit lang. Kailangan ng pahinga. Pero iba ang pakiramdam ni Maloi. Iba ang lungkot na dala ng kawalan ni Colet. Tahimik lang siya, pero sa loob niya, gulo-gulo na.

 

Mahirap kapag may sakit si Colet. Alam niyang hindi ito marunong mag-alaga ng sarili niya. Kapag may lagnat, hindi umiinom ng gamot hangga’t hindi pinipilit. Kapag wala nang energy, hindi kumakain hangga’t walang nag-aabot ng pagkain sa kanya.

 

Dati, siya ‘yun.

 

Dati, siya ‘yung nag-aabot ng tubig, ng paracetamol, ng pagkain. Siya ‘yung naglalagay ng cold compress sa noo nito. Siya ‘yung nagpapatawa para kahit paano, mawala ang bigat. Siya ‘yung gumigising sa kanya tuwing madaling araw para siguraduhing bumaba na ang lagnat.

 

Pero ngayon?

 

Hindi niya nga alam kung pwede pa siyang mag-alala. Hindi niya nga alam kung gusto pa ni Colet na alagaan siya.

 

Mula nang sabihin ni Colet na pagod na siya, hindi na siya lumingon pabalik. Kahit sa training, kahit sa rehearsals, kahit sa mga saglit na pagkakataong nagkakasalubong sila sa hallway—si Colet, parang anino na lang. Naroroon, pero parang wala.

 

At ang pinakamasakit?

 

Ni hindi siya matingnan ni Colet sa mata.

 

Para siyang estranghero.

 

May kung anong kirot sa dibdib ni Maloi. Gusto niyang puntahan. Gusto niyang alagaan. Gusto niyang umupo sa tabi ni Colet, iparamdam na hindi niya kailangang mag-isa, na nandito pa rin siya.

 

Pero paano?

 

Paano kung hindi na siya ang kailangan ni Colet? Paano kung ang presensya niya ang nagpapahirap lalo dito? Hindi na niya alam ang sagot.

 

 

Napatigil sa pag-iisip si Maloi nang biglang tawagin siya ni Aiah. "Maloi, sleepover tayo sa condo ko. Rest day naman bukas."

 

Isang tingin pa lang sa mata ni Aiah, alam na niyang hindi ito basta simpleng aya. Wala siyang lakas para tumanggi.

 

Nang makauwi sila sa condo ni Aiah, nakabukas ang TV pero hindi naman nila pinapanood. Sa lamesa, nakakalat ang mga Chinese takeout boxes—hindi na nila nagawang ayusin. Pareho silang pagod, pero si Maloi, hindi lang katawan ang pagod. Napansin ni Aiah ang lalim ng iniisip niya.

 

"Kamusta ka?" tanong nito, pero hindi lang ito simpleng "kamusta." Yung klase ng tanong na hindi lang pang small talk. Yung klase ng tanong na naghihintay ng totoong sagot.

 

At doon, hindi na kinaya ni Maloi. Bumuntong-hininga siya nang malalim bago tuluyang umamin.

 

"Si Colet at ako..." Napalunok siya, pero tinuloy niya. "Naging kami."

 

Hindi nagulat si Aiah. Hindi rin siya sumingit. Hinintay lang siyang magsalita.

 

"Pero... nagbago siya," tuloy ni Maloi, pilit pinipigilan ang pagbagsak ng boses niya. "Hindi ko alam kung bakit. Basta sinabi niya na pagod na siya."

 

Napapikit si Maloi, pilit inaalala ang lahat. Noong una, ang saya-saya nila. Lahat ng maliliit na sandali, nagiging espesyal. Lahat ng pagod, nagiging mas madali. Hindi niya inisip na isang araw, mararamdaman niya ‘tong ganitong klase ng distansya.

 

"Baka nga kasalanan ko," mahina niyang sabi. "Baka hindi ko napansin na nahihirapan na siya. Baka hindi ko siya inintindi nang tama. Baka ako ang dahilan kung bakit siya pagod."

 

Tahimik lang si Aiah, pero naramdaman ni Maloi ang mahigpit na paghawak nito sa kamay niya.

 

"Natatakot ako, Aiah," dugtong niya, ramdam ang nanginginig niyang tinig. "Natatakot akong baka hindi ko na siya maabot."

 

At doon, sa unang pagkakataon mula nang iwan siya ni Colet, bumigay si Maloi. Pumikit siya, at hindi na napigilan ang luhang kanina pa niya pinipigil.

 

 

Tahimik lang si Aiah, pero sa katahimikan niya, parang mas lumakas ang ingay sa loob ni Maloi—mga tanong na hindi niya kayang sagutin, sakit na hindi niya kayang ipaliwanag, at lungkot na pilit niyang tinatago. Alam niyang hindi siya huhusgahan ni Aiah. Hindi kailanman. Pero bakit parang mas mahirap sabihin nang buo ang totoo?

 

Matagal na siyang nakakulong sa isang espasyo kung saan dapat laging masaya, dapat laging okay. Pero ngayong nakaupo siya rito, sa harap ng kaibigang walang ibang ginawa kundi pakinggan siya, unti-unting bumibigat ang dibdib niya.

 

Muling bumuntong-hininga si Aiah. "Kamusta ang pressure?"

 

Napakagat-labi si Maloi. Hindi siya sigurado kung paano sasagutin ‘yon. Ang daming gustong lumabas sa bibig niya pero parang hindi niya alam kung paano sisimulan.

 

"Anong pressure?" tahimik niyang tanong, kahit alam naman niyang naiintindihan niya ang ibig sabihin ni Aiah.

 

"Fan service. Shipping. Lahat ng hinihingi sa inyo ni Colet," sagot nito. "Kamusta?"

 

Hindi agad siya nakasagot. Malalim siyang huminga bago dahan-dahang nagsalita.

 

"Hindi madali," pag-amin niya. "Noong una, kaya naman. Kasi... kasi totoo naman eh."

 

Napangiti siya nang bahagya, pero puno ng lungkot. "Madaling ipakita sa harap ng camera kasi kahit wala namang fans, gano’n kami sa isa’t isa. Walang effort. Walang pilit."

 

Tahimik lang si Aiah. Hindi siya sumagot agad. Hinintay lang niyang matapos si Maloi, hinayaan niyang sabihin nito ang lahat ng gusto niyang sabihin. Hanggang sa tanungin niya, "Pero Maloi… mahal mo pa ba siya?"

 

Biglang nanikip ang dibdib ni Maloi. Kahit pa anong sakit, kahit pa anong gulo… isang sagot lang ang totoo.

 

"Oo," mahina niyang sabi. "Mahal ko pa rin siya."

 

Tiningnan siya ni Aiah, hinawakan ang kamay niya.

 

"Maloi… sa ating lahat, kayo ni Colet ang may pinakamalalim na pinagsamahan," mahina pero seryoso ang boses niya. "Alalahanin mo kung ano kayo noong nagsisimula pa lang. Noong walang pressure. Noong kayong dalawa lang."

 

Tumingin si Maloi sa kaibigan niya, unti-unting bumibigat ulit ang mga mata niya.

 

"Huwag kang sumuko," dagdag ni Aiah. "Kung pagod ka, magpahinga. Pero kung mahal mo pa, huwag mong hayaang matapos ‘to na hindi mo nilaban."

 

At sa sandaling iyon, kahit pa puno pa rin ng sakit ang puso niya, may isang bagay siyang napagtanto—hindi pa siya handang bumitaw.

 

Pero paano mo ipaglalaban ang isang taong sumuko na?

Forward
Sign in to leave a review.