
Curtain Call
Isang linggo. Isang linggo na siyang hindi pumapasok.
Wala siyang sakit, pero pakiramdam niya parang may mabigat na taling humihila sa kanya pababa. Kahit anong pilit niyang bumangon, laging may boses sa isip niya na nagsasabing, “Hindi mo pa kaya.”
Pero alam niyang hindi pwedeng ganito na lang. Hindi siya pwedeng magtago habang lahat ng kasama niya ay patuloy na lumalaban. Meron siyang responsibilidad, hindi lang sa fans, kundi lalo na sa mga taong matagal nang nasa tabi niya—ang BINI.
Huminga siya nang malalim, kinuha ang phone, at nagtype ng message kay Direk.
"Direk, pwede po ba akong dumaan sa bahay niyo? Kailangan ko po kayong makausap."
Ilang minuto lang, nag-reply si Direk. "Of course, Colet. Dito lang ako."
Pagdating niya sa bahay ni Direk, kabado siya. Halos hindi niya maihakbang ang mga paa niya papunta sa pintuan. Pagbukas nito, walang tanong-tanong, pinapasok siya at pinaupo.
“Kamusta ka na, Colet?” tanong ni Direk, mahinahon. "Okay na ba pakiramdam mo?"
Sinubukan niyang maging matatag, pero sa unang beses mula nang magsimula ang lahat, hindi na niya kinaya.
“Direk… hindi ko na po alam kung paano,” bulong niya, pero ramdam ang bigat ng bawat salita. “Hindi ko na alam kung ginagawa ko pa ‘to dahil gusto ko, o dahil lang natatakot akong iwan ‘to. Pagod na po ako, Direk.”
Tahimik lang si Direk, nakikinig. Hinayaan siyang sabihin lahat ng kinikimkim niya—lahat ng lungkot, lahat ng pressure, lahat ng pagdududa sa sarili. Hanggang sa matapos siya, at bigla na lang siyang niyakap ni Direk.
“Colet, I'm so sorry.” mahinang sabi nito. "Hindi mo kailangang tiisin ‘to mag-isa. Sa unang beses na naramdaman mo ito, dapat sinabi mo na sa akin."
"Hindi. Dapat hindi na umabot sa ganito." hinigpitan lalo ni Direk ang yakap sa kanya at ramdam niya na nasasaktan din siya. "Kaya, Colet, I'm so sorry. Sorry sa'yo. Sa inyo ng Bini."
Nagulat si Colet nang marinig ang susunod na sinabi ni Direk.
“Alam mo bang kinausap na ako ni Jho noong unang araw na hindi ka nakapasok?”
Napakurap siya.
“Colet. Lahat sila, nag-aalala sa’yo. Kaya bago mo pa sabihin sa akin ang gusto mong mangyari, napag-usapan na namin ni Jho—at nagdesisyon na ako.”
Napahigpit ang hawak ni Colet sa kanyang palad.
“Gusto ko lang po ng konting pahinga…”
Ngumiti si Direk at tumango.
"Pinapayagan kitang magpahinga—isang buwan. Gamitin mo ‘tong oras para hanapin ulit ang sarili mo, Colet. Pero pangako mo sa akin, babalik ka."
Doon bumuhos ang luha niya.
Oo, kailangan niyang magpahinga. Pero hindi ibig sabihin noon na susuko na siya.
Pinakalma muna siya ni Direk matapos niyang umiyak. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang naglabas ng sama ng loob, pero ramdam niyang bumibigat ang ulo niya sa pagod. Kumuha si Direk ng tubig at iniabot ito sa kanya.
“Inom ka muna, Colet.”
Kinuha niya iyon at dahan-dahang uminom. Hindi niya alam kung paano sisimulan ulit ang pagsasalita. Parang nailabas na niya lahat, pero ang bigat sa dibdib niya ay hindi pa rin tuluyang nawawala.
Tahimik lang si Direk, hinihintay siyang kumalma. Hindi minadali ang sagot niya, hindi pinilit na magsalita agad. Sa wakas, nang mas mahaba na ang pagitan ng paghinga niya at hindi na siya humihikbi, naglakas-loob siyang magsalita.
“Direk… si Maloi…”
Naputol ang boses niya. Hindi niya alam kung paano itutuloy. Hindi niya alam kung ano ang tamang tanong. Gusto niyang malaman kung kamusta ito. Kung okay lang ba siya. Kung nag-aalala rin ba ito sa kanya gaya ng pag-aalala niya rito.
Parang nabasa ni Direk ang iniisip niya.
“Huwag mong alalahanin si Maloi,” mahinahong sabi nito. “Hindi ko na kayo pababayaan this time. Lahat kayo.”
Napatingin siya kay Direk.
“Hindi lang ikaw ang nahirapan, Colet. Lahat kayo. Masyado kayong nabigatan sa expectations ng iba, sa pressure ng trabaho, sa demands ng mga tao. Dapat matagal ko nang nakita ‘to. Dapat matagal ko na kayong tinanong kung okay pa ba kayo.”
Napayuko si Colet. Hindi niya inaasahan ang sinabi ni Direk, pero tama ito.
“Pero gusto kong bumawi,” dagdag ni Direk. “At gusto kong magsimula ‘yun sa’yo.”
Tahimik lang siya.
“Bukas,” sabi ni Direk, “dumaan ka sa practice. Magpaalam ka ng maayos.”
Nag-angat siya ng tingin.
“Direk…”
“Alam kong mahirap,” pinutol siya nito, “pero hindi lang ‘to tungkol sa’yo. Hindi lang ‘to tungkol kay Maloi. BINI kayong walo. At kailangan nilang marinig ito mula sa’yo mismo.”
Ramdam niya ang pag-aalala ni Direk, hindi lang para sa kanya kundi para sa buong grupo. Kahit gusto niyang umiwas, kahit gusto niyang dumaan na lang nang tahimik at magpahinga nang walang nagtanong, alam niyang hindi ganun kadali ‘to.
Hindi lang siya ang maapektuhan.
