
Imagine starting your day with your hands wrapped around a warm cup of coffee, looking out the window, embracing the cool breeze, and listening to the gentle hum of the birds. This is exactly what Lavigne does every morning.
Lahat na yata ng pampakalma nagawa na niya. She enjoys disconnecting from the outside world by turning off all her devices. Masyado ng toxic ang social media para sa kanya. Issue dito, issue doon. Hindi na natahimik ang mga tao sa lahat ng chismis.
She practices meditation as well. Minsan napapagkamalan pa siyang natutulog kaya palaging nagugulat si Cyra sa kanya kapag nagsasalita siya nang biglaan.
“Tapos ka na ba magbreakfast?” Cyra asked her best friend as she scrolls through her phone. Siya ang kasama nito sa bahay, siya rin ang kasama nito simula pagkabata.
Humiwalay na sila sa magulang nila pagkatapos grumaduate ng college. Nagkataon lang na both parents nila ay open minded sa pagiging close nilang dalawa at malaki ang tiwala nila sa pagiging independent ng mga anak nila.
“Coffee lang ako today, Cy.” Lavigne answered. Nilingon niya ang best friend niya na hindi na nagsalita pa ulit pagkatapos nitong magtanong.
“C’mon. Masyado kang tutok sa phone mo. At least try to connect with nature.”
“Edi gumaya ka kasi. Baka mamaya marami na nagchachat sa’yo.”
“I’m on digital detox. Alam mo ‘yan.” Tumayo siya at dahan-dahang kinuha ang phone sa kamay ni Cyra. Hindi naman rin pumiglas ang isa dahil araw-araw na rin silang ganito. Ang laki ng difference ng personality nila pero for some reason, sila ang nag-click kahit gaano pa karami ang tao na nakakasalamuha nila.
Nilagay niya ang phone sa coffee table at yumakap kay Cyra. A morning hug is essential for both of them. Si Lavigne ang palaging lumalapit para sa limang minutong yakap sa kanyang kaibigan. Araw-araw, walang laktaw.
“Alam mo ba, nakakabawas daw ng stress ang yakap.” Lavigne said.
“Hindi naman ako stressed.”
“Syempre palagi kitang niyayakap.”
“Alam mo bang nakakainlove din ang pagyakap?” Cyra wiggled her brows while looking at Lavigne teasingly.
Biglang bumitaw si Lavigne sa pagkakayakap at bumalik sa kanyang upuan. “Nakakairita ka talaga kahit kailan. Pasalamat ka I always share my peace of mind.” Sabay irap kay Cyra. Natawa na lang ang isa. Naupo sa tabi ni Lavigne at nagsuot ng headphones.
Ganito sila palagi. Lavigne enjoys the silence, while Cyra prefers listening to soothing music. Walang pakielamanan ng gusto nilang gawin sa buhay. Ang mahalaga, kasama nila ang isa’t-isa.
After a few minutes, naubos na rin ni Lavigne ang kape niya. Pansin niyang abala pa rin ang katabi niya sa pag-iiscroll sa social media kaya kinalabit niya na lang ito. Napatigil si Cyra at inalis sa tenga ang headphones.
Tumaas lang ang kilay ni Cyra, indicating that she’s asking “Why?”
“What do you think of the past life regression?”
“Huh?”
“Past life regression, Cy, ‘yung magmemeditate ka tapos madadalaw mo ‘yung past life mo.” Lavigne explained.
“I know. Pero biglaan kasi. Anong ganap?”
Napakunot noo na lang si Cyra sa pagkabigla dahil sa tanong ng kaibigan. “Kung ano man ‘yan, Vin, don’t do it. Focus ka na lang sa bubble mo.”
“Curious lang naman, teh. Malay mo, ikaw pala jowa ko sa past life.” Lavigne teased. Napailing na lang rin si Cyra sa kalokohan ng kaibigan. For her, it is purely platonic. Alam rin naman niyang gano’n rin kay Lavigne. Sadyang expert lang sa pang-aasar ang kaibigan dahil masyadong peaceful ang buhay nito.
“Basta, kahit ano pa, huwag lang ‘yang past life—past life na ‘yan. Baka gusto mong hindi na makabalik?”
“Cy, ano ka ba? It’s not dangerous naman daw. Pipikit ka lang. Relax, meditate. Normal naman na sa’kin ‘yun ah?”
“Lavigne.” Cyra, this time, has a serious expression in her eyes.
“Okay po.” Natahimik na si Lavigne sa sinasabi niya. Alam niyang dapat na manahimik kapag ganito na ang kaibigan. Ito rin ang maganda sa friendship nila, Lavigne does whatever she wants, while Cyra is always there to protect her.
Biglang tumayo si Cyra at lumayo muna sa kanya panandalian. Si Lavigne ang tipo ng babae na hindi nagtatampo kaagad pero kapag si Cyra na niya ang nanermon sa kanya, automatic tampo agad siya. Mahilig magpababy kumbaga.. sa kaibigan nga lang.
Bumalik ang kaibigan na may dalang papel at idinikit ito sa likod ni Lavigne, saka umalis ulit.
Nagulat at nagtaka siya sa ginawa ni Cyra at kinuha agad ang papel. She smiled as she read what was written on the paper, “Must protect at all cost.”
“Hay nako talaga, Cy.” She muttered.
———
“Ohh, ganito pala.. close daw ang eyes tapos…”
“Huy! Anong binubulong-bulong mo jan, Vin?”
Lavigne quickly hid her phone, which had been hidden for a week now because of her digital detox. Kinuha niya lang ulit ito sa drawer dahil curious siya sa sinasabi niyang past life regression. Sabi kasi sa internet, p’wede daw gawin ‘yon kahit mag-isa ka lang. Kailangan lang ng tahimik na paligid.
Para kay Lavigne, swerte na rin na tahimik ang paligid ng kanilang bahay at wala masyadong makakapagdistract sa kanya if ever na ituloy niya ito.
Ang mahirap lang, maraming nakakatulog imbis na makarating sa kanilang past life. Pero dahil mahilig magmeditate si Lavigne, sa isip niya, madali na lang sa kanya gawin ‘to.
“Wow! Para naman akong magnanakaw sa panic mo. Ano ‘yang tinatago mo?” Cyra walked closer to Lavigne. Mas lalong nagpanic ang isa at biglang nag-clear ng apps para hindi makita ng kaibigan dahil alam niyang magagalit ulit ito sa kanya.
“Lavigne. What’s that?” she seriously asked.
Pinakita ni Lavigne ang hawak niyang phone, “Oh. Silpon.” nagpacute pa siya kay Cyra para hindi ito mag-isip ng kung ano.
“Eh bakit tinatago mo? Cellphone mo naman ‘yan. Hmm.. nanonood ka sig—”
“Hoy! Alam kong sobrang peaceful ng buhay ko pero hindi ako gano’n!” a defensive Lavigne shouted. Tumawa na lang si Cyra at nilayasan siya.
“Cy! Hindi nga!” Pahabol pa ni Lavigne.
Bigla ring may bumalik na sagot sa kanya, “As long as hindi past life regression pinapanood mo, tatanggapin kita!”
———
Cyra noticed that Lavigne is peacefully having her siesta in front of the open window. This time, alam niyang tulog talaga ang kaibigan at hindi nagmemeditate dahil sa braso nitong nakalaglag sa gilid ng kanyang hinihigaan. Cyra closed the window because she didn’t want Lavigne to feel cold. She gets easily sick kaya masyadong itong protective sa kaibigan.
Nanguha rin siya ng manipis na kumot at ipinatong sa kalahating katawan nito. She leaned in closer to brush the strands of hair away from Lavigne's face. “Protect your peace, Vin.” she whispered.
Umalis muna siya saglit para makapamili ng mga kakailanganin nila sa bahay. Kapag kasi nakita siyang aalis ni Lavigne para sa grocery, palagi siyang sumasama at hindi niya hinahayaang magbuhat mag-isa si Cyra.
Pero mas gugustuhin naman ni Cyra na mapag-isa para hindi mapagod ang kaibigan. Ganito na rin madalas ang ginagawa niya, inaabangan niya ang siesta time ni Lavigne para makatakas—tapos uuwing bubungad sa kanya ang naiinis na mukha ni Lavigne.
Cyra looked at the checklist she was holding and said to herself, “Bigas, check. Manok, check. Saging, check. Hmm, saan nga ba banda ‘yung paborito ni Vin na lansones?”
Medyo umiinit na rin dahil sa tirik ng araw at mabuti na lang ay may suot na sumbrero si Cyra. Hindi na siya nag-abala pang magdala ng payong dahil mas mahihirapan lang siya magbitbit ng mga bilihin.
Halos kilala na rin siya ng mga tindera dahil mahilig siyang makipagkwentuhan at minsan kapag may natitira pa siyang oras, tumutulong siya saglit. Karamihan din kasi ay matatanda na and she has a soft spot for the elderly.
“Magandang umaga po, Aling Pilar.” bati niya at nagmano.
“Uy! Si ganda pala ‘to eh. Magandang umaga rin sa iyo, hija.” Medyo nahiya pa siya sa compliment ng nakatatanda sa kanya at tumawa lamang siya nang bahagya.
“Ano po.. lansones po sana.” she said.
“Para sa jowa mo ba? ‘Yung kasama mo nakaraan na maganda?” mas lalong nahiya si Cyra.
She waves her hand to brush off the rumor. “Hindi po ah. Kaibigan ko lang po ‘yun. Never po magiging jowa.” and chuckles shyly.
Pagkakuha niya ng lansones na binili, hinila siya pabalik ni Aling Pilar at nagulat si Cyra sa ginawa nito. Hinarap niya at tinignan ito sa mga mata.
“Let go of what you can’t control, hija.” binitiwan siya nito saka tumalikod at naglakad palayo.
Naiwang tulala si Cyra. She was confused about what Aling Pilar had said. “Anong ibig sabihin no’n?”
Nagpasyang umuwi na si Cyra. Nakangiting binuksan niya ang pinto ng kanilang bahay pero nakita niyang tulog pa rin si Lavigne. Sa isip niya, baka masyado lang napagod sa paglilinis kahapon and that she’s just getting a good rest.
———
“Leona, ‘nak! Leona!”
“Nay?”
“Bili mo muna ako ng bigas sa tindahan, anak. Para makapagsaing na si nanay.”
Kinuha ni Leona ang barya na iniabot sa kanya ng kanyang ina. Nag-iisang anak lang siya, at maswerteng masunurin at mabait na bata si Leona kaya nama’y pinagmamalaki siya ng kanyang magulang sa mga kumare at kumpare nila.
