Mahal kita.

BINI (Philippines Band)
F/F
G
Mahal kita.
Tags
Summary
Ang pagpiling lumisan ay katapangan, tulad ng pagpiling manatili kahit nasasaktan.
Note
Note:Disclaimer: Names, characters, business, events and incidents are the products of the author's imagination. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.Please separate fiction from reality.Enjoy!!!

Characters:

Maloi as Luna 

Colet as Sol



Luna's POV



Ang sarap talaga pagmasdan ng langit tuwing sasapit na ang dapithapon. Lalo na kapag kulay kalimbahin ito at sasamahan ng pagsilip ng buwan. 



Nakakakalma ng pakiramdam. Ewan ko ba, pero iba talaga ang payapang hatid ng langit sa akin tuwing pagmamasdan ko s'ya. Nagiging banayad ang aking paghinga at maaliwalas ang aking pag-iisip. 



Sa tagal kong nakatitig dito, hindi ko namalayan na may tao na palang tumabi sa akin. 



"2 years had passed but you never changed. Hilig mo pa rin pagmasdan ang langit." Wika ng taong tumabi sa akin. 



Nakaramdam ako ng gulat nang marinig ko ang kanyang boses pero alam kong 'di n'ya iyon napansin. Hindi naman kasi n'ya napapansin ang mga maliliit na bagay. 



Namayani ang katahimikan sa aming dalawa. Ni-isa ay walang balak na basagin ito.



Pinagmamasdan namin pareho ang langit sa ibabaw. Ang pagalaw nito at ang unti-unting pagbabago ng kulay. 

Pareho naming ninanamnam ang payapang hatid nito. 



Hanggang sa naisipan ko ng magsalita.



"Nakabalik ka na pala." Ang unang mga salitang lumabas sa aking bibig matapos ang ilang minutong pinili namin na hindi umimik. Hindi ko s'ya tinapunan ng tingin. Pinanatili ko ang aking mga mata sa langit, kung kaya't hindi ko alam kung anong naging reaksyon n'ya. 



Tinignan ba n'ya ako o ngumiti lang s'ya habang nakatingin sa langit? Alinman sa dalawa o wala man diyan ang naging reaksyon n'ya, hindi na mahalaga. Alam ko naman na wala na akong importansya sa kanya.



“Kahapon lang.” Tipid na sagot n’ya. Tumango naman ako bilang sensyales na narinig ko ang sagot n’ya. 



Wala na ulit nagsalita sa amin. Pirmi lang kaming nakaupo sa tabi ng isa’t-isa. 



Ang kanina kong banayad na pakiramdam at maaliwalas na pag-iisip ay unti-unting napapalitan ng bigat at masakit na alaala. 



Kung bakit ba naman kasi nandito ulit s’ya sa aking tabi ngayong ika-labing dalawang taon na sana ng aming pag-iibigan. Dito pa sa mismong lugar na naging saksi ng aming simula, gitna at wakas.



Unti-unting bumabalik ang mga alaalang minsan naming pingsaluhan ng magkasama. Mga alaala na nagduot ng saya at pighati sa aming dalawa. 



“Kumusta ka?” pagbasag naman n’ya sa katahimikan na bumalot sa aming dalawa at sa malalim kong pagbaybay sa dati naming paglalakbay na hawak-kamay. 



“Okay lang. Pareho pa rin naman. Wala namang naging pagbabago sa takbo ng buhay ko makalipas ang dalawang taon.” sagot ko sa kanya. 



“Hmm.” 



“Ikaw ba? Balita ko kila Jhalein, na-promote ka ah.” Tanong ko naman sa kanya. At sa pagkakataong ‘to, tinignan ko s’ya. 



“Mali ka ng nasagap.”  sagot n’ya sa akin habang nakatingin na rin s’ya. 



“Huh? Anong maling nasagap?” nagtatakang tanong ko sa kanya. 



“Hindi naman ako na-promote.” nakangiting sagot n’ya. Tinignan ko lang ulit s’ya na may pagtataka kaya napatawa naman s’ya ng bahagya. 



“Hindi ako na-promote kasi hindi ko naman tinanggap.” natatawang dugsong n’ya. 



“Bakit naman? Sayang yun.” tanong ko ulit sa kanya. 



“Pinili ko kasing bumalik na lang ulit dito sa Pinas.” wika n’ya habang nakatingin ng deretso sa aking mga mata. May kung anong gustong ipahiwatig ng mga titig n’ya kaya pinili kong umiwas at ibalik ang mga tingin sa langit na ngayon ay napupuno na ng mga makikislap na tala, kasama ang maliwanag na buwan. 



