
⋆.˚☕︎
Tunog ng kumukulong kape, simoy ng malamig na hangin, at kumikinang na liwanag mula sa matataas na gusali.
Ito ang araw-araw na buhay ni Min.
Pagkatapos ng isang buong araw ng pag-aaral, diretso siya sa kanyang trabaho sa isang maliit na café malapit sa campus. Hindi madali ang buhay—lalo na kung mag-isa ka. Pero kinakaya niya. Kakayanin niya.
Ang maliit na café sa taas ng isang lumang gusali ang nagsisilbing pangalawang tahanan niya. Hindi ito matao; madalas lima hanggang sampu lang ang customer sa buong shift niya. Dahil dito, malaya siyang mag-aral at tapusin ang mga kailangan para sa eskwela. Mabait din ang may-ari, si Tatay Jone, na halos tumayong pangalawang tatay niya simula pa noong high school. Mag-isa rin ito sa buhay, kaya sa isang paraan, magkasama nilang binubuo ang katahimikan ng isa’t isa.
Paulit-ulit lang ang buhay ni Min, paaralan at trabaho paulit-ulit na pagsisikap. Hindi niya ito binabago, at ayaw niyang baguhin. Mas mabuti na abala, mas mabuti na walang oras para mag-isip.
Pero isang gabi, pumasok sa café ang isang bagong mukha.
“Good evening! Welcome to Sinta Café,” bati ni Min, kagaya ng nakasanayan.
“Good evening!” sagot ng babae, masiglang ngumiti bago pa man tuluyang makalapit sa counter.
Napansin ni Min ang ID lace nito, pareho sila ng eskwelahan.
“Here’s our menu.” Inabot niya ang maliit na papel.
Agad namang nagtanong ang babae. “Anong best seller niyo sa non-coffee drinks?”
“For non-coffee drinks po, ang best seller namin ay matcha strawberry at chocolate chip frappe.”
“Oh, sige! Isang chocolate chip frappe and one slice of blueberry cheesecake.”
“Anything else po?”
“None for now. Thank you.”
“Name po natin?”
“Rina.”
“Thank you po. By the way, I’m Min. You can approach the counter if you need anything.”
Tumango si Rina, pero imbes na umalis agad, saglit nitong pinagmasdan ang paligid—ang maaliwalas na ilaw, ang tahimik na ambiance, ang lumang kahoy na mesa na puno ng bakas ng panahon. Para bang natagpuan niya ang isang lihim na lugar na hindi dapat matagpuan.
Habang inihahanda ni Min ang order, panaka-nakang sumulyap siya sa bagong customer. Hindi niya alam kung bakit, pero may kung anong pakiramdam na gumapang sa kanya. Isang bagay na matagal niya ng hindi nararamdaman.
At sa gabing iyon, sa unang pagkakataon, parang may nagbago sa paulit-ulit niyang mundo.
⋆.˚☕︎
Naging parte na ng gabi ni Min ang pagdating ni Rina sa Sinta Café.
Noong una, tahimik lang itong nag-aaral sa isang sulok, minsan tumatambay habang hinihigop ang kanyang inumin. Pero habang tumatagal, nasanay na silang mag-usap—mga simpleng bagay lang sa simula. Mga professor na mahirap ipasa, nakakainis na groupmates, kung paano nakakawala ng stress ang tamang timpla ng tsokolate sa isang frappe. Maliit na bagay, pero sa bawat usapan, hindi lang si Rina ang bumabalik sa café—unti-unti ring bumabalik ang isang bahagi ng sarili ni Min na matagal niyang itinago.
Isang gabi, habang nagpapalit si Tatay Jone ng playlist sa café, biglang tumugtog ang isang awitin na ngayon lang narinig ni Min.
"Pains of the past make for a guarded heart,
But he saw her light and walked right in..."
Habang nag-aayos ng baso sa counter, hindi niya napigilang tumigil at makinig. Malamig ang gabi, pero sa loob ng café, parang may kakaibang init na bumalot sa kanya.
Sa isang sulok, nakita niyang nakikinig rin si Rina, banayad na hinihigop ang kanyang inumin, tila dinadama ang bawat salita ng kanta. May kung anong lungkot sa kanyang mga mata, isang lungkot na hindi niya ipinapakita sa madalas na masiglang tono nito.