Tumango siya, kahit ramdam niya ang kaba sa loob niya.
“Okay, Direk,” mahina niyang sagot. “Bukas, pupunta ako.”
Kinabukasan, maagang nagising si Colet. Hindi niya alam kung dahil ba sa kaba o hindi ata siya talaga nakatulog nang maayos. Ilang araw din siyang nawala, kaya hindi niya alam kung anong magiging reaksyon nila kapag makita nilang nandoon siya.
Tumayo siya sa harap ng salamin at pinagmasdan ang sarili. Sa totoo lang, malayo pa siya sa buo. Hindi pa siya sigurado kung kaya na ba niya. Pero may isang bagay siyang sigurado—hindi na siya puwedeng tumakbo palayo. Hindi niya kayang iwan nang basta-basta ang mga taong matagal nang naging pamilya niya.
Kaya kahit mabigat pa rin ang pakiramdam, kahit may kirot pa rin sa dibdib, huminga siya nang malalim at nagbihis. Isang beses pa niyang tiningnan ang sarili sa salamin bago tuluyang umalis.
Pagdating niya sa training room, natigilan siya sa may pintuan. Maingay ang kwarto, puno ng tawanan, pero iba ang atmosphere. Pakiramdam niya, kahit hindi siya nakikita ng grupo, ramdam nila ang presensya niya.
Napalingon sa kanya si Jho, at sa isang iglap, parang may sumabog na alarma sa buong kwarto.
“ATE COLET!!”
Isa-isang tumakbo ang mga miyembro papunta sa kanya. Halos matumba siya sa lakas ng impact ng anim na yakap na sabay-sabay lumapag sa kanya.
“Sorry, ate!”
“Na-miss ka namin!”
“Wag mo na kaming iiwan!”
Naririnig niya ang paghikbi nila, nararamdaman niya ang higpit ng yakap. Doon niya lang napagtanto kung gaano kalaki ang iniwan niyang espasyo. Akala niya, siya lang ang nahirapan. Akala niya, siya lang ang nagdalamhati. Pero hindi pala.
“Ang daya mo, ikaw lang may break.” pilit na pagbibiro ni Mikha habang nagpupunas ng luha.
“Ate Colet, ‘wag ka na ulit mawala, ha?” pahabol ni Stacey, nanginginig pa ang boses.
“Ate.. Ate Colet.. Sorry kung hindi namin napansin.” mahina pero mula sa puso na sabi ni Sheena.
Napangiti si Colet, pero may init na namuo sa mga mata niya. Parang may pumunit sa dibdib niya. Lahat sila, nagso-sorry, pero alam niyang wala silang kasalanan. Hindi nila kasalanan na hindi nila nakita ang bigat na dinadala niya.
Hindi niya kasalanan.
Wala namang may kasalanan.
Pero pare-pareho silang nasaktan.
Unti-unti, nagluwag ang yakap. Isa-isa siyang tiningnan ng mga kasama niya, nagpupunas ng luha, pilit na ngumingiti. Napatawa siya nang makita si Mikha na hagulgol pa rin habang pinapakalma ni Aiah.
Napatingin siya sa may pintuan. Doon, nakatayo si Direk—nakangiti, parang proud na proud sa kanila. Pero hindi lang siya ang nasa tabi ni Direk.
Si Maloi.
Nagpupunas ng sariling luha. Parang gusto niyang lumapit, pero halata ang pagpipigil sa sarili.
Sa isang iglap, parang bumalik ang lahat—ang tawanan, ang late-night rehearsals, ang asaran, ang tahimik nilang moments na walang ibang nakakaalam.
Nakita niyang tinapik ni Direk ang balikat ni Maloi. Parang sinasabing, ayan na siya, lapitan mo na.
Nagtagpo ang mga mata nila.
At doon niya naramdaman ang pinakamasakit—hindi ang paglayo, hindi ang pagkawala, kundi ang katotohanang may mga bagay talagang hindi na pwedeng ibalik sa dati.
Alam niyang hindi pa nila kayang mag-usap. Hindi pa ngayon. Pero at least, kaya na nila tingnan ang isa't isa.
Kaya kahit wala pang salitang namutawi sa labi niya, pinili niyang ngumiti nang tipid. Kaunti lang, pero sapat para iparating na okay lang siya.
Dahan-dahang tumango si Maloi. Pilit na ngumiti pabalik.
Mamimiss niya ang lahat. Ang ingay, ang pagod, ang tawanan. Pero ito ang tamang desisyon. Hindi ito paalam—hindi pa.
Dahil babalik siya.
At sisiguraduhin niyang pagbalik niya, buo na ulit siya.
Isang buwan.
Isang buwang pahinga mula sa ingay, sa camera, sa spotlight, at sa pressure na dala ng pagiging si "Bini Colet." Hindi niya alam kung sapat ba iyon para ayusin ang sarili, pero iyon ang binigay sa kanya—kaya sinubukan niyang gawing sulit.
Pagkadating niya sa Bohol, agad siyang sinalubong ng pamilya niya. Mahigpit ang yakap ng nanay niya, para bang kahit wala naman siyang sakit, gusto nitong gamutin lahat ng bigat na dala niya. Hindi na siya nagdalawang-isip na ibalik ang yakap na iyon.
Sa unang linggo, pakiramdam niya ay para siyang bumalik sa pagiging bata—kasama ang pamilya sa hapag-kainan, nagkukwentuhan, nag-aasaran. Matagal na siyang hindi ganito nakarelax. Noon, halos hindi siya makauwi sa pamilya, kailangan niyang tipirin ang pamasahe kaya mas minabuti niyang, umuwi na lang tuwing Christmas at New Year break nila. Kapag naman nasa Manila, halos hindi din niya sila makausap ng matagal kahit sa video call dahil laging nagmamadali papunta sa training, sa events, sa interviews. Pero ngayon, nagagawa niyang namnamin ang bawat pagkain, ang bawat kwento ng pamilya niya.