Mahilig siyang makipaglaro sa kalsada kahit pa mas nakababata ang mga kasama niya. Gusto niya rin kasing maranasan nila ang pagiging masaya sa pagkabata. Siya rin ang nagtuturo ng iba’t ibang larong pinoy.
Mahilig rin siyang makipagkwentuhan sa mga nakatatanda. Kahit na hindi niya maintindihan ang ibang sinasabi ay pinipilit niya pa ring intindihin ito para kahit papaano ay maramdaman niya ang saya sa bawat kwento ng mga nakakasalamuha niya.
Ito si Leona—napakakwela.
“Aling Belen!” Sigaw ni Leona habang tumatakbo papalapit sa tindahan ni Aling Belen.
“Oh, anak. Bakit tumatakbo ka na naman? Baka magkasakit ka niyan sa pawis.” Nag-aalalang sabi sa kanya ni Aling Belen. Nagmano sa kanya si Leona bago magsalita ulit.
“Mga dalawang kilo nga ho ng bigas, Aling Belen. Samahan mo na po ng isang Lala.” nakangiting sabi ni Leona. Hindi rin naman siya pinagbabawalan sa pagbili ng kung anong gusto niyang bilhin dahil alam rin naman niya kung paano magtipid.
“Oh heto, libre ko na sa’yo ang isa pang Lala, anak. Pakabait ka palagi ha.” sabi ni Aling Belen habang inaabot ang nakalagay sa plastik na dalawang kilong bigas at ang dalawang Lala sa isa pang kamay ni Leona.
“Hala, maraming salamat po!”
Nagmamadaling tumakbo pabalik si Leona pero nag-iingat pa rin siya para hindi mabutas ang plastik na bitbit niya. Itinago niya rin ang dalawang Lala sa kanyang bulsa para mabigyan rin ang mga batang kalaro niya sa kalsada bago siya utusan kanina.
“Ay pasensya na po!” Mabuti na lang at hindi nahulog ang bitbit niyang bigas dahil isang bagsak lang nito ay mapupunit na ito agad. Samantala, nakabunggo pa rin siya sa kamamadali niyang umuwi.
“Pasensya na po talaga, hindi ko po sinasadya.” Paulit-ulit niyang pagbanggit habang tinutulungan sa pagpulot ng mga lansones ang babaeng napaupo pa sa sobrang lakas ng pagkabangga nila.
“Ayos lang po ba kayo? Tulungan ko na po kayong tumayo.” Hinawakan niya ito sa kamay pagkatapos nilang magpulot ng mga lansones.
“Ayos lang, pasensya na rin. Hindi kasi ako tumitingin sa dinadaanan ko.” Sagot ng babae.
Nabighani si Leona sa ganda ng babae. Kung ibang tao siguro siya, aakalain niyang isang sikat na artista itong nasa harapan niya ngayon. Napaka-amo ng mukha, mahaba ang buhok, matangkad, at napakahinhin rin ng boses. Ngayon lang siya nakita ni Leona sa barangay nila.
“Uhh, p’wede po ba kayo matanong?” Lakas loob na sabi ni Leona.
“Ano po?”
“Taga-rito po ba kayo?”
“Ah, oo. Minsan lang rin kasi ako lumabas. Hindi kasi ako pinapayagan ng—”
“Ada! Tarantadong bata ka, nasa labas ka na naman!”
“Ah.. mauna na ‘ko ha? Pasensya na rin talaga!” Sabi ng babaeng nagngangalang Ada bago tumakbo palayo. Mas lalong nabato si Leona sa kinatatayuan niya dahil nabigla rin siya sa sigaw ng isang matandang lalaki.
“Grabe naman magsalita si manong..”
Hindi na ito pinansin ni Leona at tumakbo muli pauwi dahil hinihintay na ng kanyang ina ang pinabili.
“Nay! Medyo napatagal po, pasensya na.” Hinihingal na sabi ni Leona sa kanyang ina saka inabot ang biniling bigas.
“Nainitan ka ba, ‘nak? Pawis na pawis ka.”
“Tumakbo po kasi ako, nay. Pero ayos lang po.”
Nagpahangin muna saglit si Leona sa lilim nila sa labas ng bahay habang pinapanood ang ilang mga batang naglalaro rin sa gilid ng kalsada. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin makalimutan ang mukha ng nakasalubong niya kanina na pakiramdam niya ay parang kailangan niyang hanapin hanggang sa makausap niya ito nang maayos at hindi ‘yung nagmamadali sila.
“Taga-rito siya pero bakit minsan lang siya lumabas? Ang saya kaya sa kalsada.” Bulong ni Leona sa sarili niya.
Maya-maya lang ay may kumalabit sa kanya. Isang batang lalaki na nakangiti sa kanya at may inaabot na goma. “Ate, laro tayo. Kulang kami ng kalaro po eh.” Nginitian pabalik ni Leona ang bata at tumayo para makipaglaro.
———
“Hoy, bata! Ang ingay niyo, umuwi na kayo!” Sigaw ng isang babae na halos kasing-edad lang rin ni Leona. Nakapusod ang buhok, naka-itim na pantaas at nakamaong na pambaba.
Nagsitakbuhan ang mga bata pauwi. Totoo naman, bukod sa nagsisigawan sila at nagsasaya— gabi na rin. Maraming maagang natutulog kapag ganitong oras. Magdidilim na subalit naglalaro pa rin sila dahil alam nilang ligtas sila kapag kasama nila si Leona.
Lumapit si Leona sa babaeng sumigaw habang nagpupunas ng pawis, “Grabe naman, pagkasungit. Matutulog ka na ba?” Tanong niya.
“Hindi pa. Gusto lang kita makasama. Masyado ka na nilang inaagaw sa’kin, parang wala na akong kaibigan sa mundong ‘to.” Nagtatampong sabi niya at ngumuso pa. Inakbayan siya ni Leona habang tumatawa.
“Tara na pala, Celeste. ‘Wag ka na magtampo. Tara sa bahay. Gutom na rin ako eh. Kumain ka na ba?”
“Sakto, walang tao sa bahay. Wala akong pagkain. Buti na lang may Leona sa buhay ko.”
“Sus, manggagamit.”
Si Celeste, ang matalik na kaibigan ni Leona simula pagkabata. Kung si Leona ay napakahinhin rin kapag nagsalita, kabaligtaran naman si Celeste. Napakatapang, napakalakas ng boses, pero kahit papaano ay mabusilak rin ang kanyang puso katulad ni Leona.
Kahit na awayin niya si Leona noong mga bata pa lamang sila ay tinatawanan lang siya nito at patuloy pa ring dumidikit sa kanya para makipaglaro. Hanggang sa tumanda sila ay hindi na sila naglayo pa sa isa’t-isa. Sa tagal na nilang magkaibigan, pati na rin ang kanilang magulang ay magkakilala na. Kaya naman walang problema kung kumain pa sila sa bahay ng isa dahil tinuturing na rin nilang itong kanilang anak, lalo na ang magulang ni Leona dahil wala siyang kapatid.
Pinaghain na ang magkaibigang nag-aabang sa lamesa.
“Huy! Paborito ko po ito, tita!” Masayang sambit ni Celeste nang makitang sinigang ang ulam. Para sa kanya, walang makakatalo sa sinigang na napakaraming sabaw, lalo na ang kangkong na paborito niya ring gulay.
“Sus, bolera! May bayad ‘yan, ha.” Sabi sa kanya ni Leona habang nagsasandok ng kanin.
Hinayaan muna silang dalawa sa harap ng hapagkainan at nagkwentuhan. Hindi naman strikto ang magulang ni Leona para pagbawalan sila sa pagsasalita habang kumakain, hindi tulad sa bahay nila Celeste, kailangan maubos muna ang pagkain bago magkwentuhan. Paiba-iba rin talaga ang patakaran sa iba’t-ibang bahay at nirerespeto nila ‘yon.
“Ano? Sino nakabangga mo?” Tanong ni Celeste bago humigop ng sabaw.
“Ada yata pangalan niya kasi narinig ko ‘yung lalaki na sumigaw eh. Ada? Ava? Aga? Ay, ewan!” Sagot ni Leona.
“Parang wala pa yata akong narinig na ganyang pangalan ah. Sigurado kang taga-rito daw siya?”
“Oo, hindi lang raw siya lumalabas. Pero, Cel, maniwala ka. Napakaganda niya kamo. Kapag nakita mo siya, ay naku!”
Natawa si Celeste sa reaksiyon ng kaibigan, “Ayos ah, parang nakakita ka ng anghel. Buti hindi siya natakot kasi nakakita siya ng demonyong katulad mo?”
Tinaasan ni Leona ng kilay si Celeste.
“Biro lang, ‘to naman.”
“Iniisip ko nga kung sino ‘yung sumigaw sa kanya eh. Minura kasi siya. Parang.. grabe naman? Kung ako ‘yun, tatakbo rin talaga ako pauwi. Siguro tatay niya ‘yon?”
“Malay ko, hindi ko nga nakita eh. Pero sana hindi siya sinaktan pag-uwi.”
“Naawa nga ‘ko kasi pakiramdam ko napakalakas ng pagkabunggo ko sa kanya. Hindi naman ako natumba, kaso siya naman napaupo. Ang tangkad pa man din niya.” Pagpapaliwanag ni Leona.
“Panay takbo ka kasi.”
“Eh syempre mainit! Tsaka baka hindi pa man nakakauwi eh maging kanin na ‘yung bigas ko.”
“Pinagsasabi mo? Hibang.”
“Ikaw rin, hibang.”
Habang naghuhugas ng pinggan si Leona, lumapit si Celeste sa kanya. “Ano, gusto mo hanapin ko ‘yang magandang babaeng nakita mo?” Tanong niya. Napatigil si Leona sa paghuhugas, “Huy! Parang pinaparating mo naman na gustong gusto ko siya makita.”
“Hindi ba?” Mapang-asar na bulong ni Celeste.
“Syempre, hindi! Bago lang talaga siya sa paningin ko kasi alam mo na, kilala ko halos lahat ng taga-rito. Ikaw ba, hindi?”
“Hindi. Hindi naman ako gala katulad mo. Panay ka gala, mag-ingat ka rin ha.”
“Naks. Bait mo ah.”
“Kapag sa’yo, oo. Mabait ako. Kaya ‘wag mo ‘ko galitin. Kapag gumala ka sa malayo, isama mo ‘ko.”
“Ayoko. Asim mo eh.”
Binatukan lang nang mahina ni Celeste si Leona saka tumawa’t umalis sa tabi niya.
Nakitulog na rin si Celeste sa kwarto ni Leona dahil meron din naman siyang mga gamit na naiwan dito para sa tuwing maisipan niyang biglaang makitulog ay hindi na niya kailangang umuwi pa para manguha lang ng mga gamit.
