
Sa unang beses na nakita ko ulit si Maloi, akala ko multo siya.
Nakatayo siya sa may ilog, suot ang paborito niyang dilaw na jacket na madalas kong asarin dati. Luma na ‘yon, butas-butas na siguro kung tutuusin, pero doon siya pinakamasaya.
Nakatayo lang siya ro’n, nakatanaw pa rin sa ilog, nakatalikod sa akin.
“Maloi,” tawag ko. Wala siyang sinagot.
Baka guni-guni lang.
Lumapit pa ako, dahan-dahan, sapo ang kirot sa tuhod na matagal nang bumigay sa bigat ng panahon.
Hanggang sa narinig ko ang tawa niya, 'yung tunog na para bang nag-uumapaw na sikat ng araw sa gitna ng tag-ulan.
Napapikit ako.
Dapat umalis na lang ako. Pero ang nasabi ko lang, “Ba’t ka nandito?”
Hindi siya sumagot. Tumalon lang siya sa mula sa tinutungtungan niyang semento papunta sa bunton ng mga tuyong dahon, gaya ng madalas niyang gawin dati.
At sa loob ng isang iglap, nagbalik ang lahat sa akin.
Kung paano siya tatawa nang malakas kapag natatakot ako,
Kung paano niya ako pilit na hinahatak sa mga kalokohan niya,
Kung paano niya ako pinapangiti kahit naiinis na ako.
“Talon ka rin?” sabi niya, nakangiti. “Wait lang, ire-rake ko ulit para sa’yo.”
Tahimik lang akong nakatingin sa kanya. May kung anong mabigat sa lalamunan ko, pero hindi ko masabi.
Nasa labas na naman ako. Nakaupo sa lumang bangko sa tabi ng bintana, tanaw ang ulan na dahan-dahang humahalik sa semento ng kalsada.
Tag-ulan na naman.
May dala akong kape, pero hindi ko pa iniinom. Naghihintay pa rin ako.
Maloi, bumalik ka naman.
Kung ako lang, tatayo ako ngayon at pupunta sa’yo.
Kakapit sa laylayan ng luma mong jacket, ‘yung kulay dilaw na suot mo noong una tayong naglakad sa Escolta habang kumakain ng sorbetes.
Ikukwento ko pa sa’yo kung paano sumakit ang tiyan ko noong bata ako dahil kumain ako ng sorbetes.
Kaya nga ba dirty ice cream ang tawag doon?
Tatawa ka at sasabihin mong ang weird ko.
Gusto kong magluto ulit para sa ‘yo. Hindi man ako kasing galing mo, pero naaalala ko ang tuwa mo noon sa sinigang kong maalat.
Sabi mo, “Ayos lang, mahal mo naman ako, eh.”
Ang yabang mo pa. At natawa lang ako, kasi totoo naman.
Mahal na mahal kita.
Kung babalik ka, ipapakita ko sa ‘yo ‘yung mga tanim ko sa likod ng bahay.
Naalala mo pa ba kung paano ka tumatawa noon habang pinagmamasdan akong maghukay ng lupa?
Sabi mo, mukha akong kontrabida sa lumang pelikula. Mukha akong masungit, tahimik, pero halatang malambot ang puso.
Ikaw lang naman ang may kayang tumagos sa pader na binuo ko, Maloi.
Pero paano? Wala ka na.
Miss na miss na kita.
Iniwan mo ako nang sobrang tahimik.
Isang umagang hindi mo na ‘ko kinausap.
Kinalabit kita, sambit ko sa labi ko ang mga salitang, “Good morning, mahal.”
Pero hindi ako nakarinig ng good morning pabalik.
Kinabukasan, gano’n din.
At sa mga sumunod na araw na rin.
Hindi ko alam kung paano ko nasabing okay lang. Kung paano ko napaniwala ang sarili kong kaya ko.
Pero hindi ko kaya.
Gusto kong bumalik ka,
Gusto kong bumangon ka mula sa dilim,
Gusto kong maramdaman ulit ang kamay mo sa kamay ko,
Ang pisngi mo sa leeg ko kapag nilalamig ka.
Kahit nilalamig ka.
Kung may paraan lang, tatawid ako.
Susunduin kita. Kahit saan pa.
Dito ka na lang, Maloi.
O kung hindi na talaga pwede, kumatok ka na lang sa pinto.
O kaya tumawag ka.
Tawagin mo naman ang pangalan ko.
Para lagi kong maalala ang boses mo.
Sa huli kong pagtulog,
Sa huli kong panaginip,
Ikaw lang ang gusto kong makita.
At sa muli nating pagkikita,
Hindi na tayo magkakahiwalay pa.
End