Pero kahit nandito siya, hindi pa rin nawala ang koneksyon niya sa BINI. Lagi pa rin siyang tinatawagan at chinachat ng mga kasama niya. Si Jho, kinukumusta siya lagi. Si Aiah, nagse-send ng memes na bisaya na nakikita niya sa social media. Si Stacey, sinisiguradong kumakain siya. Si Mikha at Gwen parang jowa kung makapagsend ng Good morning at Good night messages. Pero ang pinaka-maingay sa GC nila?
Si Sheena.
“Ate Colet!!! Ano na, anong ganap mo jan?”
“Hala! Pakita mo naman samin yung dagat! Kwento ka naman jan!”
“Miss na kita, promise. Magbalik ka na please.”
Napatawa siya. Ganun talaga si Sheena—maingay, makulit, at walang preno. Pero kahit ganun, nagpapasalamat siya.
Dahil kahit papaano, ramdam niyang hindi siya nakakalimutan.
Pero may mga araw din na gusto lang niyang mapag-isa.
Sa mga panahong iyon, bitbit niya ang kanyang gitara at pumupunta sa tabing-dagat. Doon siya nakahanap ng katahimikan. Doon niya naramdaman na siya lang muna. Walang kamera, walang performance, walang fan service.
Siya lang.
Kinuha niya ang notebook niya—yung dati pa, yung punong-puno ng mga kanta niyang Bisaya na hindi niya na natapos. Binuklat niya ito, naghanap ng inspirasyon. Hindi nagtagal, hinayaan niya lang ang sarili niyang kumanta.
“Laban lang pirme...”
Paulit-ulit niyang kinanta ang linya na iyon. Habang tinatamaan ng hangin ang mukha niya, habang pinapakinggan ang tunog ng alon.
Matagal na siyang hindi nakapagsulat ng ganito. Matagal na siyang hindi nakapaglabas ng nararamdaman sa musika, sa paraang siya lang ang makakaintindi.
Naalala niya tuloy kung bakit siya nagsimula.
Hindi lang dahil sa pangarap. Hindi lang dahil sa fans.
Kundi dahil mahal niya ang musika.
At sa sandaling iyon, kahit hindi pa siya buo, kahit may sugat pa, kahit may hinanakit pa siyang hindi pa niya kayang harapin—pakiramdam niya, unti-unti siyang bumabalik.
Hindi na siya nagulat nang mag-trending siya sa unang event na wala siya.
Habang nag-scroll si Colet sa phone niya, nakita niya ang mga hashtags:
#GetWellSoonColet
#WeMissYouColet
#PadayonColet
Kasama nito ang napakaraming edited pictures, throwback clips, at video compilations ng mga performances niya. May mga fans na nag-post pa ng old fancams niya, may mga nagtag ng BINI hoping na mag-update sila tungkol sa kanya.
Napabuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa o ma-guilty.
Totoo namang kailangan niya ng pahinga, pero naisip niya—habang siya ay nandito, sinisikap buuin ang sarili, ang BINI ay tuloy lang. Tuloy lang sila sa events, sa rehearsals, sa pagpe-perform. Tuloy lang ang buhay.
Kaya kahit hindi niya gustong masaktan, ramdam niya.
Ang sakit na wala siya roon.
Pero kailangan niya ito, ‘di ba?
Nakahiga lang si Colet sa kama, nakatitig sa kisame, habang patuloy sa pag-vibrate ang phone niya.
Sunod-sunod ang tunog ng notifications sa phone niya—mga mentions, comments, reposts. Nagte-trend na naman ang pangalan niya.
Pero ngayon, hindi dahil wala siya sa event.
Nagte-trend siya dahil sa kanta niya.
"You Did Well - Colet (Original Song)"
📹 @coletbini
🎶 “A little something I made a while back. Hope this reaches you.” 💙
Sa video, makikita siyang nakaupo sa isang music studio, isang spot na walang ibang tao—walang ilaw kundi ang dim na glow mula sa recording booth. Hawak niya ang gitara, suot lang ang hoodie at cap. Walang make-up, walang practice. Just her and her music.
Magsisimula ang kanta sa mahihinang tunog ng gitara.
Tapos, boses niya.
Basag. Pagod. Ramdam mo yung bigat sa bawat linya.
Parang kinakausap niya ang sarili niya.
Parang kinakausap niya si Maloi.
Parang kinakausap niya ang lahat ng taong napapagod pero hindi humihinto.
Habang pinapanood niya ang comment section, isang comment ang tumama sa kanya nang sobra:
"Colet, you did well too. Please come back when you're ready. We'll wait. 🥺"
Napatigil siya. Hindi niya napansin, pero tumulo na pala ang luha niya.
Kailan ba yung huling beses na narinig niyang may nagsabi sa kanya niyan?
Kailan ba yung huling beses na pinayagan niyang maramdaman na kahit hindi siya perfect, kahit hindi siya lagi dapat ang matibay—ayos lang?
Nag-scroll pa siya.
"SHE WROTE THIS WHILE SHE WAS HURTING, DIDN’T SHE?? 💔"
"Colet, your music is healing. Please know na hindi mo kailangang tiisin mag-isa."
"We miss you, but take all the time you need. We just want you to be happy."
Pinunasan niya ang mata niya. Napabuntong-hininga siya nang malalim.
Gusto niyang matakot.
Kasi, wala siyang suot na maskara sa video na ‘to. Hindi ito fan service. Hindi ito staged content.
Pero kahit ganito siya—kahit ito ang raw, fragile, at tunay na Colet... minahal pa rin siya ng fans.
At doon niya narealize...
Hindi lang siya dapat bumalik para sa grupo.
Hindi lang siya dapat bumalik para sa fans.
Kailangan niyang bumalik dahil gusto na niyang bumalik.
Dahil unti-unti, nagagamot na rin niya ang sarili niya.
At sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, dumaan siya sa harap ng salamin...
At sa reflection niya, nakita niya hindi ang idol, hindi ang BINI Colet—
Kundi ang totoong siya.
At sa wakas, ngumiti siya.