“Hindi mo ba itatanong kung bakit mas pinili kong bumalik na lang ulit dito sa Pinas?” Tanong naman n’ya sa akin. 



“Hindi. Nasa sa’yo naman kung gusto mo itong ibahagi sa akin.” sagot ko sa kanya habang nakatingin sa buwan at mga tala. 



“Akala ko ba hindi ka nagbago?” tanong naman n’ya sa akin na naging dahilan para lingunin ko s’ya. 



“Anong ibig mong sabihin?” balik kong tanong sa kanya.



“Sabi mo hindi ka nagbago, pero bakit hindi ka na nangulit para malaman mo ang sagot sa ‘bakit’?” wika n’ya. 



Napangiti naman ako ng mapait sa kanya. 



“Hindi naman na kailangan. Sabi ko nga kanina, nasa sa’yo naman kung ibabahagi mo. Hindi naman na kita pipilitin.” tulad ng pagpilit kong manatili ka noon kahit saglit pero hindi mo ko pinakinggan. Binulong ko na lamang sa isip ko ang nais ko pa sanang idugsong sa sinabi ko sa kanya. 



Tumango na lamang s’ya bilang sagot. Sabay kaming napatingin sa maliwanag na kalangitan. Hinayaan na muli namin na namamayani ulit ang katahimikan. Tanging tunog lamang ng mga kuliglig ang aming naririnig. 



Bakit nga ba bumalik ulit s’ya? Bulong ko sa isip ko. Oo na, sinabi kong hindi ko naman ito itatannong sa kanya, pero hindi naman ibigsabihin nun ay hindi na ako mapapaisip. 



Sa pagkakaalala ko kasi, iyon ang pangarap n’ya. Kaya nga pinili n’yang ako’y talikuran at iwanan



Flashbacks



“Sigurado ka na ba sa desisyon mo? Hindi na ba talaga magbabago yan, Sol? Kaya naman natin yun eh.” pagpupumilit ko sa kanya habang hawak ang mga kamay n’ya. 



“Hindi Luna. Mas mainam ng tapusin na natin ito ngayon kaysa tumagal pa. Malayo ang Amerika, magkaiba ang magiging takbo ng oras nating dalawa. Mas mainam ng tuldukan natin ito ngayon kaysa ipilit nating kayanin, tapos magwawakas din.” sagot n’ya sa akin habang unti-unting bumibitaw sa aking kamay. 



“Sol, please naman oh. Ayaw mo bang sumugal sa akin?” umiiyak kong tanong sa kanya. 



“Luna, alam mo ang sagot ko d’yan. Sumugal ang nanay ko sa relasyon nila ng tatay ko, pero sa huli, pareho lang silang nasaktan at kalaunan ay naghiwalay.” sagot naman n’ya sa akin. 



“Alam ko naman ‘yang takot na nararamdaman mo eh. Pero Sol, hindi naman tayo ang mga magulang mo. Hindi ka ba nagtitiwala sa pagmamahalan nating dalawa?” tanong ko sa kanya. 



“Hindi sa ganun, Luna. Pero hindi ko talaga kayang sumugal kapag alam kong masasaktan lang din tayong dalawa.” sagot naman n’ya sa akin. 



“Talaga bang hahayaan mong itapon na lang ang sampung taon na mayroon tayo, Sol? Akala ko ba hanggang dulo na ‘to? Asan na yung Sol na nangako sa akin na tanging kabilang buhay lang ang maaaring magwalay sa atin? Asan na yung Sol na hindi takot sumugal? Asan na yung Sol na mahal ko at mahal ako?” umiiyak kong tanong sa kanya. 



Umiiyak na din s’ya habang nakatingin sa akin. 



Hindi s’ya sumagot sa aking mga tanong. 



Napuno kami ng hikbi at mga luha sa loob ng ilang minuto. 



“I’m sorry, Luna. Pero mas makakabuti sa atin na tapusin na lang talaga ito ngayon.” wika n’ya habang pinipigilan ang tunog ng kanyang hikbi at pinupunasan ang mga luha sa kanyang pisngi. 



“Paalam, liwanag ko. Sana sa muli nating pagtatakbo ay maliwanag na ulit ang mga buwan at tala sa langit, hindi tulad ngayong gabi.” wika n’ya, sabay tayo sa kanyang kinauupuan at naglakad papalayo. 



“Sol! Solana ko! Pakiusap, bumalik ka rito at manatili kahit saglit. Sol! Araw ko… please, manatili ka muna kahit saglit…” umiiyak na pagmamakaawa ko pero hindi na n’ya ako nilingon. Hindi na n’ya ako pinakinggan. Tuloy-tuloy lamang s’yang naglalakad papalayo. 