———
“Bili tayo ng pandesal sa kanto, Cel.” Sabi ni Leona sa kagigising lang na kaibigan. Maagang bumabangon si Leona para makapagwalis sa labas ng kanilang bahay. Samantalang si Celeste naman ay halos tanghaling tapat na palagi bumabangon.
“Sus, kaya mo na ‘yan. Matutulog pa ako.” Hihiga pa sana ulit si Celeste nang hilain lang rin siya patayo ni Leona para makakilos na. Hinila niya ito papasok ng banyo upang makapaghilamos na saka sinarado ang pinto.
Lumabas na ng bahay si Leona at inabangan ang kaibigan. Kahit na hindi siya utusan sa umaga ay mahilig na rin siyang magtambay sa labas para magpahangin. Walang ibang teknolohiya ang makakakuha ng kanilang atensyon.
Nakasuot lang siya ng simpleng pantaas, pati na rin ang sumbrero. Nagdala na rin siya ng isa pa para sa kaibigan niya dahil wala itong dala. Ayaw rin nila magdala ng payong dahil nagtuturuan lang sila kung sinong maghahawak.
Lumabas nang nakabusangot si Celeste.
“Sino umaway sa'yo?” Tanong ni Leona.
“Wala. Nakakainis ka lang, istorbo ka sa tulog ko.” Nakangusong sabi ni Celeste at kinukusot pa ang mga mata.
“Alam mo, kailangan mo maging masipag paminsan. Halina't maglakad tayo para salubungin ang panibagong araw.” Sabi ni Leona at kumapit sa braso ni Celeste, hinila niya ito bago pa tumirik ang araw.
“Benteng pandesal nga po at tatlong pan de coco.” Sabi ni Leona kay Aling Binay, ang tindera.
“Kumakain ka na ng pan de coco?” Tanong ni Celeste kay Leona. Hindi siya mahilig dito pero paborito ito ni Celeste.
“Para sa'yo ‘yan.” Mahinang sagot ni Leona sabay abot ng bayad sa tindera.
“Masarap ‘yan, subukan mo kahit isa lang, hija. Masarap din sumubok ng ibang mga bagay.” Nakangiting sabi sa kanya ni Aling Binay.
Tumango lang si Leona sa kanya at umalis.
May mga nadaanan silang mga batang naglalaro na ng patintero at binabati silang dalawa ni Celeste. May mga matatanda ring nagbabasa ng dyaryo sa labas habang binabantayan ang kanilang mga anak. May mga bisikleta ring dumadaan sa kalsada, sila ‘yung mga papasok na sa trabaho.
Napadaan sila sa masikip na eskinita para mapadali ang pag-uwi nila. Sa hindi naman inaasahan, nakasalubong nila ang babaeng tinutukoy ni Leona na magandang babae, si Ada.
“Ay, kabayo!” Sigaw nito sa pagkagulat.
Nagulat ang magkaibigan sa sigaw ni Ada at natulala rin sila. Unang beses pa lang nakita ni Celeste si Ada pero namangha na rin siya sa kagandahan nito. Napakaputi, mala-anghel nga ang mukha. Samantala, si Leona ay parang nalagutan rin ng hininga.
“M-magandang umaga po.” Nauutal na bati ni Leona. Mukhang hindi siya namukhaan ni Ada kaya yumuko lang siya at nilampasan sila.
Nagkatinginan silang dalawa ni Celeste. “Siya ba?” Tanong ng kaibigan. Tumango rin si Leona.
Hindi niya rin maintindihan ang nararamdaman niya ngayon dahil ito ang unang beses niyang maranasan na tumibok ang kanyang puso nang napakabilis.
“Ang ganda..” Mahinang sambit ni Celeste. Inalog niya bigla si Leona at sumigaw, “Leona, ang ganda niya!”
Pumiglas si Leona, “Oo na, tara na. Ngayon alam mo na itsura, ha? Tigilan mo na ‘ko.”
Nagpanggap lang na walang pake si Leona pero sa kaloob-looban niya ay sumisigaw na rin siya. Iniisip niya kung bakit hindi siya binati nito pabalik at kung bakit hindi siya ngumiti sa kanya. “Hindi ba niya ako naaalala?”
“Hahanapin ko ulit siya para sa'yo. Malakas ka sa'kin eh.” Pahabol pa ni Celeste habang sumusunod sa likod ni Leona.
“Baliw, hindi ko naman sinabing hanapin mo. Ayos na ‘yun na nakita ko siya ulit. Ngayon alam ko ng taga-rito nga siya.” Pagpapaliwanag ni Leona.
Pag-uwi nilang dalawa, kasama nila ang nanay ni Leona sa almusal. Wala ang tatay nito dahil pumasok sa trabaho. Masayang kwentuhan lang tungkol sa nangyayari sa kanilang buhay, lalo na si Celeste na maraming ganap noong mga nakaraang araw.
Paulit-ulit lang ang mga gawain ni Leona kaya wala rin siya masyadong maikwento. Hindi rin niya kayang ikwento ang magandang babae na dalawang beses niyang nakasalubong—dahil sa mundong ito, karamihan ay sarado ang utak kapag sinabing iba ang nararamdaman mo kapag nakakita ka ng isang napakagandang babae, lalo na't kung isa ka ring babae.
Alam naman niyang mabait ang kanyang magulang, ngunit wala namang masama kung ikikimkim niya lang ito sa sarili niya. May konting takot pa rin na nararamdaman si Leona.
Kung may pagsasabihan man siya, si Celeste lang. Siya lang ang buong pusong makakatanggap at makakaintindi sa kanya.
Naiwang mag-isa ulit si Leona. Katulad ng palaging gawi, nakatambay lang rin siya sa labas at nagbabasa ng dyaryo. Mapapakinggan ang mga huni ng ibon, maririnig ang masasayang tawanan ng mga bata, mararamdaman ang malamig na simoy ng hangin, at higit sa lahat—ang kapayapaan na inaasam ni Leona sa araw-araw.
Ngunit kahit ano pa ang gawin niya para gambalain ang sarili niya, hindi talaga maalis sa isipin niya si Ada. Tipong nakatatak na ang mukha nito sa kanya. Kahit anong pikit niya ay nakikita niya ang babae. Ngayon lang nangyari kay Leona ito kahit na marami siyang nakakasalamuha sa kanilang barangay.
“Tigilan mo na ‘to, Leona. Baka hindi mo na siya makita ulit. Nagkataon lang ‘yun.” Sabi niya sa isip niya.
Habang lumalalim na ang gabi, mas lumalamig na ang simoy ng hangin ngunit dumarami na rin ang mga lamok na kumakagat. Nanguha ng kandila si Leona at itinayo ito sa tabi ng kanyang upuan para makatulong sa paglayo ng mga lamok. Ginagawa niya ito tuwing gabi at papatayin ito kapag papasok na siya sa loob. Iniingat-ingatan niya ring hindi ito matumba para iwas sunog.
Nagpapalipas lang ng oras si Leona. Hindi pa rin nakakauwi ang kanyang tatay kaya napag-isipan niyang abangan na rin ito sa pag-uwi.
Napansin niyang may nakatayong babae sa kanto, ‘di kalayuan sa kanilang bahay. Nakaputi at mahaba ang buhok. Nagulat at natakot si Leona pero nang titigan niya ito nang matagal, doon niya napagtanto kung sino ang babaeng ‘yon.
Hinipan niya muna ang kandila bago tumayo saka nilapitan ito. Nakatingin rin sa kanya ang babae, hinihintay siyang makalapit.
“Uhm..”
“Magandang gabi.. Leona.”
Nabigla si Leona nang banggitin ang pangalan niya. “Kilala mo ‘ko?” Tanong niya.
Tumawa nang bahagya ang babae, “Sino bang hindi ka kilala sa barangay na ‘to? Kahit saang sulok ka magpunta, kilala ka nila.”
Napakamot ng ulo si Leona dahil sa hiya. “Talaga ba.. nakakahiya naman..”
“Uhm.. hihingi lang ako ng pasensya dahil sa nangyari.”
“Yung nabunggo ba kita? Bakit ikaw nanghihingi ng pasensya? Ako dapat eh. Nasaktan ka ba?” Nag-aalalang tanong ni Leona at hindi niya napansing hawak na rin niya ang kamay ng nasa harapan niya upang makita kung may sugat ito o wala.
“H-hindi. Sa kanina. Hindi kita nasagot nung binati mo ‘ko kaninang umaga.” Pagpapaliwanag niya.
Napangiti si Leona pero kinagat niya ang labi niya para pigilan ito. Mabuti na lang at madilim na kaya hindi rin napansin ng isa ang kanyang ngiti. “Naalala mo pala talaga ako..” mahinang sambit ni Leona.
“Ano palang pangalan mo? Kung hindi mo mamasamain..”
“Ada.”
Ada, napakaganda.
“Gand—este, ikinagagalak kong makilala ka, binibining Ada.” Ang ganda mo, sobra.
“Ikinagagalak ko rin, Leona.”
Nagpunta ang dalawa sa isang lugar na konti lang ang pinupuntahan ng mga tao, lalo na ng mga nakatatanda. Ang palaruan na tuwing umaga lang maraming bata. Kung saan komportable si Ada, doon sila nagpunta.
Naupo sila sa ilalim ng padulasan. Hindi masyadong maliwanag, hindi rin naman masyadong madilim. Nakikita pa rin nila ang isa't-isa.
“Bakit dito mo gusto magpunta? Marami naman p'wedeng tambayan sa kanto.” Sabi ni Leona.
“Wala lang. Para lang konti ang tao. Ayoko kasi sa maraming tao.”
Tumango lang si Leona at inintindi si Ada. Baka kasi magkaiba lang talaga sila ng kagustuhan. Pero maganda rin naman na tahimik ang lugar, nakakapagbigay rin ng kapayapaan.
“Ngayon lang talaga kita nakita dito. Dito ka talaga pinanganak?” Tanong muli ni Leona.
“Oo. Kulong lang ako sa bahay. Strikto tatay ko eh.” Ahh, kaya pala.
“Mabuti naman at nakakalabas ka na.” Sabi ni Leona sabay tingin kay Ada na nakayuko.
“Wala lang talagang tao sa bahay kaya nakalabas ako ngayon. Bukas pa ng umaga makakauwi ‘yung tatay ko.” Paliwanag niya.
Pinaglalaruan lang ni Ada ang buhangin sa paanan nila at pinapanood lamang siya ni Leona. Kahit isang tanong, isang sagot ang nangyayari ngayon, masaya pa rin silang dalawa na nagkaroon sila ng pagkakataon para magkausap nang maayos.
“Naalala ko pala.. ‘yung unang araw na nagkita tayo..”