Nanginginig nang bahagya ang kamay ni Colet nang abutin ang phone niya. Tumatawag si Mikha—group call.
Napangiti siya.
Pagbukas niya ng screen, bumungad sa kanya ang maingay na boses ng BINI. Lahat sila, nakasuot pa ng costume mula sa event kanina, halatang pagod pero masaya.
"ATE COLEEEEET!" sigaw ni Sheena, halos ipasok na ang buong mukha sa camera.
"Ganda ng kanta mo, Ate Colet! Pina-iyak mo na naman kami!" dagdag ni Gwen, nakataas ang kamay na parang pinapahid ang hindi naman totoong luha.
Tawang-tawa si Colet, kahit hindi pa rin maalis ang bigat sa dibdib niya.
"Balik ka na kasi, ate," sabi ni Stacey na nakasimangot nang pabiro.
"Seryoso, na-mimiss ka na namin," dagdag ni Jho, may halong lambing sa boses.
Ramdam niya yun. Totoo yun.
Biglang gumalaw ang camera ni Mikha. Napansin niyang may isa pang tao sa frame.
Tahimik lang.
Si Maloi.
Nasa tabi lang ni Mikha, nakatingin sa screen, may tipid na ngiti sa labi. Hindi ito nagsalita, pero hindi niya rin inalis ang tingin niya kay Colet.
Parang may gustong sabihin.
Pero hindi sinabi.
At parang may gustong marinig si Colet.
Pero hindi niya narinig.
"Magpahinga na kayo, mga baliw," natatawang sabi ni Colet, tinatago ang kabog ng dibdib niya.
"Ikaw din, Ate Colet," sagot ni Mikha bago binaba ang tawag.
Bumalik ang katahimikan.
Pero hindi pa tapos.
Saglit lang pagkatapos ng call, may isa pang notification.
Isang video file.
Pinindot niya ito at nag-play ang isang footage mula sa event kanina.
Dinig niya ang sigawan ng fans, ang ingay ng crowd. Pero hindi yun ang unang pumukaw sa kanya.
Mga banner.
Mga larawan niya.
Mga pangalan niya, hawak ng fans sa crowd kahit wala siya roon.
Nagpan ang camera.
At doon niya siya nakita.
Si Maloi.
Masayang nagpe-perform, energetic, malakas ang stage presence.
Pero alam niya.
Alam niyang hindi ito ang best performance ni Maloi.
Alam niyang may kulang.
At sa pagtingin niya sa screen, habang nakikita ang mga kasamahan niyang patuloy sa pagtakbo, pagsayaw, at pagbibigay ng saya sa fans— Naramdaman niya ang isang bagay na matagal niyang tinatanggihan.
Na-miss niya sila.
Na-miss niya ang BINI.
At sa unang pagkakataon sa matagal na panahon...
Hinayaan niyang maramdaman yun.
Nakatayo lang si Colet sa may pintuan ng training room, pinapanood ang BINI habang nasa gitna ng practice. Pare-parehong seryoso, pawis na pawis, pero kitang-kita niya ang dedikasyon sa bawat galaw nila.
Parang kahapon lang, kasama niya sila. Ngayon, siya ang nasa labas, nanonood.
"Direk, ready na ba tayo?" tanong ng isa sa staff na kasama nila.
Tumango si Direk, pero bago pa makapasok si Colet, saglit siyang huminga ng malalim, pinakiramdaman ang tibok ng puso niya—sobrang lakas, parang gusto siyang pigilan. Kaya niya pa ba?
Nagpatuloy ang kanta. Pamilyar ang choreography. Sayaw. Ikot. Lipat ng pwesto. At sa isang parte ng kanta, kung saan dapat siyang papasok—may bakante. Parang may kulang. Napansin ni Sheena ang kawalan at napahinto saglit, pero agad bumalik sa pagsayaw.
Nakita iyon ni Colet. At doon siya napaisip. Minsan, hindi mo lang mararamdaman ang pagkawala mo—makikita mo rin ito sa mata ng mga taong iniwan mo.
Huminga siya ng malalim, pinunasan ang pawis sa palad, at dahan-dahang itinulak ang pinto.
"Good job, girls."
Biglang tumigil ang musika. Nag-freeze ang BINI. Para bang hindi sila makapaniwala sa nakita nila.
"ATE COLET!!!"
Sunod-sunod silang tumakbo, sumisigaw sa loob ng training room. At bago pa siya makagalaw, isang group hug ang bumalot sa kanya.
Halos matumba siya sa bigat ng anim na katawan na sumugod sa kanya, umiiyak, tumatawa, nagsasalita nang sabay-sabay.
"Ateeeee!"
"Bakit di ka nagsabi?!"
"Akala namin next week ka pa babalik!"
"Grabe ka, piniyak mo kami!"
Napatawa si Colet habang yakap-yakap ang buong grupo, nakikiramdam sa init ng pag-welcome nila sa kanya.
Pagkatapos ng ilang minuto, isa-isa silang bumitaw. Nagpunas ng luha. Tumatawa pa rin. Tiningnan ni Colet ang paligid. At sa dulo, sa may gilid, nakita niya si Maloi. Tahimik. Hindi tulad ng iba na sumugod agad sa kanya. Pero kitang-kita niya kung paano pinunasan ni Maloi ang mata nito.
Huminga siya ng malalim. At ngumiti nang tipid. Alam niyang may pag-uusapan pa sila. Pero hindi ngayon.
Ngayon, masaya lang siyang nandito ulit.
Overnight ang napagusapan nilang gawin after ng practice at ang venue? Sa condo ni Colet. Pagdating nila doon, para silang mga batang nag-uunahan sa loob. Si Mikha at Stacey agad na bumagsak sa couch, si Gwen at Aiah dumiretso sa kusina para tignan kung anong pwedeng kainin, habang si Sheena at Jho naman ay may dalang speaker at agad nagpatugtog ng kanta.
"Ate Colet, buti nalang malinis 'to, kung hindi edi naggeneral cleaning muna tayo!" biro ni Sheena habang nakahiga sa sahig, tumatawa.