Pagkatapos ng kanta, bumalik si Min sa ginagawa niya. Hindi niya napansin agad nang bumangon si Rina, iniwan ang kanyang mesa, at lumabas ng café.
At doon, sa ibabaw ng mesa kung saan siya nakaupo, may isang maliit na piraso ng tissue paper.
May nakasulat.
"When is my right time?"
Nabasa ito ni Min habang inaayos ang lamesa. Saglit siyang natigilan, pinagmamasdan ang sulat-kamay ni Rina—medyo magulo, parang isinulat na hindi masyadong pinag-isipan pero may bigat sa bawat letra.
Hindi niya alam kung bakit, pero ang tanong na iyon ay kumirot sa dibdib niya.
Kailan nga ba ang tamang panahon?
Si Min, na sa tagal ng pagiging mag-isa, ay hindi na sigurado kung gusto niya pang magmahal. Pero kahit gaano niya pilitin ang sariling manatili sa kanyang maliit na mundo, kahit gaano kaingat niyang binabantayan ang puso niya, hindi niya maitago na minsan, kapag nakakakita siya ng mga magkasintahan sa kalsada, kapag nakikita niya si Tatay Jone na dahan-dahang pinupunasan ang maliit na litrato sa counter, may parte sa kanya na umaasang dumating din ang tamang oras para sa kanya.
Para naman kay Rina, palagi niyang sinasabi sa sarili na okay lang. Na hindi niya kailangan ng kahit sino. Pero minsan nakakaramdam din siya ng pangungulila. Na minsan, kahit nakangiti siya habang kasama ang kanyang mga kaibigan, may bahagi sa kanya na hinahanap ang taong mag-aabot ng kamay at magsasabing, hindi ka nag-iisa.
Habang hawak pa rin ang tissue paper, huminga nang malalim si Min. Marahang itinupi ito at inilagay sa kanyang apron.
At sa gabing iyon, habang nagsasara ng café, hindi niya mapigilan ang sarili—hindi niya mapigilang isipin ang sagot sa tanong na iniwan ni Rina.
"When is my right time?"
Hindi niya alam.
Pero sa bawat gabing bumabalik si Rina sa Sinta Café, sa bawat simpleng pag-uusap nila, sa bawat ngiting palihim niyang sinasalo sa pagitan ng pag-aabot ng baso at pag-aayos ng resibo—baka, baka ang sagot ay dahan-dahan nyang matuklasan.
⋆.˚☕︎
Ang Sinta Café ay naging tahanan ng kanilang mga kwento.
Sa paglipas ng mga linggo, hindi na lang basta customer si Rina—naging parte na siya ng gabi ni Min. Sa bawat pagbalik niya, may dala siyang bagong sigla sa tahimik na café. Minsan, puro kwento lang siya tungkol sa klase, o kaya sa simpleng bagay tulad ng bagong labas na pelikula na hindi niya sigurado kung gusto niya o hindi.
Si Min, tahimik lang. Mas madalas siyang nakikinig, pero may mga pagkakataong hindi niya mapigilan ang mapangiti o matawa sa mga sinasabi ni Rina. Hindi niya napapansin, pero unti-unti, may nagbabago sa kanya.
Unti-unting nababasag ang matagal niyang binuo na pader.
Unti-untin nyang nararamdaman na hindi na siya mag-isa.
Isang gabi, habang hindi matao ang café, nakaupo si Rina sa may counter, abala sa pagsusulat ng mga notes niya. Si Min naman ay nasa likod, inaayos ang mga stock ng kape. Tahimik lang silang dalawa, sanay na sa presensya ng isa’t isa.
Pero sa gitna ng katahimikan, biglang nagtanong si Rina.
"Min," mahina niyang tawag.
Napalingon si Min. "Hmm?"
Tumingin muna si Rina sa kanyang notebook bago ibinalik ang tingin kay Min. "Kanina… may nadaanan akong coffee shop sa kabilang kanto. Parang dati na siyang café pero ngayon sarado na."
Tumango lang si Min. Alam niya ang tinutukoy ni Rina, isang lumang coffee shop na halos kasabay ng Sinta Café sa tagal.
"Naalala ko lang…" patuloy ni Rina. "Yung café mo, ang tahimik niya. Parang ang daming kwento pero hindi sila lumalabas."
Nagtaas ng tingin si Min. "Anong ibig mong sabihin?"