“Oo, tatay ko ‘yun. Pasensya na, mabunganga lang talaga.” Sabi ni Ada sabay tawa nang bahagya.
“Ayos lang.. sanay na ako sa gano'n. Marami kasi akong nakakalarong mga bata na matitigas rin ang ulo kapag pinapauwi ng mga magulang.”
“Matigas rin ba ulo ko?” seryosong sabi ni Ada.
“H-ha? Hindi ah. Hindi ikaw. ‘Yung mga bata lang, Ada. Pasensya na..” ngumiti lang si Ada kay Leona. Alam naman niyang hindi siya ang tinutukoy nito.
“Ada, hindi talaga..”
“Leona, nagbibiro lang ako.”
Natahimik sila saglit.
“Hindi kasi ako sanay na nakikisalamuha simula pagkabata kaya hindi ko alam kung paano makipagbiruan..”
Tila para bang nagkaroon ng pag-asa si Leona sa narinig. Parang mas gusto niya lalong makasama si Ada para lang magkaroon siya ng pagkakataon para maging mulat sa mundong ito. Gusto niyang pasiyahin si Ada, gusto niyang makilala nang husto ang babaeng nagpatibok ng puso niya.
“Ako bahala sa'yo, Ada.” Nakangiting sabi sa kanya ni Leona.
———
Pumalakpak nang malakas si Celeste para gulatin ang kaibigan niyang kanina pa natutulala. Umagang-umaga subalit parang nasa malalim na gabi pa rin ang mundo ni Leona. Hindi siya makapaniwalang nakausap at nakasama niya kahit panandalian ang babaeng pinakamagandang nakita niya sa barangay nila.
“Hoy! Napakalalim nga naman niyang iniisip mo, oo!” Sigaw ni Celeste.
Napahawak sa dibdib si Leona sa sobrang gulat, “Ano ka ba naman? Sakit ah.” Sabi niya na tinutukoy ang puso niyang napatalon sa ginawa ni Celeste.
“Masakit, masakit ka jan. Ano iniisip mo?” Umupo si Celeste sa tabi ni Leona at nagpusod ng buhok.
Bumuntong-hininga si Leona. “Magkasama kami kagabi.”
Napatingin si Celeste sa kanya na nakakunot ang noo, “Sino? Gumala ka kagabi? Hindi mo ‘ko sinama?”
“Eh nakita ko lang naman kasi siya sa kanto tapos gusto niya pala ako kausapin.”
“Sino nga?”
“Si Ada.”
Napaisip saglit si Celeste para alalahanin kung sino ‘yung Ada na tinutukoy ng kanyang kaibigan at napanganga habang tumatango. “Ahh, si Ada. ‘Yung magandang babae na tipo mo.”
“Huy!” Biglang tinakpan ni Leona ang bibig ni Celeste. “Baka marinig ka nila nanay, baliw ka talaga!”
Tinanggal ni Celeste ang kamay niya sabay tawa. “Wala sila jan. Nakita ko sila kaninang umaga. Umalis, baka mamamalengke. Sa sobrang tulala mo, hindi mo na napansing wala ka palang kasama sa bahay niyo.”
“Eh kasi naman. Ang ganda niya. Ang kalmado pa ng boses.”
“Kalmado rin naman boses ko ah?” Pakunwaring nagtatampong sabi ni Celeste.
“Kalmado ka jan? Pang-kargador ‘yang boses mo, Cel.”
“Bastos ka ah.”
Hindi naalala ni Leona na tanungin si Ada kung saan ito nakatira para mapuntahan niya kung sakaling yayayain niya lumabas at magtambay sa kung saan. Hindi niya rin alam kung pupuntahan ulit siya nito kahit na sa kanto lang ng kanilang bahay. Kaya naman hindi rin siya mapakali kakaisip kung kailan ulit sila magkikita nito.
Bumalik siya sa pakikipaglaro sa mga bata ng tumbang preso. Bukod sa gusto niya pasiyahin ang mga bata, gusto niya ring mawala sa isipan niya ang mga katanungan na hindi niya masagot. Hinila niya na rin ang kaibigang si Celeste para makipaglaro sa kanila at para hindi siya asarin nito.
“Ate Leona, nakita ko po kayo kagabi na dumaan sa harap ng bahay ah?” Sabi ng isang batang babae na kalaro nila.
“H-ha? Hala hindi ako ‘yun. Mumu ‘yun, bata.” Pang-asar ni Leona at tumawa. Napailing na lang rin si Celeste.
“Hindi ehh. Ikaw ‘yun, ate. May kasama pa nga kayong babae kahapon, ang puti niya pa nga.”
“Halaaaa. May nakikita ka na ring puting babae. Ayan kasi panay ka gala sa gabi kaya sinusundan ka na.” Biglang siniko ni Celeste si Leona para matigil sa pang-aasar.
“Baka umiyak, tumigil ka na.” Bulong nito sa kanya.
Pagkatapos ng halos dalawang oras na paglalaro kasama ang mga bata, naisipan na magpahinga ng dalawang magkaibigan. Subalit hindi pa rin nawawala sa isip ni Celeste ang sinabi ng bata kay Leona.
“Saan kayo napadpad?” Tanong niya.
“Sa palaruan. Wala daw kasi masyadong tao doon kapag gabi. Pakiramdam ko nga palagi siya nandoon kasi alam na alam niya eh.” Paliwanag ni Leona.
“Baka nga. Ano pinag-usapan niyo?”
“Wala masyado. Magkasama kami pero tahimik lang kami. Humingi lang naman siya talaga ng pasensya na hindi niya tayo binati nung umagang nakasalubong natin siya sa eskinita.”
“Ahh.”
Hindi na nangulit ulit ng tanong si Celeste dahil alam rin niyang wala ring maikukwento si Leona. Kilala niya ito, magkukusa siyang magsabi kung meron siyang ikukwento at kung wala ay tatahimik lang ito katulad ngayon.
“Anak, nandito na kami.” Rinig nilang sabi ng tatay ni Leona.
Tumayo agad si Leona para salubungin ang magulang, “Nay, tay! Tulungan ko na po kayo.”
Tumulong na rin si Celeste pagkatapos magmano sa dalawa at pumasok sa loob ng bahay. Marami silang binili. Isang sakong bigas, saging, biko pang meryenda, at marami pang iba. May mga damit rin silang binili para magamit ng tatay sa kanyang trabaho.
Nang makita ni Leona ang binili nilang lansones, bigla rin niyang naalala ang unang araw nilang nagkita ni Ada dahil ito ang bitbit nito noong magkabungguan sila. Napangiti na lang siya bigla pero hindi naman siya napansin ng mga kasama niya.
“Mga anak, gusto niyo ba ng pritong isda?” Tanong ng nanay ni Leona sa dalawa.
“Ako po, tita, kahit ano basta po luto niyo.” Nakangiting sagot ni Celeste.
“Mambobola ka na pala.” Bulong ni Leona sa kanya.
Tumingin naman sa kanya ang nanay, “Ikaw, ‘nak? Gusto mo rin ba?”
“Opo, nay!” Hindi mapili sa pagkain ang dalawa. Kung ano ang ihain sa mesa ay ito rin ang kakainin nila. Kumakain rin sila ng gulay, kahit na ampalaya. Basta may makakain, masayang masaya na sila doon. Ika nga nila ‘pag busog, malusog.
Habang kumakain ay naisipang magtanong ng magulang ni Leona sa kanilang dalawa.
“Kamusta naman kayo?” Tanong ng tatay.
“Ayos naman po, tay. Bakit niyo po naitanong?” Sagot ni Leona bago sumubo.
“Gusto ko lang malaman kung ayos pa ba kayo o hindi kasi palagi akong nasa trabaho.”
“Palagi lang naman nasa labasan ‘yang mga anak mo. Hayaan mo sila magsaya tutal bakasyon naman.” Sabi ng nanay sa asawa. Napangiti na lang rin sina Leona at Celeste. Tuwing bakasyon lang rin talaga sila nagkakaroon ng kalayaan dahil kapag pasukan ay talagang tutok rin sila sa pag-aaral.
“May mga napupusuan na ba kayo?” Muling tanong ng tatay. Muntik pa mabulunan si Leona sa narinig dahil kakasubo niya pa lang ng kanin. Inabutan siya ni Celeste ng isang basong tubig.
“Wala po, tito. Wala po kaming oras para doon. Hindi ba, Leona?” Sagot ni Celeste sabay tingin sa kaibigan. Tumango lang si Leona at hindi nakapagsalita. Paano nga ba niya ipapaliwanag sa magulang na meron siyang napupusuan ngunit kapwa babae rin niya?
“Wala namang masama kung may magustuhan kayo, mga anak. Basta huwag lang pabayaan ang pag-aaral, ha? Lalo ka na Leona. Kahit sino pa ‘yan, tatanggapin namin ‘yan ng iyong tatay.” Sabi ng kanyang nanay.
Sana nga po tanggapin niyo.
Bumalik silang dalawa sa labas pagkatapos kumain. Nagsipasok na rin ang mga bata sa kani-kanilang tahanan para sa tanghalian pero maya-maya lang rin ay magsisilabasan na sila. Mahirap lang pakainin ang mga bata kaya tumatagal sila sa loob pero kapag nakita nilang nasa labas na rin ang mga kalaro nila ay doon sila nagmamadaling kumain.
“Sasabihin mo ba?” Tanong ni Celeste. Alam ni Leona kung anong tinutukoy nito sa tanong niya.
“Hindi muna siguro. Tsaka gusto ko lang naman siya, hindi na hihigpit pa doon.” Sagot ni Leona.
“Sigurado ka? Ngayon ka lang nagkaroon ng taong napupusuan kaya alam kong hindi mo pa alam ang pagkakaiba niyan.”
“Bakit, nagkaroon ka na ba?” Tanong pabalik ni Leona sa kaibigan. Hindi sumagot si Celeste kaya mas lalong nagtaka si Leona.
“Akala ko ba magkaibigan tayo? Bakit hindi ko alam?”
“Wala! Saglitan lang naman ‘yun, hindi ako nagtagal sa kanya. Masama ugali. Hayop na ‘yan.”
Nagtawanan lang silang dalawa. Alam ni Leona sa sarili niya na hanggang doon lang ang nararamdaman niya kay Ada dahil hindi pa naman sila nagkakasama nang matagal. Alam niyang paghanga lang dahil sa kagandahan nito at bagong mukha siya para kay Leona.
Lumabas na ang mga bata na inaabangan rin ng magkaibigan. Si Celeste na mismo ang gumawa ng linya para sa lalaruin nilang patintero. Ito ang paborito nilang laro dahil palagi silang nananalo pero para lang patas ang laban, magkaibang grupo sila ni Celeste. Paminsan ay nagpapanggap pa silang natataya para lang sa kasiyahan ng mga bata.