"Wag mo akong subukan, Shee. Papalabasin kita dyan," sagot ni Colet, natatawa rin.
Sa totoo lang, matagal na rin niyang hindi naramdaman ang ganitong saya—yung walang iniisip na pressure, walang dapat i-please, walang dapat iwasan.
Si Maloi, tahimik lang pero halatang kumportable. Hindi man sila nag-uusap nang madalas, pero at least, nandito siya. Sumasabay sa tawanan, minsan sumasabat sa asaran. Hindi pilit. Hindi awkward.
Maya-maya, dumating na ang delivery. Kung anu-anong pagkain ang in-order nila—pizza, chicken, fries, samgyupsal set, at pati ice cream.
"Ang dami naman nito, baka lumobo tayo," sabi ni Gwen habang inaayos sa table.
"Okay lang, isang araw lang naman eh!" sagot ni Aiah, sabay kinuha ang isang box ng fries.
Nagsimula silang manood ng movie. Hindi na nila tinapos yung una dahil sobrang dami ng hirit ni Sheena na hindi na maintindihan ang plot.
"Hoy, horror 'to hindi comedy!" tawa ni Mikha habang tinutulak si Sheena.
"Mas scary kasi yung mukha ni Ate Jho kanina!" sagot ni Sheena, dahilan para habulin siya ni Jho na may hawak na unan.
Nagkagulo na naman sila, tawanan, kulitan, walang humpay na asaran. Si Colet napapailing pero hindi mapigilang mapangiti.
Tahimik siyang lumingon kay Maloi. Nahuli niya itong nakatingin sa kanya. Saglit lang, pero sapat na para maramdaman niya ang init sa loob ng dibdib niya.
Hindi sila nag-usap. Hindi pa siguro ngayon. Pero sa sandaling iyon, parang nagkaintindihan sila. Hindi pa tapos ang lahat, pero hindi na rin kasing bigat ng dati.
At least, ngayon, kaya na nilang huminga.
Tahimik ang paligid paglabas ni Colet sa unit niya. Ilang saglit siyang nanatili sa may pintuan, pinagmamasdan ang natutulog na BINI. Ang biglaan nilang sleepover ay isang bagay na hindi niya alam na kailangan niya. Pero kahit nandito na siya, kahit ramdam niya ang init ng pagkakaibigan nila, may isang bagay pa rin na hindi niya maintindihan sa sarili niya.
Isinuot niya ang hoodie at marahang isinara ang pinto. Naglakad siya papunta sa rooftop ng building. Doon tahimik lang. Tanging ang malamig na simoy ng hangin lang ang kasama niya. Umupo siya sa isang bench, hinayaang yakapin ng katahimikan ang pagod niyang isip.
Gusto niyang sabihin na mas okay na siya. Na handa na siyang bumalik sa dati. Pero paano kung hindi na siya yung dating Colet?
Napatingin siya sa langit, pinagmamasdan ang mga bituin. Minsan, pakiramdam niya parang isa siyang bituin—maliwanag sa mata ng iba, pero sa totoo lang, ang layo-layo niya na sa sarili niya.
"Bakit gising ka pa?"
Nagulat siya nang marinig ang boses ni Maloi. Napalingon siya at nakita itong nakatayo sa may hagdan, naka-hoodie rin at may dalang bote ng tubig.
"Dapat ikaw ang nasa loob. Dapat nagpapahinga ka." patuloy ni Maloi habang marahang lumapit.
"Hindi ako makatulog," sagot ni Colet. "Ikaw, bakit gising ka pa?"
"Naramdaman ko kasing lumabas ka kaya naisip kong sundan ka." mahinang sagot nito bago umupo sa kabilang dulo ng bench. May ilang segundong katahimikan sa pagitan nila, pero hindi ito nakakailang.
"Ang daming nagbago, ‘no?" mahina pero klaro ang boses ni Maloi.
Napabuntong-hininga si Colet. "Oo."
"Namiss kita."
Parang may anong dumagan sa dibdib ni Colet. Hindi niya alam kung anong isasagot. Gusto niyang sabihin na namiss niya rin si Maloi, pero masyado pang maraming sugat sa pagitan nila.
Hindi siya sumagot. Hinayaan niyang lumutang sa hangin ang hindi niya kayang sabihin.
Narinig niya ang mahinang tawa ni Maloi. Hindi masaya, pero hindi rin malungkot.
"Alam mo, nung wala ka… mahirap." tuloy ni Maloi. "Alam kong hindi mo gustong iwan ang BINI, pero kailangan mo. Naiintindihan ko yun. Hindi ko lang alam kung… kailangan mo rin akong iwan."
Dito na siya napatingin kay Maloi.
Sa ilaw ng buwan, nakita niya ang lungkot sa mga mata nito.
"Hindi kita iniwan, Loi," mahina pero sigurado niyang sagot. "Kailangan ko lang hanapin ulit yung sarili ko."
Tumango si Maloi, parang inuunawa ang sagot niya.
Muli silang nanahimik.
Nagtagal pa ng ilang minuto ang katahimikan sa pagitan nila, ang tanging naririnig lang ay ang marahang pag-ihip ng hangin at ang mahihinang tunog ng syudad sa di kalayuan.
Si Maloi ang unang bumasag ng katahimikan. "Alam mo ba kung gaano kahirap makita kang wala ro'n?" mahina ang boses niya, pero ramdam ni Colet ang bigat ng bawat salita. "Araw-araw, nakikita kita sa stage, pero wala ka. Nandiyan ka sa kanta natin, sa sayaw natin, sa memories natin, pero wala ka. Ang sakit, Colet."
Napayuko si Colet. Hindi niya inisip kung paano naapektuhan si Maloi noong umalis siya. Mas pinili niyang tumakbo, lumayo, magpahinga.
"Loi… hindi ko gustong iwan kayo." Nanginginig ang boses niya, pero pilit niyang binuo ang mga salitang gusto niyang sabihin. "Pero hindi ko na kilala ang sarili ko. Hindi ko na alam kung sino ako sa labas ng mga expectations, sa labas ng kung anong gusto ng fans, ng management. Kailangan kong lumayo para mahanap ulit ‘yung sarili ko bago ako tuluyang mawala."
