
Alas singko ng hapon, kakatapos lang ng klase.
Magkahawak ang ating mga kamay habang papalabas sa eskwelahan.
Kulang-kulang isang kilometro rin ang lalakarin natin upang makarating sa hintayan ng bus na sinasakyan natin pauwi.
Pwede naman tayong mag-jeep para makarating doon, pero sabi mo mas gusto mo maglakad dahil mas matagal mo akong nakakasama at nakakahawak ng kamay.
Akala mo naman hindi tayo bumibiyahe ng mahigit isang oras araw-araw nang magkasabay.
Pero sino ba naman ako para tumanggi, 'di ba? Pabor din naman sa akin ito.
Kung hindi lang mausok at punong-puno ng motoristang dumadaan sa sidewalk, paniguradong kahit magpabalik-balik pa tayo sa daang 'to ay ayos lang sa'kin.
Kasama nating nag-iintay sa bus stop ang ibang pang mga estudyanteng pauwi na rin nang kani-kanilang mga bahay.
Ayan na.
Dumating na ang bus.
Agad na nagmadali ang iba na umakyat sa bus na parang mga zombie sa Train to Busan. Kikilos na rin sana ako paakyat, pero pinigilan mo ako.
Ayaw ko kasing tumayo tayo sa biyahe dahil mahihiluhin ka. Natatakot din ako na magkahiwalay ang mga upuan natin.
Ayaw ko no'n. Ayaw kong malayo ka sa'kin.
Gusto ko lagi ka lang sa tabi ko.
Bumulong ka sa akin.
"Staks, wait lang. Hayaan mo na sila umakyat lahat, madami pa namang space sa loob."
Sabi mo habang sinisipat ang mga upuan sa loob ng bus.
Nang maubos na ang nagkukumpulang mga pasahero sa pinto ng bus ay umakyat na rin tayo.
Pinauna na nakita dahil alam kong sa may bintana ang gusto mong pwesto. Mabuti na lang at may bakante pang magkatabing upuan sa kanan, sa pangalawang hilera mula sa dulo.
Baka buong biyahe ako maiinis kung hindi tayo magkatabi.
Nang maging komportable na tayo parehas sa ating mga upuan ay inilabas mo na ang iyong phone at earbuds mo. Sinuot mo ang isang pares sa kaliwang tenga mo at nilagay mo naman sa kanang tenga ko ang isa.
Naiinis sa sarili, shit, ba't gan'to? Nawawala lahat-lahat ng angas ko Bumibilis bigla tibok ng puso ko Tila tumatakbo, oras humihinto, bakit naman gan'to?
Ipinatong mo na ang iyong ulo sa aking balikat sabay hawak nang mahigpit sa aking kamay.
"Staks, hilo na k—"
Hindi mo pa man natatapos ang sinasabi mo ay dahan-dahan ko nang hinagod ng aking kaliwang kamay ang iyong ulo.
Medyo nakakangalay ang ginagawa ko dahil habang hagod-hagod ng kaliwang kamay ko ang ulo mo, ang kanan naman ay nakahawak sa kamay mo.
Kapag dumadampi ang hangin sa 'kin May bulong na parang panalangin kong gusto Nalilinawan ang lahat, at mahiwaga Sapagkat ikaw at ako andito, oh, oh
Pero hindi pa rin ako magrereklamo.
Hinding-hindi.
"Sadyang maganda kang talaga sa lahat, pinakamagandang nilalang Nakakailang ulit, 'di ka matitigan nang dere-deretso lang" sabay ko sa kanta.
Sabi mo kasi dati, nawawala yung sakit ng ulo mo sa biyahe kapag naririnig mo ang boses ko.
Di ko alam kung totoo o binobola mo lang ako.
"Makakarating din tayo."
"Ok lang yan."
"Matulog ka lang, gigisingin kita kapag malapit na tayo."
"Sabihin mo lang pag di mo na kaya, bababa tayo."
"Mahal kita."
Ilan lang yan sa mga bulong ko sa'yo. Kapag hindi ako sumasabay sa kantang pinapatugtog mo, idinadaan ko na lang ito sa mga bulong ko at umaasang maibsan nito ang nararamdaman mo.
Salamat sa kalawakan, bigla kang nilapit sa 'kin na parang Nakatakdang mangyari lahat ng 'to, nirekta mo 'ko sa puso ko, ang lala
Kapag wala na akong masabi ay hinahalikan ko na lang ang iyong ulo.
Hindi na naman gano'n kalala ang motion sickness mo kumpara noong una-una nating taon na pag-cocommute. Kaya nga lang may mga araw pa rin na sinusumpong ka.
Lahat-lahat sa 'kin wala nang halaga, bukod sa 'yo, mahal, oh baby, aking sinisinta Ikaw pinakamaganda, 'la 'kong paki sa iba, oo, wala, wala
"Staks, malapit na ba tayo?" Tanong mo.
"Oo, kaunti na lang."
Nakikita ko na ang pamilyar na establisyamento kung saan tayo bumaba. Huminto na ang bus dito.
"Tara na, Jho," aya ko sa'yo.
Nauna akong tumayo para alalayan ka. Magkahawak pa rin ang ating kamay habang naglalakad sa gitna ng bus.
Nang malapit na tayo sa pinto, agad na nating binitawan ang isa't isa.
Pagkababa natin, naroon na ang tatay mong nag-aabang sayong pag-uwi. Nauna ka nang maglakad papunta sa kanya.
Walang lingon-lingon at umalis na kayo... Habang ako ay nakatingin sa papalayo ninyong pigura.
Kailan kaya tayo magiging malaya? May pag-asa pa kayang mahalin ka ng walang takot na may makakita sa'tin?
O baka ganto na lang talaga tayo.
Laging patago.
Laging palayo.
Laging lihim.
Nakakainis isipin na pareho tayo ng destinasyon, ngunit sa huli, magkaibang direksyon pa rin ang ating tatahakin.