Bago sila magsimula ay ginagawa nila ang maiba, taya.
“Leona. Pst, Leona.” Tawag ni Celeste sa kaibigan. Tumingin si Leona sa kanya pero sa ibang direksyon nakatingin si Celeste. Sinundan niya kung saan siya nakatingin. Doon niya nakita na pinapanood sila ni Ada. Nasa kanto, at hindi lumalapit. Nakasimpleng pusod lang rin ng buhok at may suot na salamin. May hawak rin siyang isang pirasong chichirya.
Lumawak ang ngiti ni Leona at tumakbo papalapit sa kanya.
“Ada! Naparito ka?”
“Ahh, nasa ibang lugar kasi nakadestino ‘yung tatay ko kaya mag-isa lang ako sa bahay..”
“Sali ka sa’min? Maglalaro kami ng patintero, kasama rin yung kaibigan ko, si Celeste.”
Nagdalawang-isip pa si Ada bago sumagot, “Hindi kasi ako marunong maglaro ng patintero, Leona..” mahinang sambit nito.
Nagtaka si Leona dahil uso ang larong patintero sa barangay nila at mukhang si Ada lang ang kilala niyang hindi marunong kung paano laruin ito. Pero gayunpaman, hindi niya ito hinusgahan.
Hinila niya pa rin si Ada nang walang alinlangan. Nagulat si Ada pero sumama pa rin siya, siguro dahil kilala siya ng karamihan dito ay nagkaroon na rin siya ng tiwala dahil sa kwento na naririnig niya sa iba.
“Mga bata! Pakilala ko sa inyo ang bago nating kalaro!” Sigaw ni Leona at nagsilapitan ang mga bata, pati na rin si Celeste na nakangiti sa kanilang dalawa.
“Si Ada, kaibigan ko.”
Kakaiba ang naramdaman ni Ada nang ipakilala siya ni Leona bilang isang kaibigan dahil ni isa ay wala siyang naging kaibigan. Taong bahay siya, at kung lalabas man siya ay ‘yun ay dahil inutusan siyang bumili. Kailangan niyang umuwi agad dahil kung hindi ay mapapagalitan siya ng kanyang tatay.
Lumaki siyang pasulyap-sulyap lang sa mga batang naglalaro sa labas. Lumaki siyang sarili niya lang ang kalaro niya. Nagkaroon pa ng pagkakataon na sinubukan niyang makisabay sa laro ng mga bata pero nasa loob siya ng kanilang bahay at nagpapanggap na kalaro niya rin ang mga ito.
Pinalaki siya mag-isa ng kanyang tatay. Tatlong edad pa lang siya noong iniwan na sila ng kanyang nanay dahil sa ugali nito. Walang magawa si Ada kundi sumunod lang sa sinasabi ng kanyang tatay. Kinakailangan niya ring mag-aral nang mabuti at sinisiguradong walang bagsak na grado.
Hindi naging masaya ang pagkabata ni Ada.
“Magandang hapon po, ate Ada!” Sabay-sabay na bati ng mga bata saka nagsilapit pa lalo sa kanya. Ang iba ay humawak pa sa kanyang kamay at ang iba naman ay niyakap siya.
“Ate, ang ganda niyo po!”
“Ate, bakit po sobrang puti niyo? Galing po kayo sa ibang bansa?”
“Ate, ako po si Jona!”
Matagal na inaasam ni Ada ang ganitong pangyayari. Hindi man niya naipakilala ang sarili niya sa mga dapat nakalaro niya noon, ay nagkaroon pa rin siya ng pagkakataon na ipakilala ang sarili niya ngayon kahit na mas matanda pa siya sa makakalaro niya. Mabuti na lang at kasama niya rin sina Leona at Celeste na halos kasing edad niya lang rin.
Hinawakan ni Leona ang balikat ni Ada saka nagsalitang muli, “Turuan kita kung paano maglaro ng patintero ha?” Tumango si Ada.
Pumwesto ang mga bata sa mga linyang ginawa ni Celeste.
“Heto, kailangan natin sila iwasan. Kailangan hindi tayo magpapataya sa kanila. Kapag nakarating na tayo sa dulo, dapat makabalik rin tayo dito. Ayos ba ‘yon?” Tumango ulit si Ada.
Naghanda na sila sa pakikipaglaro. Hindi inaasahan ni Ada na magiging magaling siya sa patintero. Puro saya lang ang naranasan niya. Sa wakas, nakaramdam na siya ng totoong pagkabata. Sa tuwing tinitignan niya si Leona, nakangiti rin ito pabalik sa kanya na tila parang ipinagmamalaki niya si Ada.
Sa pagkapanalo ng grupo nila ni Leona, hindi niya naiwasang magtatalon sa tuwa at napayakap pa siya kay Leona. Nangiti lang si Celeste na parang nang-aasar sa kaibigan niyang si Leona dahil niyakap niya rin ito pabalik.
“Ate, ang galing niyo maglaro!”
“Ate, sa susunod po sali ulit kayo!”
“Ate, ang bilis niyo po tumakbo!”
Ilan lang ‘yan sa mga pagpupuri na sinasabi ng mga bata kay Ada.
“Osiya, magsiuwi na kayo’t amoy araw na kayong lahat.” Sabi sa kanila ni Celeste. Naiwan silang tatlo at nagtambay muna sila sa harap ng bahay ni Leona para makapagpahinga at makapagpahangin saglit.
Inabutan sila ng malamig na tubig ni Leona.
“Salamat..” Nakangiting sabi ni Ada.
“Buti naman at nagkaroon ng pagkakataon para makasama ka namin.” Sabi ni Celeste sa kanya saka uminom ng tubig.
Binigyan siya ng nahihiyang ngiti ni Ada, “Kaya nga eh. Ang saya pala maglaro?”
“Sana hindi mo masamain pero.. hindi ka ba nakakapaglaro noong bata ka pa?” Tanong ni Leona na nasa kabilang gilid niya.
“Hindi eh.. hindi ako pinapayagan lumabas ng tatay ko.”
“Kaya pala maputi ka.. ako kasi sunog na, lalo na ‘yan si Celeste.”
Tinaasan ng kilay ni Celeste si Leona. Natawa naman nang bahagya si Ada sa asaran ng magkaibigan. Hindi lang isa ang naging kaibigan niya ngayon, kundi dalawa. Kaya naman hindi na halos mawala ang ngiti ni Ada sa kanyang labi.
Makalipas ang ilang tawanan at kwentuhan ay tumayo na si Leona.
“Gusto niyo na maghapunan? Sakto, nagluluto si nanay sa loob. Kain tayo!” Aya niya sa dalawang kaibigan.
Tumayo rin si Ada at nagpagpag ng damit, “Hindi na, Leona. Kailangan ko na rin umuwi. Lumalalim na kasi ang gabi eh..”
“Kain ka muna bago umuwi, Ada.” Aya rin ni Celeste pero tumanggi pa rin si Ada.
“Hindi na talaga. Uuwi na ako. Babalik na lang siguro ako bukas ulit.. kung p’wede?”
Inakbayan ni Leona si Ada, “Syempre naman! Hintayin ka namin ulit bukas. Aabangan ka rin namin sa mga susunod na araw, Ada.” Nakangiting sabi niya.
Gustong umiyak ni Ada sa tuwa dahil ngayon lang siya nakaranas na may mga taong gusto siyang makasama ulit at hindi magsasawang makipag-usap at laro sa kanya. Pinigilan niya ang luha na pumatak at kinagat ang labi. Tumango lang siya kina Leona at nagpaalam.
“Salamat talaga ha.. sobrang saya ko. Masaya akong nakilala ko kayo, Leona at Celeste.”
“Wala ‘yun, ano ka ba! Simula ngayon, tatlo na tayong magkakaibigan dito.” Huling sabi ni Leona sa kanya bago siya umuwi.
———
“Sarap ng tulog mo ah.” Cyra said while looking at Lavigne who just woke up.
“Huy, syempre it's for my peace of mind.” Lavigne replied.
“Peace of mind ka jan, panay tulog ka. Kumilos ka rin.”
“Excuse me? Mas productive pa ako kesa sa'yo na panay pindot pindot sa phone mo.”
She sat beside Cyra and took a piece of bread for lunch. Hindi malakas kumain si Lavigne pero pagdating sa lansones, matakaw siya. Kaya palagi siyang binibilhan ni Cyra nito.
“Paano mo pala nalaman na favorite ko ‘to?” Lavigne asked, referring to the lansones fruit in front of them.
“Wala lang. Eh nung first time ko binili ‘yan, naparami agad kain mo. Ano tingin mong iisipin ko? Hindi ka nasasarapan?”
“Sus. Crush mo siguro ako. Feeling ko may diary ako na nabasa mo tapos hindi ko lang maalala.”
“Wag kang feeling, Vin.”
Lavigne leaned on to Cyra's shoulder while watching her scrolling through her phone. Mas gugustuhin niya pang tumingin sa phone ng ibang tao kesa sa sarili niyang gamit. Hindi naman sa tinatamad siyang gumamit nito, ayaw niya lang talaga makakita ng toxic issues.
“So.. what do you think of past life regression?” Lavigne asked.
“Natanong mo na ‘yan ah? Ulit na naman?”
“Eh kasi you never answered me in a nice way. Inaaway mo ‘ko.” Lavigne said while pouting.
Cyra just gave a firm answer, “Ah, basta! Don't do anything that might traumatize you emotionally and physically.”
“What if you join me na lang sa meditation ko later night?”
“I’ll pass.”
Lavigne can’t tell her best friend that she tried it already. Ayaw niyang magalit si Cyra sa kanya but still did it anyway. Curiosity kills, sabi kasi nila. Kaya ang matigas na ulo ni Lavigne, nanalo na.
She went back on her routine. Yoga, reading books, meditation, and even drawing. Pero kahit anong gawin niya, hindi mawala ang babaeng nagngangalang Ada sa isipan niya. “Ada… hmm..”
She might not clearly remember the faces in her past life regression, but she surely knows that Ada is very important to her. Mas lalong lumala ang pagiging curious ni Lavigne. Hindi niya lang pinapahalata kay Cyra na marami siyang iniisip pero ang totoo, binabalik-balikan niya ang mga pangyayaring natatandaan niya pa.
After a few hours, Cyra went out of the bedroom. Lavigne suddenly asks, “Hindi ka talaga curious?”
Cyra looks at her, “Saan?”
“Kung ano ka dati?”
“Never. Ayoko na balikan ang mga nakaraan, You know me, Lavigne.”
“Sayang, curious pa man din ako kung ano ka dati. Baka mamaya ikaw na pala ‘yung aso ko.”