Huminga nang malalim si Maloi, pilit na inuunawa ang lahat. "Sana sinabi mo sa'kin."
Nag-angat ng tingin si Colet. Doon niya nakita ang pangungulila, ang sakit, at ang tanong sa mga mata ni Maloi.
"Sana hindi mo ako iniwan nang hindi ko man lang alam kung bakit."
Hindi agad siya nakasagot. Alam niyang hindi niya mababawi ang sakit na naidulot niya kay Maloi.
"Takot akong sabihin sa'yo, Loi," sagot niya, mahina pero totoo. "Takot akong sabihin kasi alam kong masasaktan kita. Takot akong aminin na hindi ko alam kung ano pa ang totoo—kung ako pa ba ‘yung Colet na minahal mo o ‘yung Colet na gustong makita ng lahat."
Napayuko si Maloi, pinaglalaruan ang takip ng hawak niyang bote ng tubig.
"At ngayon?" tanong nito matapos ang ilang saglit.
Huminga nang malalim si Colet bago sumagot. "Mas kilala ko na ang sarili ko. Hindi pa ako buo, pero hindi na ako kasing gulo ng dati. Natutunan kong mahalin ulit ang sarili ko… bago ang kahit sino."
Tumango si Maloi. Ilang beses itong ngumiti at napailing, iniintindi ang mga sagot ni Colet.
"Mahal pa rin kita,"mahina niyang sabi, pero sapat para marinig ni Colet. "Pero mas mahalaga sa'kin na maging okay ka. Hindi kita pipilitin bumalik kung hindi mo pa kaya. Ang gusto ko lang… sana, huwag mo akong itulak palayo."
Parang may kung anong lumuwag sa dibdib ni Colet.
"Hindi kita itutulak palayo, Loi."
Nagtagpo ang mga mata nila sa ilalim ng buwan. Walang pangako. Walang kasiguraduhan. Pero sa gabing iyon, sapat na ang pag-unawa.
At minsan, hindi kailangang madaliin ang mga bagay.
Bumalik si Colet sa training na may panibagong pananaw—mas buo, mas matatag, pero hindi pa rin sigurado kung paano babalik sa normal. Dahil hindi na tulad ng dati. Marami nang nagbago. Hindi lang sa kanya, kundi sa buong grupo.
Pagpasok niya sa practice room, hindi siya agad napansin. Abala ang lahat—si Sheena at Gwen nagbibiruan, si Aiah nakaupo sa sahig habang nag-i-stretch, at si Mikha may hawak na tumbler habang may sinasabi kay Jho. Pero nang lumingon si Stacey at makita siya, agad itong tumili.
"OMG, ATE COLET!"
Parang domino effect—lahat ay biglang tumakbo papunta sa kanya. Sunod-sunod ang yakap, halos matumba siya sa lakas ng impact.
"Welcome back ulit, Ate Colet!" sigaw ni Gwen habang mahigpit siyang niyayakap.
"Akala namin magpapalit ka na ng career!" pabirong sabi ni Sheena, pero rinig sa boses nito ang relief.
Tumawa si Colet, pero ramdam niya ang kirot sa puso. Na-miss niya sila. Sobra.
Napansin niyang may isang taong hindi pa lumalapit. Nakatayo lang si Maloi sa medyo malayo, nakangiti, pero halata ang alinlangan.
Tipid siyang ngumiti rito. At sa maliit na sandaling iyon, parang naintindihan nila ang isa’t isa nang hindi kailangan ng salita.
Nagkaroon ng emergency meeting kasama ang management matapos bumalik si Colet. Pinuno ng tension ang silid—alam ng lahat na may kailangang baguhin.
Si Direk mismo ang nagsimula. "Alam nating lahat kung bakit tayo nandito." Lumingon ito kay Colet, bago tinanaw ang buong grupo. "Ayaw na nating maulit ang nangyari."
Natahimik ang lahat.
"Colet, I want you to know na hindi ka nag-iisa. And dahil dito, we’ve decided to reassess how we handle things. Hindi na natin ipu-push ang isang bagay na hindi organic. Hindi natin pipilitin ang fan service kung hindi na ito healthy para sa inyo."
Ramdam ni Colet ang tingin ng lahat sa kanya, pero mas naramdaman niya ang tingin ni Maloi. Hindi niya ito nilingon. Hindi pa niya kaya.
"From now on, ang focus natin ay hindi lang dapat kung anong gusto ng fans, kundi kung anong makakabuti sa inyo bilang artists," dagdag pa ni Direk. "Ipapakita natin kung sino talaga kayo—your real talents, your individual strengths. Kung sino kayo bago naging BINI, at kung sino kayo ngayon."
May kung anong init ang dumaloy sa dibdib ni Colet. Parang sa unang pagkakataon, narinig sila.
Si Coach naman ang nagsalita. "Mas magiging open din tayo sa mental health support. Bawal nang kimkimin. Kung may nararamdaman kayo, magsalita kayo. Nandito kami para makinig."
"Hindi tayo magpapakapagod kakasabi ng ‘I’m okay’ kahit hindi naman," sabat ni Jho, seryoso ang tono.
Natawa si Sheena, pero rinig sa boses ang sincerity. "Hindi tayo robot, ‘no?"
Isa-isang nagsalita ang BINI, sinasabing sang-ayon sila sa pagbabago. At sa pagkakataong iyon, naramdaman ni Colet ang gaan sa kanyang dibdib—hindi lang siya ang nakahinga nang maluwag, kundi silang lahat.
Habang nag-aayos ng gamit, lumapit si Maloi kay Colet. Hindi ito agad nagsalita.
Si Colet na ang bumasag ng katahimikan. "Loi—"
Pero si Maloi na mismo ang nagpatuloy. "Salamat."
Napatingin si Colet. "Para saan?"