Bahagyang ngumiti si Rina. "Ikaw, Min. Parang ang dami mong kwento pero hindi mo sinasabi."
May biglang bumigat sa dibdib ni Min.
Gusto niyang umiwas. Pero hindi niya alam kung bakit, sa pagkakataong iyon, may kung anong nagtutulak sa kanya para magsalita.
Tumahimik muna siya sandali bago marahang bumuntong-hininga.
"Wala na akong mga magulang" mahinang sabi niya.
Napatingin si Rina, halatang nagulat sa biglaang pag-amin.
"Namatay sila sa isang aksidente," patuloy ni Min, nakatingin lang sa baso sa harap niya. "Ako lang ang nakaligtas. Pero dahil bata pa ako noon. Naiwan akong mag-isa sa bahay na iniwan ng mga magulang ko."
Sa unang pagkakataon, parang ngayon lang ulit niya naramdaman ang bigat ng mga salitang iyon.
Ilang sandali ring hindi nakapagsalita si Rina. "Ilang taon ka nun?" tanong nito sa wakas, halos pabulong.
"Sixteen," sagot ni Min.
Napakagat-labi si Rina.
"Si Tatay Jone, kapitbahay lang namin noon," dugtong ni Min. "Siya ang unang tumulong sa akin. Namatay ang asawa niya dahil sa sakit, kaya pareho kaming iniwan. Noong pumasok ako ng college, inalok niya akong magtrabaho sa café niya. Naging tahanan ko na rin ‘to."
Tahimik si Rina, pero bakas sa mukha niya ang lungkot.
Maya-maya, ay mahina syang nagsalita. "Min…"
"Okay lang ako," putol ni Min bago pa man ito makapagsalita. "Matagal na ‘yon."
Pero alam niya sa sarili niya na nagsisinungaling siya. Hindi ganun kadali ang mawalan. Hindi ganun kadali ang mabuhay araw-araw na alam mong hindi mo na maibabalik ang buhay na dating meron ka.
At ngayong sinabi niya na ang lahat ng ito kay Rina, pakiramdam niya ay parang may bigat sa dibdib niya. Takot.
Takot na ngayon, may isa pang tao ang nakakaalam kung gaano siya kasira. May nakakaalam na ng kanyang malungkot na nakaraan. May nakapagbukas na ng bagahe na matagal nya na tinatago.
Pero sa halip na maawa o tingnan siya na parang kawawa, naramdaman niya ang mainit na kamay ni Rina sa ibabaw ng kanya.
Dahan-dahan. Hindi pilit.
Isang hawak na nagsasabing, hindi ka nag-iisa.
At sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, pinayagan ni Min ang sarili niyang maniwala.
⋆.˚☕︎
Mula nang gabing iyon, may nagbago kina Min at Rina.
Mas lumalim ang pag-uusap nila. Hindi na lang basta tungkol sa eskwela o sa café. Minsan, nagkukwento na rin si Min ng mga alaala niya, tungkol sa paborito niyang lugar sa bayan noong bata pa siya, tungkol sa mga gabi kung kailan hindi niya alam kung paano siya babangon kinabukasan.
At si Rina, tahimik lang na nakikinig. Walang panghuhusga. Walang pilit na pagsasabi ng "okay lang yan."
Ang presensya lang niya ang sapat na dahilan para hindi na ganun kabigat ang lahat.
Sa kabila nito, may isang bagay na hindi nila masabi sa isa't isa—isang bagay na ramdam nila pareho, pero hindi nila kayang pangalanan.
⋆.˚☕︎
Isang umaga, habang naglilinis si Min sa café, bumalik sa isip niya ang gabing tumugtog ang Right Time sa café. Ang kantang tila sumasalamin sa puso nilang dalawa. Ang tanong na isinulat ni Rina sa tissue paper:
"When is my right time?"
Hanggang ngayon, iniisip pa rin niya iyon.
Kailan nga ba ang tamang panahon?
Hindi namalayan ni Min na mas madalas na niyang hinahanap si Rina.
Kapag hindi ito dumadating sa café, napapatingin siya sa pintuan, hinihintay kung kailan ito papasok, kung kailan nito muling dudungisan ng ingay at saya ang tahimik niyang mundo.
Pero isang linggo nang bihira dumaan si Rina.
"Namimiss mo na siya, ano?" ani ni Tatay Jone habang inaayos ang isang bag ng kape.