At kasabay ng paglabo ng aking paningin dahil sa mga luha ay ang hindi ko na s’ya matanaw dahil malayo na s’ya. 



Tuluyan na talagang iniwan na n’ya akong mag-isa… 



Iniwan n’ya ako na walang panghahawakan na kahit ano. Dahil isang taon bago mangyari ito, hindi ko na narinig sa kanya ang salitang “mahal kita”...



Back to Present



“Sa loob ng dalawang taon na pamamalagi ko roon, walang araw na hindi ko inisip ang tayo…” pagbagsag n’ya sa katahimikan. 



“Paano kung nakinig ako sa’yo? Paano kung pinili ko ring sumugal gaya mo? Paano kung pinanghawakan ko ang mayroon tayo?... Iyan ang mga tanong na paulit-ulit na bumabagabag sa akin tuwing gabi. Tuwing nasa kwarto ako at natatanaw ang langit, maging mga tala at buwan na sumisilip.” pagpapatuloy n’ya. 



Unti-unti ko ng nararamdaman ang bigat ng aking paghinga, kasabay ng bigat na nararamdaman ko sa aking dibdib. 



“Bumalik ako rito kasi hindi ko na kaya…” wika ulit n’ya at napatingin naman ako sa kanya. 



“Hindi ko na kaya na paulit-ulit na lang ang mga tanong pero hindi ko masagot. Naisip ko na baka kapag bumalik ako rito, matapos na s’ya. At natapos naman na talaga s’ya…” wika n’ya. Hindi ako nagsalita, tinignan ko lang s’ya sa kanyang mata. Pilit iniintindi kung anong ibigsabihin n’ya. 



“Nang makita rito, natapos na ang mga tanong na paulit-ulit sa utak ko. Dahil napagtanto ko, ikaw lang naman sagot sa lahat ng tanong, Luna. Ikaw lang.” pagpapatuloy n’ya. Naramdaman ko naman ang unti-unting pagbuo ng mga luha sa aking mata. 



“A-anong ibig mong sabihin? Pwede ba deretsuhin mo na lang ako Solana? Ano ba talaga ang gusto mong sabihin?” tanong ko sa kanya habang pinipigilan ang pagpatak ng luha sa aking mga mata. 



“Bumalik ako kasi nandito ka. Bumalik ako para sa’yo, Luna.” sagot n’ya sa akin habang nakatingin ng deretso sa aking mata. Kita ko ang sinseridad nito pero mas nananaig ang sakit sa aking dibdib dulot ng kahapon. 



“Bakit? Bakit naisip mong ako ang dahilan ng iyong pagbabalik dito kung noon ay tinalikuran at iniwan mo ako habang nagmamakaawa ako sa’yong manatili ka kahit saglit?” tanong ko ulit sa kanya. 



“Patawarin mo ako, Luna. Kinailangan kong tiisin na huwag kang tignan dahil alam ko sa sarili ko na kapag huminto ako at lumingon pabalik, hindi na talaga ako aalis.” wika n’ya habang may mga luha ng pumapatak sa kanyang mga mata. 



Napatawa naman ako sa sagot n’ya. 



“Hahaha. Ang galing mo pa rin talaga magpatawa.” sagot ko sa kanya na ipinagtaka ng kanyang mukha. 



“Sinungaling ka. Alam ko… alam ko na kahit huminto at lingunin mo ulit ako, hindi ka mananatili. Matagal mo na akong iniwan, Sol. Matagal na.” wika ko sa kanya na may konting diin sa boses ko pero hindi pa rin tumitigil ang pagtulo ng mga luha ko. 



“Anong sinasabi mo, Luna?” nagatatakang tanong n’ya. 



“Matagal mo na akong iniwan, Sol. Isang taon bago pa mangyari ang lahat, iniwan mo na ako. At alam mo ang nakakatawa, pinili ko pa rin manatili kahit sa mga panahon na yun. Pinili ko pa ring ipaglaban ang mayroon tayong dalawa kahit pa wala naman na akong panghahawakan.” madiin ko uling wika sa kanya. 



Tinignan naman n’ya ako na may pagtataka. Tila ba hindi n’ya maintindihan kung saan ako nanggagaling. 



“Hahaha. Gulong-gulo ka ba? Huwag ka mag-alala, ganyan din ako sa’yo noon. Hindi ko rin talaga alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para manatili kahit wala naman na akong pinanghahawakan.” umiwas na ako ng tingin sa kanya at ibinaling ang aking mata sa langit. 



“Naalala mo pa ba kung kailan mo huling binanggit sa akin ang salitang ‘mahal kita’?” tanong ko at bahagyang sumulyap sa kanya. 