Huminga nang malalim si Maloi. "Para sa pagiging matapang. Dahil nagsimula ang pagbabagong ‘to dahil sa’yo."
Naramdaman ni Colet ang bigat sa boses ni Maloi. Hindi ito galit. Hindi ito malungkot. Isa itong pag-amin na naiintindihan niya.
"Para sa ating lahat ‘to, Loi," sagot ni Colet, sinserong ngumiti.
Sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon, naramdaman niya na buo ulit ang BINI—hindi bilang isang manufactured image, kundi bilang isang totoong pamilya.
Nagdaan ang ilang buwan, at unti-unting bumalik si Colet sa sarili niya. Hindi na siya kinakain ng pressure. Hindi na siya takot sa expectations. Mas malaya na siya sa bawat pag-awit, sa bawat pagtapak sa entablado.
Pero ang tunay na pagsubok ay kung kaya na ba niyang sumalang mag-isa.
Isang tawag ang natanggap niya isang araw—galing sa isang Bisaya artist na iniidolo niya noon pa. Iniimbitahan siya para maging special guest sa concert nito.
Hindi siya agad nakasagot. Kayanin niya kaya?
Pero sa dulo, tinanggap niya. Hindi na siya para umatras.
Nanginginig ang kamay niya habang nasa backstage. Ilang sandali na lang, tatawagin na siya. Mula sa puwesto niya, tanaw niya ang audience—punong-puno ang venue, sabik ang mga tao, at sa pinaka-harapan… nandoon ang BINI.
Nakasuot sila ng simpleng damit, pero kitang-kita sa mga mata nila ang suporta. Si Gwen at Sheena may dalang banner na may nakasulat na “GO ATE COLET!!” Si Jho at Aiah nakangiti habang nagchi-cheer. Si Mikha, Stacey, at Maloi? Palakpak nang palakpak. Lalo siyang kinabahan. Pero mas malakas ang sigaw ng puso niya.
"Ladies and gentlemen, let’s welcome—Colet!"
Pag-apak niya sa entablado, biglang nawala ang kaba. Para siyang nasa bahay. Huminga siya nang malalim bago kinuha ang mic.
"Maayong gabii, tanan!"
Sigawan ang crowd. Naramdaman niya ang init ng suporta ng lahat.
"Para ni sa tanan nga nakigbisog. Para sa tanan nga napul-an pero padayon lang gihapon."
At sinimulan niyang kantahin ang sariling niyang likha—“Laban Lang Pirme.”
Ang bawat nota, bawat salitang lumabas sa bibig niya, ramdam niyang hindi lang para sa kanya, kundi para rin sa lahat ng nakikinig.
Napatingin siya sa BINI, at sa gitna ng lahat, si Maloi. Ngumingiti, inaawit ang kanta kasama niya.
At sa gabing iyon, alam niyang bumalik na siya. Hindi lang bilang Bini Colet, kundi bilang Colet na natagpuan muli ang sarili niya.
Ilang linggo na lang bago ang malaking event na matagal na nilang pinapractice. Excited ang lahat, pero may isang part ng setlist na nagdulot ng katahimikan sa meeting room.
Ipe-perform nila ang mga kantang matagal na nilang hindi ginagawa. Mga kanta kung saan OG ship ang blockings.
Napatingin ang lahat kay Colet. Alam nilang mahirap ito para sa kanya, pati na rin kay Maloi.
“Baka pwede nating baguhin ‘yung blocking…” mungkahi ni Jho, na halatang nag-aalala.
Tahimik lang si Colet, iniisip ang bigat ng desisyong ito. Alam niyang may ibang options. Alam niyang walang magpipilit sa kanya. Pero alam din niyang hindi siya dapat matakot. Hindi na siya ‘yung Colet na tumatakas. Kaya ngumiti siya. “Hindi na kailangang baguhin.”
Nagulat ang lahat. Si Maloi, na tahimik lang kanina, biglang napatingin sa kanya.
“Sure ka ba, Ate Colet?” tanong ni Sheena, puno ng pag-aalala.
Tumango siya. “Oo naman. Hindi ko na hahayaang matakot ako sa past natin. Part ito ng journey natin bilang grupo. Ginawa natin ‘to noon dahil masaya tayo. At gusto kong maramdaman ulit ‘yun.”
May ilang sandaling katahimikan. Hanggang sa unti-unting napalitan ng pagngiti ang mga mukha ng BINI.
Si Maloi, hindi nagsalita, pero kitang-kita sa mga mata niya ang pasasalamat.
At sa gabing iyon, hindi lang nila pinaghahandaan ang performance—pinaghahandaan din nila ang muling pagtapak sa entabladong puno ng alaala.
Ang tunog ng sigawan, ang ilaw ng lightsticks na kumikislap sa bawat sulok ng venue, at ang musika na unti-unting pumupuno sa hangin—lahat ng ‘to ay parang bumabalot kay Colet, pinapaalalahanan siya kung bakit niya minahal ang entablado.
Matagal niyang inisip kung kaya pa niyang humarap ulit sa ganitong klaseng performance—lalo na kasama si Maloi. Hindi niya alam kung magiging natural pa ba ang bawat galaw, ang bawat tinginan. Pero ngayong nandito na siya, ngayong muli niyang nararamdaman ang init ng pagmamahal ng fans at ng mga kasama niya, napagtanto niyang hindi niya kailangang pilitin ang kahit ano.
Dumadaloy ang kanta sa kanya tulad ng dati. Para bang bumalik siya sa unang beses niyang maranasan ‘to—yung adrenaline, yung excitement, yung happiness ng pagiging isang performer. At sa bawat galaw, sa bawat tingin niya kay Maloi, ramdam niyang pareho sila ng nararamdaman.
At ngayon, final pose na.
Paharap silang dalawa. Magkahawak-kamay.
Ramdam niya ang konting panginginig ng kamay ni Maloi nang hawakan siya nito. Parang gustong tumawa ni Colet. Kaming-kami ‘to noon—lagi silang kinakabahan sa final pose, pero laging nakakahanap ng paraan para mapagaan ang loob ng isa’t isa.