Napakurap si Min. "Ha? Hindi naman Tay"
Ngumisi ang matanda. "Hindi ka marunong magsinungaling, hija."
Hindi na lang sumagot si Min at nagpatuloy sa ginagawa.
Pero totoo.
Namimiss niya si Rina.
At hindi niya alam kung anong gagawin tungkol doon.
⋆.˚☕︎
Isang gabi, habang papauwi na si Min, nagulat siya nang makita si Rina sa harap ng café, nakaupo sa bangketa. May hawak itong chocolate milk, mukhang malalim ang iniisip.
"Bakit ka nandito?" tanong ni Min, hindi sigurado kung dapat ba siyang lumapit.
Tumingala si Rina at ngumiti nang makita siya. Pero bakas sa mga mata nito ang lungkot.
"Wala lang," sagot nito. "Na-miss ko ‘tong lugar."
Natahimik si Min.
Umupo siya sa tabi ni Rina, hindi sigurado kung dapat siyang magtanong. Pero nauna nang nagsalita ang huli.
"Alam mo, Min," mahina nitong sabi. "Minsan, iniisip ko kung bakit parang ang bilis kong magbigay ng puso ko sa mga tao… pero hindi naman nila kayang manatili."
Napalingon si Min. "May nangyari ba?"
Umiling si Rina. "Wala naman. Napapaisip lang ako. Lahat ng tao sa paligid ko may minamahal. Lahat sila may masasandalan. Pero ako, parang laging nauubusan."
May kung anong sumikip sa dibdib ni Min.
Naalala niya ang sarili niya, kung paano niya pinili ang mag-isa, ang hindi umasa sa iba.
Pero iba si Rina. Si Rina, naghahanap. Si Rina, gusto ng pagmamahal.
At doon siya natakot.
Dahil paano kung hindi niya kayang ibigay iyon?
Paano kung masaktan lang si Rina dahil sa kanya?
At paano kung… sa kabila ng lahat, gusto niyang subukan?
Tahimik lang silang dalawa habang ang malamig na hangin ng gabi ay bumalot sa kanila.
Maya-maya, naramdaman ni Min ang dahan-dahang pagdantay ng ulo ni Rina sa balikat niya.
At sa unang pagkakataon, hindi siya umatras.
⋆.˚☕︎
Ngunit sa kabila ng maliliit na sandaling ito, may bumabagabag kay Min.
Sa bawat pagkakataong nararamdaman niyang lumalapit si Rina, mas lalo niyang gustong umatras.
Sabi nila, kapag nasanay kang mag-isa, mahirap nang hayaan ang iba na pumasok sa mundo mo.
At iyon ang problema ni Min.
Gusto niyang mahalin si Rina.
Pero hindi niya alam kung paano.
Dumating ang isang gabi kung kailan hindi na kinaya ni Min ang sarili niya.
Papalabas na si Rina ng café nang biglang tinawag siya ni Min.
"Rina," mahina pero matigas ang boses nito.
Huminto si Rina at lumingon. "Bakit?"
Nag-aalangan si Min, pero sa huli, hinayaang bumagsak ang mga salitang matagal na niyang gustong sabihin.
"Huwag mo akong mahalin."
Napakurap si Rina. "Ano?"
"Huwag mo akong mahalin," ulit ni Min. "Dahil baka hindi kita kayang mahalin pabalik sa paraan na gusto mo."
Tahimik si Rina. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matawa o maiiyak.
"Min…" halos pabulong ang pangalan nito sa labi niya.
"Bakit mo iniisip na may hinihingi akong kapalit?" tanong ni Rina, hindi maitago ang sakit sa boses. "Akala mo ba lahat ng ginagawa ko, lahat ng sandaling pinili kong makasama ka, may hinihintay akong kapalit?"
Napayuko si Min. Hindi niya alam ang isasagot.
"Hindi kita minamahal para suklian mo ako, Min," mahinang dugtong ni Rina. "Minamahal kita dahil gusto kitang mahalin."
At doon, doon tuluyang natunaw ang depensa ni Min.
Sa unang pagkakataon, tinanggap niya ang katotohanan.
Na hindi niya kailangang takbuhan ang pagmamahal.
Na may tamang panahon para dito.
At marahil, ito na ‘yon.
Ito na ang tamang panahon para hayaan niyang mahulog.