“Kapal mo naman, Vin.”
———
Gumising nang maaga si Ada para makapaglinis ng bahay at makaligo nang maaga. Kahit na may balak siyang makipaglaro sa mga bata, tulad kahapon, ay gusto niya pa ring magmukhang presentable sa harap nina Leona at Celeste.
Nagluto na rin ng ulam at kanin si Ada para may makain siya mamayang gabi pag-uwi galing sa pakikipaghalubilo. Nakapaglaba na rin siya at nakapagtupi na ng mga damit kasama na ang sa kanyang tatay.
Makalipas ang tanghalian ay saka siya nagsimulang maglakad papunta sa bahay ni Leona. May mga bata na nag-aabang sa labas dahil ang iba ay hindi pa tapos magpahinga pagkatapos kumain.
Tulad ng gawain, nagtambay lang siya sa kanto para hintayin ang dalawa. Umupo na rin muna siya dito. Nagsuot na rin ng sumbrero kasi alam niyang mabababad na naman sila sa arawan kasama ang mga bata.
Nang makitang lumabas na ang dalawa sa bahay ay tumayo siya at tumakbo palapit sa kanila. Sinalubong naman siya ni Leona ng isang mahigpit na yakap na ikinagulat rin ni Ada. Si Celeste ay nginitian at tinanguan lang siya.
“Aga mo ah! Abang na abang ka ‘no?” Sabi ni Leona.
Tumawa nang bahagya si Ada. “Oo, gusto ko na rin maglaro kasama kayo eh.”
Panibagong araw, panibagong laro rin ang gagawin nila. Naisipan ni Leona na bahay-bahayan ang laruin nila dahil ayaw niyang mapagod si Ada—kasama na rin sina Celeste at ang mga bata.
Kaya naman naglabas siya ng malaking karton at binutasan upang maging bahay kahit maliit lang. Bahay-bahayan ang gustong iparanas ni Leona kay Ada. Gusto niyang iparanas ang saya na buo ang pamilya.
“Ikaw Cel, ikaw ang magiging kumare ko. Tapos ‘yang si Jojo ang anak mo. ‘Yung iba mga kaklase na ni Jojo at kaibigan, ha?” Hinahati na ni Leona ang mga maglalaro at sinasabi kung ano ang magiging papel nito.
“Tapos ako ‘yung nanay. Si Lelen ang magiging anak ko kasi parehas kaming nagsisimula ang pangalan sa letrang L.”
Biglang sumingit si Aldrin, “Eh si ate Ada po?”
Napatingin si Leona kay Ada at nag-isip. Tahimik na nag-aabang lang si Ada kung anong papel niya sa laro nila.
“Siya na lang ‘yung asawa mo, Leona.” Suhestiyon ni Celeste. Nanlaki bigla ang mata ni Leona sa kanya.
“Eh hindi ko naman sinasabing lalaki si Ada. Hindi ko sinasabing mukha ka ring lalaki, ha?” Paliwanag ni Celeste kay Ada at tumingin ulit kay Leona, “May suot lang kasi siyang sumbrero kaya siguro p'wede na siya magpanggap na asawa mo. ‘Di ba mga bata? P'wede naman, hindi ba?”
“Opo, p'wede naman!” Sabay-sabay na sabi ng mga bata.
“O-oo nga, Leona. Payag naman ako dun..” Sabi ni Ada. Ngumiti lang si Leona at tumango na lang rin.
“Kita mo! Kumpleto na ang pamilya. Tara laro na tayo!” Sigaw ni Celeste at naghanap rin ng karton para sa magiging bahay nila.
Nagpanggap na nagluluto si Leona sa gilid ng bahay habang ang anak-anakang si Lelen naman ay nakaupo sa kalsada, naghihintay ng ihahain na kunwaring niluluto ni Leona.
Sa kabilang dako naman ay si Celeste na kunwaring pinapaliguan si Jojo, habang ang ibang mga bata ay nasa gilid na tila inaabangan si Jojo para makalaro nila.
Si Ada naman ay nagpapanggap ring nakaupo sa sala at nagbabasa ng dyaryo.
Lumapit si Leona kay Lelen na may hawak na karton at nakakorteng bilog bilang plato nila.
“Mahal, kain na.” Tawag nito kay Ada bilang asawa niya.
Natigilan si Ada at napatingin bigla kay Leona. “M-mahal?”
“Oo, mahal. ‘Yun itatawag ko sa'yo kasi mag-asawa tayo. ‘Di ba, anak?” Sabay tingin kay Lelen.
Nangingisi lang si Celeste sa dalawa at iniiwasang mang-asar para hindi magka-ilangan.
“Ah.. oo.. mahal.. Sige, mahal. Kakain na rin ako.” Muling sagot ni Ada sa pagpapatuloy ng laro.
Pagkatapos ng kainan ay nagpaalam si Ada kay Leona upang magtrabaho bilang padre de pamilya. “Mahal, aalis muna ako. Anak, pakabait ka, ha?”
Kunwaring lalabas na sana si Ada nang hilain ni Lelen. “Tay! Hindi po ba kapag mag-asawa dapat hinahalikan sa labi o kaya sa pisngi bago mamaalam?”
Halos mabulunan si Celeste sa pagpipigil ng tawa. Ang dalawa naman ay nagkatinginan, hindi nila alam kung gagawin nila o hindi. Mas lalong tumibok ang puso ni Leona nang marinig ‘yon dahil matindi ang paghanga niya kay Ada.
Bilang nakikisakay lang rin si Ada sa laro, lumapit siya kay Leona at bumulong. “Ayos lang ba sa'yo o tatalikod na lang ako para hindi halatang hindi dumikit?”
Biglang uminit ang tenga ni Leona. Mas lalo siyang nabato sa kinatatayuan niya at napalunok sa paalam ni Ada. “Uh.. s-sige ayos lang. Laro lang naman..”
Humalik si Ada sa pisngi ni Leona at humalik rin sa ulo ni Lelen. Hindi man sila kumpleto sa kanilang bahay, alam pa rin niyang ganito ang gawain ng buo at nagmamahalang pamilya.
Lumakas rin ang tibok ng puso ni Ada at parehas na sila ngayong namumula ang mga pisngi.
Hindi na napigilan ni Celeste na tumawa nang malakas pero nakipaglaro siya kunwari sa mga bata para hindi siya mahalata pero kinikilig na rin talaga siya para sa kaibigan niya.
Nagpatuloy lang sila sa paglalaro hanggang sa lumalim ang gabi. Tulad ng palaging gawain, nagtambay ulit ang tatlo sa harap ng bahay ni Leona pagkatapos nila maglaro.
Tahimik lang sila at walang kumikibo. Hanggang ngayon ay walang naglalakas loob na pag-usapan ang mga kaganapan sa kanilang ginawa kanina. Nagkakahiyaan, maliban kay Celeste.
“Uy, uwi na pala ako. Maaga pala ako pinapauwi ni nanay ngayon.” Paalam ni Celeste. Pero ang totoo, gusto niya lang maiwan ang dalawa para makapag-usap.
Mas lalong tumahimik. Tunog ng mga kriket lang ang maririnig at mga ilang tao na naglalakad sa gabi.
“Uhmm..”
“Uwi ka na?” Tanong ni Leona.
“Ha? Hindi. Ano..”
“Kung iniisip mo ‘yung kanina, wala ‘yun. Ayos lang sa'kin, Ada.” Tumingin siya kay Ada at ngumiti.
Nakahinga naman nang maluwag si Ada dahil kanina pa siya nag-iisip kung galit sa kanya si Leona dahil sa ginawa niya.
“Ngayon lang kasi may humalik sa'kin sa pisngi kaya medyo nanibago ako. Pero ayos lang.”
“Ngayon lang rin ako humalik sa pisngi ng ibang tao..”
Nagkatinginan sila sa mata at biglang tumawa.
Mas naging malapit sila sa isa't-isa pagkatapos ng gabing iyon. Nagkaroon sila ng oras para mas lumalim ang usapan tungkol sa mga buhay nila. Si Leona, mukhang mas lumalim rin ang nararamdaman dahil mas nakilala niya pa si Ada.
Ilang araw sila naging ganito. Iniiwanan na rin sila ni Celeste sa tuwing nagsisiuwian na rin ang mga bata para magkaroon ng oras ang dalawa.
———
Lumabas si Ada para makabili ng pandesal dahil wala pa siyang oras para makapamalengke. Ang balak niya ay sa susunod na araw pa siya pupunta doon at uubusin muna ang mga natitira.
“Ada!” Nagulat siya sa tumawag sa kanya.
“Oh? Leona! Naparito ka?”
Inabangan siya ni Leona sa gilid ng kanilang bahay at itinaas ang bitbit na plastik na may pandesal.
“Almusal?” Nakangiting aya ni Leona sa kanya.
Pinapapasok siya ni Ada sa kanilang bahay ngunit mas piniling umupo ni Leona sa labas para may kaunting hangin kaya sinamahan na lang rin siya ni Ada at tumabi sa kanya.
“Salamat ah. Nag-abala ka pa.” Sabi ni Ada bago kumuha ng pandesal.
“Wala ‘yun. Gusto lang kita makasama.”
“Ako rin, gusto kita kasama.” Sagot ni Ada at ngumiti sa kanya.
“Ganda mo naman. Kainis.” Pang-asar pa ni Leona.
“Sus, hangang-hanga ka na naman sa'kin niyan? Baka magkagusto ako sa'yo ha.” Sagot pabalik ni Ada.
“Sige lang, sasaluhin kita.”
Naging normal na sa kanila ang ganitong usapan at hindi rin sila nagkaka-ilangan. Hindi man sigurado si Leona kung gusto rin siya ni Ada, pero alam niya sa sarili niyang hindi nagbabago ang nararamdaman niya para sa kanya.
Nagbiro pa si Ada na susubuan niya ng tinapay si Leona at syempre, kumakagat naman ang isa. Kilitian, tawanan, mga galawang puro dikitan.
Hinawakan ni Ada ang kamay ni Leona, “Alam mo kamo, may sa—”
“Tarantado kang bata ka! Anong ginagawa mo dito sa labas?!”
Nataranta si Ada at napabitaw nang mabilis sa kamay ni Leona. Hindi niya inaasahang uuwi na agad ang kanyang tatay dahil ang pagkakaalam niya, dalawang linggo itong mawawala.
Pati si Leona ay nagulat sa nangyari at napatingin na lang rin kay Ada na ngayon ay punong-puno ng takot ang mga mata.
Tumayo silang dalawa at nabitawan rin ni Ada ang pandesal.