Tumingala siya para tingnan si Maloi. At sa liwanag ng stage, nakita niya ang pamilyar na kislap sa mata nito. Hindi na ‘to yung takot. Hindi na ‘to yung duda.
Ito yung Maloi na unang kumapit sa kanya. Ito yung Maloi na masayang-masaya sa tabi niya.
At bago pa siya makapag-react, naramdaman niya ang mainit at mabilis na halik sa pisngi.
Halos mabingi siya sa sabay-sabay na sigawan ng buong venue.
Nag-freeze siya saglit, nanlalaki ang mata habang nakatingin kay Maloi. Pero ang loko, hindi man lang mukhang guilty. Nakangiti lang, mas lalong hinigpitan ang hawak sa kamay niya.
At sa gitna ng malakas na sigawan, sa ingay ng fans na halos hindi na magkamayaw, saka ito bumulong:
“Welcome back, Uyab.”
Ramdam ni Colet kung paano lalong bumilis ang tibok ng puso niya—at hindi lang dahil sa performance. Hindi lang dahil sa adrenaline.
Kundi dahil sa kanya.
Sa kanila.
At sa wakas, ngumiti siya. Isang ngiting hindi scripted, hindi pilit—isang ngiti ng taong, sa kabila ng lahat, ay natagpuan ulit ang sarili.
Natagpuan ulit ang tahanan niya.
Nagpalakpakan at nagsisigawan ang fans nang muling bumukas ang ilaw sa stage. Ramdam pa rin ang init ng emosyon mula sa huling performance nila, at kahit pawisan at hinihingal, walang pagdadalawang-isip na pumuwesto ang bawat isa.
Si Jho, na nasa gitna, kinuha ang mic at ngumiti. "Alam naming lahat na bitin pa kayo," sabi niya, pinapalakas lalo ang sigawan ng crowd. "Kaya para sa inyo, para sa lahat ng sumusuporta sa amin mula noon hanggang ngayon—eto na!"
Dumagundong ang unang notes ng kanilang latest single—isang kantang espesyal hindi lang para sa kanila kundi pati sa mga fans. Isang kantang isinulat nila bilang pasasalamat, bilang pagpapatuloy sa bagong chapter ng BINI.
Nang magsimulang kumanta si Colet, nag-iba ang energy ng buong venue. Para bang sa isang iglap, lahat ng kaba at bigat na naramdaman niya nitong mga nakaraang buwan ay nawala, napalitan ng saya, ng kalayaan. Tinapik siya ni Gwen sa balikat habang kumakanta, sabay kindat, na parang sinasabing "Tingnan mo, nandito ka pa rin. Dapat lang."
Si Maloi, kahit abala sa pagpe-perform, hindi mapigilan ang pagngiti habang pinagmamasdan si Colet. Iba na siya ngayon—hindi na yung dating takot at litong Colet. Siya na ulit ang performer na minahal ng lahat, na minahal ni Maloi.
At nang dumating na ang bridge ng kanta, sabay-sabay silang tumayo sa harapan, nakatingin sa audience, humihinga nang malalim habang pinagmamasdan ang libu-libong ilaw mula sa fans nila.
Ito ang dahilan kung bakit sila bumalik.
Ito ang dahilan kung bakit sila nagpapatuloy.
At nang sumabog ang confetti sa last note ng kanta, walang ibang maririnig kundi ang halu-halong sigawan, palakpakan, at pagtawag ng pangalan nila. Si Colet, hindi napigilan ang sarili—sa sobrang emosyon, napayakap siya sa pinakamalapit na miyembro. Nagkataon, si Maloi iyon.
Nagkatinginan sila. Saglit na sandali lang. Pero sapat na para malaman nilang tama ang lahat ng nangyari.
Tama lang na nandito sila, magkasama.
At habang yakap-yakap sila ng BINI sa huling group hug nila sa stage, isang bagay lang ang sigurado:
Bumalik si Colet—at hindi na siya mawawala pa.
Habang nag-aayos ng gamit si Colet sa dressing room, narinig niya ang pamilyar na boses ni Maloi mula sa likuran.
"Uy, Colet."
Napalingon siya at nakita si Maloi na nakasandal sa pinto, nakangiti nang bahagya. Pero may kung anong lambing sa mga mata nito—parang may gustong sabihin, pero hindi sigurado kung paano uumpisahan.
"Tara na?" sabay abot ng kamay nito sa kanya.
Saglit siyang natigilan. Tiningnan ang kamay ni Maloi, naghihintay. May konting kaba sa loob niya, pero mas matimbang ang pakiramdam ng tama. Dahan-dahan niyang inabot ang kamay nito, at nang magtagpo ang kanilang mga palad, pakiramdam niya ay parang tumigil saglit ang mundo.
Maloi, on the other hand, tightened her grip—hindi mahigpit, pero sapat para ipadama kay Colet na sigurado siya, na wala nang alinlangan.
Naglakad silang magkahawak-kamay palabas ng dressing room. Tahimik, pero ramdam ang pag-usad ng kung anong hindi nila kayang ilagay sa salita.
Sa hallway, ilang staff at crew ang nakakita sa kanila. Yung iba kinilig, yung iba napangiti na lang. Pero wala nang nagulat—parang matagal na nilang alam na darating talaga sa ganitong punto.
Nang makarating sila sa van, hindi pa rin bumibitaw si Maloi. Bago sumakay, lumingon ito kay Colet, may ngiting may halong kapilyahan.
"Uwi na tayo, Uyab," sabay pisil sa kamay niya.
Napatawa si Colet, may konting kilig at inis na halo. “Uy, ang cheesy mo naman bigla.”
Pero hindi niya rin napigilan ang sariling ngiti. Hindi na niya binitiwan ang kamay ni Maloi, kahit nung pareho na silang nasa loob ng van.
Kahit hindi pa nila alam ang lahat ng susunod na mangyayari, isang bagay ang sigurado: sa pagkakataong ito, sabay nilang haharapin ang kahit ano—magkahawak-kamay.