At hayaan ang sarili niyang magmahal
⋆.˚☕︎
Ang Sinta Café ay tahimik tulad ng dati, ngunit sa gabing ito, may kakaibang pakiramdam sa hangin.
Si Rina ay nakaupo sa isang sulok, hinihintay ang kanyang order. Tulad ng dati, si Min ang naghanda ng kanyang inumin—isang Chocolate Chip Frappe, paborito niya. Ngunit sa pagkakataong ito, may kung anong bumabagabag kay Min habang inilalapag ang baso sa mesa.
"Salamat," wika ni Rina, pilit ang ngiti.
Matapos ang gabing sinabi ni Min na huwag siyang mahalin, tila nagkaroon ng distansya sa pagitan nila. Bumalik si Min sa pagiging tahimik, tila hindi sigurado kung paano muling lalapitan si Rina. Samantalang si Rina, sinubukan niyang maging normal, ngunit alam niyang may kirot pa rin sa puso niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit, pero kahit nasaktan siya, hindi niya magawang lumayo.
Dahil naniniwala siya, kung may tamang panahon para umibig, marahil darating din ang tamang panahon para kay Min na harapin ang nararamdaman nito.
At marahil, iyon ang gabing ito.
Habang tahimik nilang iniinom ang kani-kaniyang inumin, biglang tumunog ang speaker ng café.
"Pains of the past make for a guarded heart…"
Napalingon si Rina.
"But he saw her light and walked right in…"
Napahawak siya sa dibdib niya.
Right Time.
Ang kantang minsang nagpaisip sa kanya kung kailan darating ang pagmamahal para sa kanya.
Nagtaas siya ng tingin kay Min, na ngayon ay tahimik na nakatingin din sa kanya. May kung anong liwanag sa mata nito—takot, pag-aalinlangan, higit sa lahat, isang bagay na hindi pa nito pinapangalanan.
Ngunit sa gabing ito, sa ilalim ng malambot na liwanag ng café, napagpasyahan ni Min na hindi na muling tatakasan ang kanyang nararamdaman.
Tumayo si Min at lumapit sa mesa ni Rina.
"Pwede ba kitang makausap?"
Nagtaas ng tingin si Rina, halatang nagulat. "Ha?"
Huminga nang malalim si Min, saka umupo sa tapat niya. Nanginginig ang kamay nito, ngunit hindi na siya umurong.
"Rina," mahina niyang simula, "Pasensya na sa sinabi ko dati."
Napakurap si Rina. "Alin?"
"Yung… sinabi kong huwag mo akong mahalin."
Natahimik si Rina.
"Alam kong nasaktan kita," dugtong ni Min, pilit na nilalabanan ang pag-aalinlangan. "Pero hindi dahil hindi kita gusto."
Tumingin siya sa mata ni Rina. "Natakot lang ako. Natakot akong masanay sa presensya mo. Natakot akong mahalin ka… dahil baka isang araw, mawala ka rin."
Nang marinig iyon, biglang lumambot ang ekspresyon ni Rina.
"Pero napagtanto kong mas nakakatakot ang isipin na tuluyang mawala ka sa buhay ko, na hindi ko man lang sinubukan."
Nagtaas ng kamay si Min at inilagay sa ibabaw ng kamay ni Rina.
"Gusto kitang mahalin, Rina," marahang sabi ni Min. "Kahit natatakot ako. Kahit hindi ko pa alam kung paano. Pero gusto kong subukan. Dahil ikaw ang tamang panahon para sa akin."
Muling tumugtog ang kanta sa background.
"Like the stars to the dreamers…"
"Like the sea to the shore…"
"With a hand to hold, the future has been told…"
"It's the right time, To fall in love again
It's the right time, To be loved again"
Napangiti si Rina, hindi na napigilang maluha.
"Min," mahina niyang tugon, "Hindi kita mamadaliin. Hindi kita pipilitin. Pero gusto kong malaman mo na kahit gaano katagal, nandito lang ako."
Niyakap niya si Min nang mahigpit.
At sa yakap na iyon, doon na tuluyang bumagsak ang pader na matagal nang nakapaligid kay Min.
Alam niyang hindi niya kailangang magmadali.
Dahil dumating na ang tamang panahon.
At sa pagkakataong ito, hindi na niya ito pakakawalan.
⋆.˚☕︎