“Luna—” magsasalita sana s’ya pero pinutol ko s’ya. 



“Kasi ako, hindi ko na maalala. Alam mo, Sol, hindi ko na hiniling sa langit na bumalik ka ulit sa akin. Gaya ng sabi ko, bago pa mangyari ang lahat, iniwan mo na ako.” wika ko. 



“Luna… Alam kong hindi ko na nabanggit ulit sa iyo ang mga salitang yun. Pero pinaramdam ko naman ah. Alam ko sa sarili ko na hindi ako nagkulang na iparamdam sa’yo yung nararamdaman ko. Nasaktan at iniwan kita, oo.  Pero huwag mo naman isipin na hindi kita binigyan ng panghahawakan. Hindi ko man masabi pero pinararamdam ko naman sa’yo.” sagot naman n’ya sa akin. 



Napailing naman ako sa kanya bago muling salita. 



“Kaya nga nanatili pa rin ako diba? Kasi pinaparamdam mo naman. Pero Sol, sana naisip mo na hindi sapat na pinararamdam mo lang. Sana naisip mo na gusto ko rin s’ya marinig. Kasi tangina, nagagawa mo naman yun noon, pero bakit biglang hindi na? Bakit hindi mo na kayang sabihin? May mali ba? Ganun na ba kabigat ang mga salitang yun kaya hindi mo na masabi pabalik sa akin??? Kung hindi mo na pala kayang banggitin at tanging sa kilos mo na lang idadaan, sana sinabihan mo ako. Hindi sana ako parang tanga na pinipilit marinig sa mga kilos mo ang mga salitang gusto kong panghawakan.” dere-deretso kong wika habang nakatingin sa kanya. 



“Kaya paano ako maniniwala sa’yo na ako ang dahilan kung bakit pinili mong bumalik dito kung hanggang ngayon hindi mo pa rin mabanggit-banggit ang mga salitang magiging rason sana para may panghawakan ako, para manatili pa rin ako. Para… para antayin ang pagbabalik mo? Paano, Sol, paano?” dagdag ko habang tuloy-tuloy pag-iyak ko. 



“Luna..” tanging naging sagot n’ya bago n’ya ako hinila sa mga bisig n’ya. 



Hindi ako nagpumiglas pa dahil wala akong lakas. Masyadong nanghihina na ang katawan ko sa pag-iyak.



Hindi ko alam kung ilang minuto na ang nakalipas pero nanatili lang s’yang nakayakap sa akin habang ako umiiyak sa kanyang dibdib.



“Sol, bakit hindi mo na kayang sabihin ulit yun sa akin?” tanong ko sa kanya bago umalis sa pagkakayakap n’ya. 



“Hindi ko rin alam, Luna. Nagulat na lang ako, isang araw, hirap na hirap na akong sabihin pabalik iyon sa’yo. Parang hindi tama. May kung ano sa akin na pinipigilan na sabihin sa’yo pabalik. Kaya pinili ko na lang iparamdam. Kasi akala ko magiging sapat na yun hanggang sa muli ko ng maramdaman na kaya ko ng sabihin, na kaya ko na rin ibalik.” sagot n’ya. Tinignan ko lamang s’ya at hindi na muling nagsalita. 



Tumingin na lang ulit ako sa langit. Iniisip ko kung saan pa ba patungo itong pag-uusap namin?



Tumagal ulit ng ilang minuto ang aming pananahimik. Tila ba pinakikiramdaman ang isa’t-isa. 



“Ngayon ba, Sol, kaya mo na?” Tanong ko sa kanya. Hindi ko s’ya tinignan. Pumikit lang ako habang inaantay ang magiging sagot n’ya. 



“Mahal kita, Luna. Kahit na hindi na kita pwedeng makasama…” sagot n’ya. 



Tumingin naman ako sa kanya at ngumiti. 



“Iyan lang naman ang inaantay ko.” wika ko bago ko hinawakan ang mga pisngi n’ya. 



“Mahal din kita, Sol, kahit na kailangan ko ng umalis.” dagdag ko bago tumayo sa aking kinauupuan at unti-unting inilalapat ang aking labi sa kanyang noo. 



“Aantayin na lang kita sa kabilang buhay ah? Mahal kita, mag-iingat ka.” wika ulit bago unti-unting naglaho sa tabi n’ya. 






 

At sa puntong ‘to, naintindihan ko na. Isang katapangan din ang lumisan kahit mahal mo pa, kahit may panghahawakan ka pa. Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon kailangan mo ng lakas para manatili…





 

 

 

 

 

THE END.