“T-tay.. nandito na po pala—”
“Pumasok ka!” Lumapit ito sa kanya at hinila siya sa braso na may halong kurot. Halatang nasasaktan si Ada sa ginagawa ng tatay niya pero hindi siya makapagsalita dahil na rin sa hiya niyang nandito pa si Leona.
“Ada..” Mahinang sambit ni Leona at nilingon siya ng tatay ni Ada.
“Ikaw? Sino ka?! ‘Wag na ‘wag kang lalapit sa anak ko ha! Umuwi ka na!”
Hindi na nakasagot pang muli si Leona. Naiwan siyang nakatayo lamang sa labas ng bahay. Maririnig ang sigaw ng tatay mula sa loob ngunit hindi niya marinig si Ada. Walang magawa kahit na nag-aalala na siya.
Nagpasya na lang siyang umuwi subalit hindi pa rin mawala sa isip niya kung ayos lang ang kalagayan ni Ada.
Kasama niya ngayon si Celeste na nakikipaglaro sa mga bata habang siya ay tahimik na nakaupo lamang sa gilid. Sinubukan siyang tanungin ni Celeste ngunit hindi niya masabi kung anong totoong nangyari dahil ayaw niyang lumaki pa ang problema sa bahay nila Ada.
“Ate Leona, bahay-bahayan po tayo.” Aya sa kanya ng isang bata.
“Nasaan po si Ate Ada? Tawagin mo po para kumpleto ang pamilya.”
Ngumiti lang si Leona. “Maraming ginagawa si Ate Ada niyo ngayon. Sana bukas p'wede siya. Ibang laro na muna kayo ni Ate Celeste, ha?” Mahinhin na sabi niya.
Walang gana makipaglaro ngayon si Leona, kahit na yayain siya maglakad ni Celeste ay tinatanggihan niya rin ito kaya naman tinabihan niya na lang.
Panay silip ni Leona sa kanto, nagbabakasakaling dumating si Ada. Agad rin siyang lumabas ng bahay pagkatapos ng tanghalian pero wala pa rin ang babaeng inaabangan niyang dumalaw.
Hinawakan ni Celeste si Leona sa balikat, “Babalik ‘yun bukas. Masyado mo naman namimiss kaagad.”
“Eto kamo, hindi ko siya hinihintay ‘no.”
“Kaya pala panay masid ka sa kanto. May nakikita ka bang hindi ko nakikita?”
“Oo, ‘yung babaeng nagtatambay sa bintana ng kwarto mo..”
Hinampas nang malakas ni Celeste ang likod niya. Matapang lang ang kilos at salita niya pero mas matatakutin pa siya kesa kay Leona.
Balik dating gawi ang dalawa. Bibili ng pandesal sa umaga, makikipaglaro sa mga bata. Ang pinagkaiba lang, wala si Ada.
Makalipas ang tatlong araw ay hindi pa siya nagpapakita. Hindi rin nagtangkang dumalaw ulit si Leona sa bahay nito at baka makita na naman siya ng tatay ni Ada. Hangga’t maaari ay ayaw niya itong mapahamak.
“Leona! Tara? Lakad tayo?”
“Cel, ‘wag muna. Sama ng pakiramdam ko eh.”
“Gano'n ba? Sige pala. Pahinga ka muna. Uuwi muna ako, ha? Balikan kita mamaya.”
Tumango si Leona at pinanood umalis si Celeste bago bumalik sa loob ng kanilang bahay. Wala ang magulang niya't pumasok sa trabaho. Kahit na masama ang pakiramdam ni Leona ay mas gusto pa rin niyang kumilos para hindi bumigay ang katawan niya.
Ngunit nang naisipan niyang magpahinga, humiga na rin siya at sa hindi namamalayan, nakatulog na rin.
Maya-maya lang ay nakakarinig na siya ng mga nagtutunugang kubyertos sa kanilang kusina. Unti-unting binuksan ni Leona ang kanyang mata. Medyo nahihilo pa siya pero nilabanan niya ito para makatayo. Ayaw na ayaw niyang nagiging pabigat at alagain sa kanilang tahanan.
“Hala, uy! Ayos na ba pakiramdam mo? Tulog ka pa.” Nilapitan siya nito at hinawakan ang kanyang noo.
“Medyo mainit ka pa. Nagluluto ako ng sopas pero sa ngayon higa ka muna, ha?”
Yumakap siya rito, “Ada..”
“Hmm? Anong gusto?”
“Bakit ka nandito?” Matamlay ang boses ni Leona. Hindi sanay si Ada rito dahil masyado siyang masigla kaya mas lalo rin siyang nag-alala.
“Iisipin mo pa ba ‘yan? Ang mahalaga makapagpahinga ka..”
Inalalayan siya ni Ada papunta sa kwarto at pinahiga ito. May nakahanda ring maliit na palanggana sa tabi ng kama pati na rin ang pamunas. Piniga niya ito saka inilagay sa noo ni Leona.
“May nilusot kasing papel si Celeste sa bintana. Sabi niya masama raw pakiramdam mo. Mabuti na lang wala si tatay ngayon. Matatagalan ulit siya ng uwi.” Paliwanag ni Ada.
“Hindi mo naman kailangan gawin..”
“Shh..” Hinawi niya ang buhok na nakaharang sa mukha ni Leona. “Ako mag-aalaga sa'yo ngayon, Leona. Magpahinga ka lang.”
Hindi alam ni Leona kung masyado lang masama ang pakiramdam niya para makaramdam ng kung ano-ano pero nakaramdam siya ng halik sa pisngi habang nakapikit siya.
Nakatulog siya ng halos dalawang oras. Mas naging mabuti ang pakiramdam niya kaya tumayo na rin siya ulit. Iniisip niya, panaginip lang na nandito si Ada kanina.
“Ada?”
Lumingon sa kanya si Ada na naghuhugas ng mga pinaglutuan.
“Leona? Ayos na pakiramdam mo?” Nagpunas siya ng kamay saka lumapit muli sa kanya. Hinawakan niya ang noo at leeg. Maayos na ang kalagayan ni Leona.
“Kain ka na?” Masyadong malambing ang boses ni Ada kaya mas lalong natutunaw ang puso ni Leona dahil dito. Gusto niyang umiyak sa tuwa, lalo na't siya ang nag-alaga sa kanya ngunit mas minabuti niyang hindi na lang ito ipakita.
Tumango siya at inalalayan siya umupo. Pinainit lang ulit ni Ada ang nilutong sopas.
“Hindi ka pa rin pala umuuwi?” Tanong ni Leona.
“Paano ako uuwi eh masama pakiramdam mo. Tsaka hindi ka pa kasi kumakain baka awayin ako ni Cel.”
“Talaga ba? Baka awayin ka ni Cel?”
Lumapit si Ada sa tenga ni Leona at bumulong, “Hindi, gusto lang kita makasama. Namiss kita eh..”
Natawa nang bahagya si Leona at hinampas si Ada sa balikat. “Nakakainis ka. Pagkatapos mong hindi magparamdam ng ilang araw?”
Ngumiti lang si Ada sa kanya at kinuha ang kanyang kamay saka hinalikan. Nagulat at nagtaka ang isa sa kung bakit niya ito ginawa.
“Nagulat ba kita? Pasensya na..”
“B-bakit.. para saan yon?”
“Leona..” hinihimas-himas lang ni Ada ang kamay ni Leona na napakalambot. “Gusto kasi kita..”
“Alam kong bawal.. alam kong hindi p'wede.. pero ayoko rin na isipin mo na dahil ikaw lang pati si Celeste naging malapit sa'kin. Gusto ko lang sabihin na gusto talaga kita..”
Hindi nakasagot agad si Leona. Hindi rin kasi niya alam kung anong sasabihin. Masaya siya na gusto rin siya ng taong gusto niya pero may takot rin siyang naramdaman dahil alam niyang maraming huhusga.
“Ayos lang kahit hindi mo ‘ko gustuhin pabalik. Ayoko lang na itago nararamdaman ko sa'yo. Ikaw lang gusto ko, Leona.”
“Gusto rin kita, Ada..”
Lumakas lalo ang tibok ng puso ni Ada sa sobrang saya. Agad niyang hinila ito para yakapin siya nang mahigpit. Wala siyang ibang masabi, basta ang alam niya— swerte siya kay Leona.
“Anak? Nandito na kami.”
Biglang kumalas ng yakap ang dalawa at nag-ayos. Pagpasok ng magulang ay sinalubong sila ni Leona pati na rin si Ada na naghihintay sa likod niya.
“Oh, may kaibigan ka ah?” Sabi ng kanyang tatay habang nakatingin kay Ada. Nagmano rin si Ada sa kanilang dalawa.
“Ako po si Ada..”
“Ada, napakaganda.” Sabi ng nanay.
“Ayan din una kong nasabi.” Sabi ni Leona sa isip niya.
“Salamat po.” Nakangiting sabi ni Ada.
Nilapag nila ang pinamiling ulam sa lamesa nang makita ang kinain nilang sopas.
“Oh? Kumain na pala kayo? Saan galing itong sopas?” Tanong ng nanay at tinikman ang sopas.
“Niluto ho ni Ada ‘yan, nay. Masarap po ‘di ba?”
“Hmm, masarap. P'wede ka na mag-asawa, hija.” Biro ng kanyang nanay at nagkatinginan ang dalawa sabay ngiti.
“Bakit may sopas?” Tanong ng tatay.
“Ah, tay medyo nilamig lang po ako kanina kaya nagluto si Ada ng sopas.” Sagot ni Leona.
“Napakabait na bata naman pala. May napupusuan ka na ba?”
Siniko ng nanay ni Leona ang kanyang asawa, “Ano ka ba? Mahiya ka naman sa bisita.”
“Sus. Wala ‘yun. Napakaganda, napakabait, marunong pa magluto. Naku! Kung lalaki lang si Leona, ipapakasal ko na kayong dalawa.”
“Tay!” Si Leona na mismo ang nahihiya sa mga sinasabi ng kanyang tatay pero hindi rin niya maitago ang kilig dahil dito.
Kung lalaki lang sana..
Nagpaalam na si Ada na umuwi at masyadong malalim na ang gabi. Gusto man siya ihatid ni Leona pauwi ay hindi rin siya pinayagan dahil kagagaling lang nito sa lagnat. Niyakap niya ito bago tuluyang umalis.
———
Nagpunta sina Leona at Celeste sa bahay ni Ada para sunduin ito. Hinintay nila itong lumabas ng bahay.
Tinapos muna ni Ada ang pagkain ng almusal saka naligo. Alam niyang hindi pa uuwi ang kanyang tatay kaya hindi na muna niya nilinis ang bahay pati na rin ang pagluluto ng ulam.
“Ada! Magandang umaga sa'yo.” Bati ni Celeste.
“Magandang umaga rin sa inyo.” Bati ni Ada sabay tingin kay Leona at ngumiti.
“Ano? Tara na?” Aya ni Celeste.
Pumunta sila sa tabing-ilog na kung saan merong bangka ang pamilya ni Celeste. Ginagamit niya ito sa tuwing gusto niyang lumayo-layo sa mga problema. Saulo na rin niya kung saan ang mga daan dahil palagi siyang sumasama sa kanyang tatay.
“Ang ganda.. ngayon lang ako nakapunta dito.” Sabi ni Ada.
“Ganda, ‘di ba? Dito kami nagtatambay ni Leona kapag wala kaming gana makipaghalubilo sa mga kapitbahay.” Paliwanag ni Celeste.
“Ikaw pa lang dinala namin dito, Ada. Tutal kasama ka na sa'min, naisip namin na kailangan mo rin malaman ‘tong lugar na ito.” Sabi pa ni Leona.
Inalalayan nila si Ada sa pagsakay ng bangka at pinaupo siya sa gitna. Si Celeste ang nagsagwan dahil siya lang rin ang marunong.
“Siguro kung matagal ko na kayong nakilala, siguro masaya rin talaga buhay ko.”
“Anong ibig mong sabihin? Hindi ka ba masaya?” Tanong ni Celeste.
“Hindi sa gano'n, pero ‘yung tatay ko kasi. Pakiramdam ko ayaw niyang nakikita akong masaya.”
Naiintindihan siya ni Leona dahil saksi siya sa kung paano magsalita ang kanyang tatay sa kanya. Ayaw niya maging malungkot ang ganap nila ngayong araw kaya iniba ni Leona ang usapan.
“Marunong ka lumangoy?” Tanong niya.
“Ako? Hindi rin eh. Hindi pa ako nakaranas na maligo sa ilog. Lalo na ang lawak nito..”
“Gusto mo maligo?” Tanong rin ni Celeste. Lumingon sa kanya si Ada na may malawak na ngiti.
“Oo! Gusto ko masubukan.”
Bumalik sila sa ilog at hinawakan si Ada para hindi matangay ng alon kahit na mahina lang ito. Hindi na nila tinuruan lumangoy. Hinayaan lang nila ito na magsaya sa pagligo pero hindi naman nila inaalis ang tingin sa kanya.
Umabot ng gabi ang paglalaro sa ilog ng tatlong magkakaibigan. Mabuti na lang at palaging may nakatagong tuwalya si Celeste para hindi sila malamigan. Wala silang dalang damit na pamalit pero dahil malapit lang naman ang bahay nila, nagbalot na lang sila ng tuwalya sa mga balikat nila.
Wala na masyadong tao sa kalsada dahil madilim na kaya mga tawa na lang nila ang maririnig dito. Napansin rin ni Celeste na magkahawak ng kamay sina Leona ag Ada kaya hinayaan niya lang rin ito. Masaya siya para sa kaibigan niya.
“Maduga ka eh hindi mo nilubog ulo mo kanina!”
“Uy hindi ah, ako lang talaga pinakamatagal sa inyo sa ilalim!”
“Kita ko kayo kanina, nahuli kayong lumubog!”
Biglang may mga nagsigawang mga babae at napatigil sa paglalakad ang tatlo. Hindi nila alam kung anong unang gagawin kaya nama'y nakiramdam muna sila kung saan nanggagaling ang mga sigawan.
Bumukas ang isang pinto at may nadapang babae papalabas. Tutulungan na sana ni Celeste nang hilain siya ng isa pang matandang babae.
“Tumakbo kayo!” Sigaw nito sa kanila.
“Po? Ano pong—”
“Ate Leona!!”
Napalingon si Leona sa sumigaw na batang hinihila ng mga lalaking nakatakip ang mukha. Nanlaki ang mata nila nang mapagtanto nilang hindi lang isa o dalawa ang kinukuha nila.
“Ate Leona, takbo!!” Sigaw pa ng isa.
May dumaang matandang babae na tumatakbo rin at hinawakan si Celeste, “Hija, tumakbo kayo! Kinukuha nila ang mga babaeng wala pang asawa!”
“E-Eh ‘yung mga bata po?”
“Lahat kinukuha nila, kahit mga bata. Lahat ginagamit nila. Ang mga nanlalaban ay pinapatay rin. Kaya tumakbo na kayo!”
Nakaramdam ng takot ang tatlo. Gusto man nilang umuwi para makita ang kanilang magulang ngunit hindi nila magawa dahil kaliwa't kanan ang mga nangunguha ng mga dalaga.
May isang lalaki ang napatingin sa kanila at ngumising nakakaloko.
Hinawakan nang mahigpit ni Celeste ang kamay nina Ada at Leona saka hinila ito pabalik sa pinanggalingan nila. Bumalik sila sa ilog kung saan kaya nilang tumakas gamit ang bangka ni Celeste.
Nang makarating sila ay pinasakay nila agad si Leona habang si Ada at Celeste ang nagtulak sa bangka papuntang ilog. Sumunod na sumakay si Celeste at naghanda.
“Ada, sakay! Dali!” Sigaw ni Celeste.
Maririnig ang grupo ng mga kalalakihan na sumisigaw at hinahabol ang tatlong magkakaibigan. Mas lalong nataranta ang dalawa na nakasakay na sa bangka.
“Ada, hawak ka sa kamay ko!” Sigaw ni Leona.
Ngunit ngumiti lang si Ada at nilagay ang kanyang kamay sa pisngi ni Leona, “Susunod ako sa inyo. Ililigaw ko lang sila, ha? Ingat kayo.”
Masyadong naguluhan si Leona sa mga nangyayari kaya hindi na niya maintindihan ang iba pang pag-uusap nina Celeste at Ada. Nanlalabo na rin ang mga mata niya dahil sa mga luhang namumuo sa takot na baka pati si Ada ay makuha.
“A-Ada, sakay na..”
“Mahal kita, Leona.” Huling paalam ni Ada bago humalik sa labi ng minamahal niya.
Kahit labag sa loob, sinimulan nang isagwan ni Celeste ang bangka. Habang si Ada naman ay hindi na nila nakita. Masyadong madilim sa lugar na ito, madali lang iligaw ang mga lalaking nanghahabol.
Pero ang takot ng dalawa, sa ilog rin tumakbo si Ada.
“Cel.. si Ada.. balikan natin siya, Cel..” Pagmamakaawa ni Leona sa kaibigan habang umiiyak.
“Leona, kapit ka lang, ha? Magiging maayos rin si Ada.” Kahit alam niyang nasa panganib ang buhay ni Ada, hindi niya pinapakitang nag-aalala siya para hindi humina ang loob ni Leona.
“Hindi.. si Ada.. sa ilog siya pumunta, Cel.”
“Nagtatago lang siya, Leona. Ligtas si Ada kaya kumalma ka muna.”
“Hindi! Hindi marunong lumangoy si Ada! Balikan natin, Cel!” halos gusto na niyang tumalon para lumangoy at kunin si Ada pero pinipigilan lang siya ni Celeste.
Parehas silang walang magawa sa mga oras na ‘yon. Alam nilang hindi rin sila makakabalik agad dahil paniguradong magbabantay na ang mga lalaking ‘yon hangga't hindi nila nauubos ang mga dalaga.
Ngunit nang makauwi sila pagtapos ng tatlong araw, tahimik ang lugar, kaunti lang ang mga batang nakaligtas, at walang Ada ang bumungad sa kanila.
———
“Lavigne!”
Lavigne woke up with tears on her cheeks and trembling hands. She looked at her friend, who was very concerned about her.
“Okay ka lang? Nananaginip ka yata?” Cyra asked.
“A-Ada..” she said with a shaking voice.
“Cy.. si Ada.. tulungan natin siya..”
Nakatingin lang si Cyra sa mga mata niya. She knows that her friend tried the past life regression meditation even though she told her not to do it. Masyadong matigas ang ulo ni Lavigne at walang makakatalo sa pagiging curious nito sa mga bagay.
“You still.. did it?”
“Si Ada..” Nagmamadaling tumayo si Lavigne at hinila lang siya pabalik ni Cyra.
“Saan ka pupunta?”
“Kay Ada..”
“Alam mo kung saan siya pupuntahan?”
Hindi nakasagot si Lavigne. Ang alam lang niya ay kailangan niya sagipin si Ada. Sa sobrang sakit ng nararamdaman niya, napaupo na lang siya at nagtakip ng mukha.
Hindi niya nailigtas si Ada noon pero wala rin siyang magawa hanggang ngayon.
“Masaya si Ada na nakaligtas ka, Leona.”
When she heard Cyra call her Leona, she looked up to her and said, “Leona..?”
“Hindi na natin siya mababalikan. Usad na tayo, Lavigne. Please?” She held Lavigne's hand and hugged her tight.
“Alam mo?” Lavigne asked in between her heavy breaths.
“She sacrificed herself for you. Kailan ka ba matututong umusad, Vin?”
Lumayo si Lavigne sa kanya, “Alam mo nga?”
“Ako si Cel..”
Cyra also can't hold her tears back and cries with Lavigne. “I'm sorry..”
“S-so.. ginawa mo rin?”
“Yes. Ilang beses na. Ilang beses ko na dinalaw ang iba't-ibang buhay ko, Lavigne. Sa lahat ng buhay ko, ikaw ang kasama ko..” Lumapit siya muli kay Lavigne at hinawakan ang kamay nito.
“Sa lahat ba ng buhay na kasama mo ako.. naaalala ko siya?”
“Oo.”
“Bakit?”
“Kasi nangako ka sa kanya na hahanapin mo siya sa kahit na anong mangyari.”
“Eh bakit damay ka?”
“Kasi nangako rin ako kay Ada na ililigtas kita palagi. Kaya heto ako, hindi na nawala sa tabi mo—kahit pa sa anong buhay, kasama mo.”
Cyra hugged her tight, “Whatever has happened in the past, please forgive yourself. Mas marami pang kaganapan na naghihintay sa'tin in the future, Lavigne. For sure, ayun din ang gusto ni Ada, ang makita tayong masaya. Ang makita kang masaya.”
Cyra had tried this many times, and she felt that it was also destined for her so that she could take care of Lavigne after the meditation.
May mga tao talagang hindi nagtatagal sa buhay natin. Totoo nga ang sabi ng iba, na hindi mo dapat gawing mundo ang mga taong minamahal mo. Sure, the memory stays, but it is there as a reminder for us to keep on going and be strong for what's ahead of us.
We need to learn to accept the fact that we can't have everything and anything that we want. Ika nga ni Aling Pilar na kumausap kay Cyra, we have to let go of the things that we can't control.
Lavigne and Cyra spent their 13th life remembering Ada.
Mahal, lakbay na tayo?